Inday TrendingInday Trending
Muntik nang Mawala ang Anak ng Babaeng Ito Dahil sa Kaniyang Katsismosahan; Paano nga ba Nangyari Iyon?

Muntik nang Mawala ang Anak ng Babaeng Ito Dahil sa Kaniyang Katsismosahan; Paano nga ba Nangyari Iyon?

Nasa supermarket si Aling Karen. Kasama niya ang kaniyang apat na taong gulang na anak na lalaki, habang namimili sila ng groceries ng kanilang pamilya para sa linggong iyon. Sumuweldo kasi kahapon ang kaniyang asawa kaya naman minadali na niya ang sarili upang maisingit sa kanilang budget ang para sa pagkain lalo na’t napakarami nilang bayarin ngayong buwan. Isa pa, gusto niya ring iparangya mamaya, sa kaniyang pagdaan sa tapat ng kaniyang mga kapitbahay ang mga ipinamili niyang groceries. Paniguradong maiinggit na naman sila sa kaniya. Ayaw kasi ni Aling Karen na pinagtsitsismisan siya ng kaniyang mga kapitbahay na ‘naghihirap’ na katulad ng naging tsismis sa kaniya ng mga ito noong isang linggo, nang may maningil sa kaniyang ‘payb-siks’ at nakita nilang pinagtataguan niya iyon.

Numero-unong ‘Marites’ ng kanilang compound si Aling Karen, kaya naman mas mabilis pa sa alas-kuwatro kung siya ay makasagap ng balita. Sa totoo lang ay marami nang naiinis sa kaniya sa kanilang lugar dahil sa sobrang katsismosahan niya, pati na rin ng kaniyang mga kumareng palagi niyang kahuthutang dila.

Nang araw na ’yon, habang abala sa pamimili si Aling Karen ay hindi inaasahang nakasalubong niya sa supermarket na kinaroroonan nila ang isa sa kaniyang mga kumareng lumipat na ng tirahan noon lamang isang buwan. Ngayon lamang sila muling nagkita simula nang lumipat ito ng tirahan, kaya naman nagkagulatan pa ang dalawa.

“Oy, Mareng Beth!” tuwang-tuwang ani Aling Karen sa kaniyang kumare na tinugon din naman siya ng kasing siglang bati.

“Naku, Mareng Karen, ikaw pala ’yan! Tagal din nating ’di nagkita!”

Bakas ang kasabikan sa mukha ng dalawa nang sila ay magbeso. Animo sabik na sabik silang makita ang isa’t isa. Dati rati kasi ay halos araw-araw silang magkasama, at maghapon-magdamag na nagkukuwentuhan—at nagtsitsismisan. Ang dalawang ito kasi ang pinakatalamak na tsismosa sa kanilang lugar, kaya naman ganoon na lang ang tuwa ng kanilang mga kapitbahay nang sila ay maghiwalay na ng landas sa wakas.

“Napakarami na nating dapat pagkuwentuhan, mare. Ang dami kong ichi-chika sa ’yo!” sabik pang ani Aling Karen sa kumare na agad namang nanlaki ang tainga at mataman siyang pinakinggan.

Dahil tila na-miss ng dalawa ang isa’t isa ay napasarap ang kanilang kuwentuhan. Halos napagkuwentuhan na kasi nila ang buhay ng halos lahat ng kapitbahay nila, kaya hindi na nila namalayan ang oras. Kundi pa tumunog ang cellphone ni Aling Beth ay hindi pa mapuputol ang usapan ng dalawa. Doon lamang nila namalayan ang oras, at doon lamang din napagtanto ni Aling Karen na nawawala na pala sa tabi niya ang anak na si Cali!

“Diyos ko po, nasaan ang anak ko?!” hiyaw ng natatarantang ginang na agad namang umalarma sa mga taong naroon sa supermarket. Agad na naghanap din ang mga ito. Maging ang manager ng naturang pamilihan ay sinuri na ang mga kuha sa CCTV upang makita kung ito ba ay nakalabas na.

Doon nila nalamang sumabay pala sa isang mag-asawa ang bata, kaya inakala ng guwardiya na anak ng mga ito ang anak ni Aling Karen. Dahil doon ay lalong kumalabog ang dibdib niya at wala na siyang ibang nagawa kundi tawagan ang kaniyang asawang agad namang umalis sa trabaho upang tumulong sa kaniya sa paghahanap sa anak nila.

Halos mawalan ng ulirat si Aling Karen sa kahahanap sa kaniyang anak. Alam niyang kasalanan niya ang nangyaring ito dahil mas inuna niya pa ang pakikipagtsismisan! Halata rin niya ang galit sa mga titig sa kaniya ng asawa kahit pa hindi ito nagsasalita. Alam niyang mamaya ay pagsisimulan ito ng away nilang dalawa.

Mabuti na lamang at nang gumabi na ay nakatanggap sila ng tawag mula sa presinto ng kanilang bayan. May nagdala daw roon kay Cali, na sumunod pala sa ibang ginang na inakala niyang nanay niya. Mabuti na lamang pala at nakuha ito ng isang mabait na pedicab driver at agad na isinauli sa police station ang bata.

Ligtas na naiuwi ni Aling Karen at ng kaniyang asawa ang kanilang unico hijo, ngunit ilang linggo rin iyong naging dahilan ng kanilang hindi pagkakaunawaan. Hindi siya kinikibo ng kaniyang mister. Dahil doon ay isang malaking leksyon ang natutunan ni Aling Karen sa nangyari at ipinangako niya sa kaniyang sarili na pipilitin niya nang baguhin ang pagiging tsismosa niya upang hindi na ito maulit pa.

Advertisement