Inday TrendingInday Trending
Akala ng Babaeng Ito ay Ipinangbibisyo lang ng Kaniyang Mister ang mga Baryang Hinihingi nito sa Kaniya; Nagkakamali pala Siya

Akala ng Babaeng Ito ay Ipinangbibisyo lang ng Kaniyang Mister ang mga Baryang Hinihingi nito sa Kaniya; Nagkakamali pala Siya

“Bente pesos na naman!” malakas na hiyaw ni Aling Berna sa asawang si Mang Ismael, nang pagkauwi niya galing sa paglalabada ay nanghihingi ito ng bente pesos. “Puro ka na lang hingi ng pambisyo mo! Alam mo namang nahihirapan na ako para lang may maibili tayo ng bigas at may maibaon sa eskuwela ’yang mga anak mo!” dugtong pa niya kaya naman napakamot sa ulo nito ang kaniyang mister.

“Mahal naman. Hindi ba’t nagbibigay naman ako ng panggastos? Nagtatrabaho naman ako, a,” pangangatuwiran pa nito, ngunit lalo lamang nag-init ang ulo ni Aling Berna dahil doon.

“Nagbibigay ka nga pero kulang! Kulang nga sa atin, hindi ka ba nakakaintindi?”

Dahil sa tugon ng asawa ay napailing na lamang si Mang Ismael. Hindi na lamang siya nanghingi pa at mas pinili na lamang manahimik upang lumamig na ang ulo ng kaniyang misis.

Naupo si Mang Ismael sa kanilang sofa, habang ang asawa niya namang si Aling Berna ay naupo sa harapan ng kanilang mesa. Suot nito ang kaniyang salamin sa mata, habang sa harapan nito ay nakapatong naman ang papel na listahan nito ng kanilang mga gastusin sa bahay, calculator, at ballpen. Mukhang nagtutuos na ito ng budget nila ngayong linggo.

Nakaramdam ng pangongonsensiya si Mang Isamael nang makita niyang makailang ulit na napailing si Aling Berna. Mukhang namomoroblema ito at nahihirapang mag-budget ng kanilang pera. Naiintindihan niya kung bakit ganoon na lang ang galit nito kanina sa kaniya nang manghingi siya ng barya.

Pagkakain nila ng hapunan ay naisipan ni Mang Ismael na hiramin ang calculator ng asawa. Hindi naman na ito nagtanong pa kung bakit at ipinahiram na lamang iyon sa kaniya. Pagkatapos ay siya naman ang naupo sa harapan ng mesa, at doon ay tinuos niya kung gaano kalaki ang nagagastos niya sa isang linggo para sa kaniyang pambisyo.

Biglang nanghinayang si Mang Ismael sa mga perang inilaan niya para sa kaniyang pangsigarilyo at pang-alak. Kung tutuusin, dapat ay nakabili na siya ng maganda o mamahaling motorsiklo man lang gamit ang mga perang ’yon! Kaya naman nang gabing ’yon ay may ideya siyang naisip.

Nagpasiya si Mang Ismael na bawasan nang paunti-unti ang kaniyang sigarilyo. Itinigil din niya agad ang kaniyang pag-iinom. Hanggang sa masanay na si Mang Ismael na ihiwalay sa kaniyang katawan ang bisyo, habang ang kaniyang perang ibibili sana ng mga ito ay unti-unti niya ring inipon at inilagay sa isang alkansya. Wala namang kaalam-alam si Aling Berna sa ginagawa ng asawa, kaya naman madalas ay binubungangaan pa rin niya ito.

Dumating ang araw na halos walang nagpapalaba kay Aling Berna. Panay kasi nasa bakasyon ang kaniyang mga kostumer kaya naman wala rin siyang kita para sa buong linggong iyon. Sapo niya ang kaniyang ulo. Namomroblema siya kung saan sila kukuha ng panggastos para sa linggong ’yon, nang bigla siyang lapitan ng kaniyang mister…

“Kung nandito ka para manghingi ng pambisyo, wala akong maibibigay sa ’yo. Tigilan mo ako ngayon, Ismael! Hindi ko na alam kung saan pa ako kukuha ng panggastos natin!” mainit ang ulong singhal niya sa lalaki na tinugon lamang siya ng isang malaking ngiti.

“Mahal naman… hindi naman ako manghihingi. Ito nga’t kumita ako nang sobra sa sideline ko kanina kaya ibibigay ko ito sa ’yo,” sagot pa nito. Agad namang natahimik si Aling Berna.

Iniabot niya ang perang ibinibigay ni Mang Ismael saka siya mahinang nagpasalamat. Medyo nakaramdam siya ng hiya sa asawa, dahil sa pagsinghal niya rito gayong wala naman itong ginagawang masama. Nang tingnan niya ang kaniyang mister, nakita niyang may hawak itong isang malaking galon na binalutan ng napakaraming packing tape. Dahil doon ay napakunot naman ang kaniyang noo at napataas ang isang kilay.

“Ano ’yan?” tanong niya rito.

Ngumiti naman si Mang Ismael at hindi na nagsalita pa. Bagkus ay binuksan na lamang ang naturang galon at doon ay tumambad sa kaniya ang napakaraming inipong pera sa loob n’on! Laking pagtataka naman ni Aling Berna, ngunit agad na nagpaliwanag si Mang Ismael.

“Hindi na ako nagbibisyo, mahal. Ang totoo ay inipon ko na lang ang pera ko imbes na ibili ko ng yosi at alak. Kaya heto, may pera ako. Inilalaan ko talaga sana ito sa pambili ko ng regalo para sa ’yo, pero mukhang sa susunod na lang. Kailangan kasi natin ngayon—”

Isang mahigpit na yakap ang iginawad ni Aling Berna sa asawa, hindi pa man ito tapos magsalita. Ikinatuwa niya ang ginawa nitong pagbabago at dahil doon ay nagbago rin ang kanilang pamumuhay. Mas tumibay ang kanilang pagsasama.

Advertisement