Inday TrendingInday Trending
Galit ang Gurong Ito sa Kaniyang Makulit na Estudyante; Ang Sagot Nito sa Kaniyang Takdang Aralin ang Magpapabago sa Kaniyang Pananaw

Galit ang Gurong Ito sa Kaniyang Makulit na Estudyante; Ang Sagot Nito sa Kaniyang Takdang Aralin ang Magpapabago sa Kaniyang Pananaw

“Elmer! Hindi ba at sinabi ko na sa ’yo na tumayo ka lamang diyan sa likuran? Bakit kinukulit mo na naman ’yang mga kaklase mo?” Nanggagalaiti na naman si Ginang Minerva dahil sa kaniyang estudyanteng si Elmer. Ito ang isa sa pinakamakulit at pinakapilyo niyang estudyante na talaga namang kinaiinisan niya, pati na rin ng iba pang mga guro nito.

Kumamot naman sa kaniyang ulo si Elmer. “E, ma’am, sila naman po ang tingin nang tingin sa akin, e. Napopogian po yata sila sa akin,” nakangiti pang pabirong sagot nito sa kaniya na lalo pang ikinainit ng ulo ni Ginang Minerva.

Napabuntong-hininga siya. Talagang hindi na niya alam kung ano pa ang gagawin sa batang ito para umayos ang ugali nito. Talaga yatang kulang sa aruga ang batang ito, sa isip-isip ni Ginang Minerva na dala lamang ng kaniyang inis. Dahil doon ay minabuti na lamang niyang ituon sa pagtuturong muli ang kaniyang atensyon kaysa naman atakihin siya ng hayblad dahil sa Elmer na ito. Kaunti na lang ay ipatatawag na talaga niya ang mga magulang nito.

“Kunin n’yo ang inyong kwaderno at isulat ang mga sasabihin ko. Ito ang inyong takdang aralin… Ilarawan ang inyong kinabibilangang pamilya noon at ngayon. Anu-anong mga pagbabago ang inyong napansin habang lumalaki kayo? Isulat ito sa inyong kuwaderno at itse-tsek ko ’yan bukas, nagkakaintindihan ba?” Sabay-sabay na sumagot ng “Opo!” ang mga estudyante ni Ginang Minerva matapos niyang sabihin iyon.

Maya-maya ay bumaling siya kay Elmer. “Baka hindi ka na naman gagawa ng takdang aralin mo, Elmer, ha? Talagang ipapa-guidance na kita kapag hindi ka pa rin sumunod!” banta pa niya sa bata na tinanguan lamang naman ang kaniyang sinabi.

Nagtaka pa si Ginang Minerva sa nakitang pagiging matamlay ng bata, gayong sanay siyang nakikitang napakabibo nito at napakakulit. Ngayon ay tila ba may nababanaag siyang kalungkutan sa mukha nito na labis niyang ipinagtaka, ngunit minabuti niyang huwag na lamang isipin pa. Dapat nga ay nagpapasalamat pa siya na hindi na ito sumagot pa, dahil baka mapikon lamang siya ulit.

Kinabukasan, pagpasok na pagpasok pa lamang ni Ginang Minerva sa kanilang silid-aralan ay nakahanda na sa kaniyang mesa ang mga kuwaderno ng kaniyang mga estudyante. Wala na siyang ibang gagawin pa kundi i-tsek na lamang ang mga ’yon habang pinagsusulat niya ang mga ito ng kanilang paksa para sa susunod na araw.

“May gawa ba ’yang si Elmer?” tanong pa ni Ginang Minerva sa presidente ng kaniyang klase na agad namang tinanguan nito. “Mabuti naman,” dugtong pa niya bago siya nagpatuloy sa pagtse-tsek ng mga kuwaderno, hanggang sa mapadpad siya sa pinakahuling kuwadernong kaniyang susuriin… iyon ay kay Elmer. Mukhang ito rin ang unang nagpasa kaya napailaliman na ng mga nahuli.

Sinimulang buklatin ni Ginang Minerva ang kuwaderno ni Elmer, at hindi siya makapaniwala nang mabasa niya ang nilalaman ng sagot nito sa kanilang takdang aralin!

“Masaya ang pamilya namin noon. Sama-sama kami, kahit simple lang ang aming pamumuhay. Sinisikap ng aking nanay at tatay na itaguyod kami. Lagi rin nila kaming dinadala sa simbahan upang maging malapit daw kami sa Diyos…

Pero nagbago na ang lahat ngayon. Simula nang kunin sila sa akin ni God. Nagkaroon kasi ng sunog sa bahay na tinitirahan namin noon at nadamay pati ang nanay at tatay ko. Ngayon ay wala na akong pamilya at nakikitira na lamang sa pinsan ni mama. Hindi naman nila ako mahal doon, kaya gusto ko na rin sanang sumunod sa mga magulang ko…pero masama raw ’yon dahil marami pang gustong mabuhay. Ang wish ko lang ngayon, sana magkaroon ulit ako ng nanay at tatay na magmamahal sa akin. Sana bumalik na ang dati…”

Hindi na namalayan pa ni Ginang Minerva na umiiyak na siya habang binabasa ang naturang sagot ni Elmer sa kanilang takdang aralin! Ngayon ay naiintindihan niya na kung bakit ganito ito kakulit na bata! Sana pala ay hindi nya na lamang ito palaging pinagagalitan noon. Tumayo si Ginang Minerva sa kaniyang upuan at nilapitan si Elmer. Bigla niya itong ginawaran ng yakap na agad namang tinugon ng bata kahit pa bahagya itong nagulat. Doon nagsimulang magbago ang pakikitungo ni Ginang Minerva sa bata, at ganoon din naman si Elmer sa kaniya.

Kalaunan ay nagpasiya si Ginang Minerva na ampunin na lamang nang legal si Elmer, tutal ay nalaman niyang minamaltrato lamang pala ito ng kaniyang mga kaanak. Ngayon ay mas masaya na ang buhay ni Elmer sa piling niya at ng kaniyang asawang tinanggap din ito nang buong puso. Tinupad nila ang hiling ni Elmer na magkaroon ulit ng buong pamilya, kahit papaano.

Advertisement