Namantsahan ng Puting Pintura ang Kotse ng Lalaki, Mabuti na Lang at may Nagsabi Nito sa Kaniya; Bakit Hindi Siya Bumaba ng Kotse Upang Tingnan Ito?
Malaking bagay na nakabili na si Russel ng pinapangarap niyang kotse, na kahit segunda mano lamang at nabili niya sa murang halaga mula sa isang kaibigang mangingibang-bansa, ay kapaki-pakinabang naman.
Talagang naghigpit siya ng sinturon upang magkaroon ng sariling sasakyan. Ayaw na niyang maranasan ang mga nakakatakot na pangyayaring pinagdaraanan niya, kagaya ng mga holdapan.
Hindi maintindihan ni Russel kung bakit lagi siyang natatapat sa mga ganoong pangyayari. Katakot-takot na trauma ang kaniyang naranasan dahil doon. Kaya naman, nagtiyaga siyang mag-ipon upang makabili ng sariling sasakyan.
“Mas mainam talaga ang may sariling sasakyan, Russel. Kahit paano ay hawak mo ang oras mo. Hindi kagaya kapag sumasakay ka sa pampublikong sasakyan. Balyahan, siksikan… hindi mo alam kung anong panganib ang naghihintay sa iyo,” sabi sa kaniya ng kaibigang si Arthur na siyang nagturo sa kaniya kung paano magmaneho.
“Oo nga eh. Ayoko na mangyari yung mga naranasan ko dati na matutukan ng baril o kaya balisong ng mga masasamang-loob. Nadala na ako diyan. At least dito sa sariling sasakyan, kahit paano ay iwas ako sa ganoon,” sang-ayon naman ni Russel.
“Pero ingat ka rin sa mga modus, p’re. Huwag kang masyadong kampante. Sisiguraduhin mong laging sarado ang kotse mo at hindi ka mag-iiwan ng mahahalagang gamit. Minsan, notoryus ang mga masasamang-loob. Naninira ng bintana para lang makuha ang mga nasa loob,” paalala sa kaniya ng kaibigan.
Tinandaan itong maigi ni Russel.
May modus raw na kunwari ay kakatukin ang bintana ng kotse at hihingi ng limos. Kapag binuksan ito, manunutok na ng baril ang kasabwat o kaya naman ay mag-iispray ng isang kemikal na makapagpapatulog sa nagmamaneho.
Mayroon namang nilalagyan ng pako ang gulong.
Mayroon ding binabasag ang mga salamin.
Mayroon ding kunwari ay nasagaan, iyon pala ay sadyang ibinangga ang sarili upang makahuthot ng pera.
Kaya naman, naging maingat na si Russel. Naging vigilante.
Isang araw, habang papauwi siya sa mula sa opisina ay tila naramdaman ni Russel na may tumilamsik na puting bagay sa bintana ng kaniyang sasakyan, subalit hindi na lamang niya ito pinansin.
Maya-maya ay napansin niyang may biglang may humabol sa kaniyang motorsiklo. Kinukuha nito ang atensyon niya. Saglit siyang huminto.
“Sir, concerned citizen lang ho. Parang may nagulungan kayong plastik na naglalaman ng pinturang puti. Puro pintura na ho ang kotse ninyo dahil sa talsik,” saad sa kaniya ng lalaking nakamotorsiklo.
Sinilip niya ang kaniyang gilid sa pamamagitan ng paglabas ng kaniyang ulo sa windshield. Nanlumo siya nang makita nga ang mga talsik ng pinturang puti sa pinto, katawan, at gulong ng kaniyang kotse.
Nalintikan na! Madali lang bang matanggal ang mga ganitong mantsa?
Parang sumasakit ang ulo ni Russel sa isiping gastos na naman ito.
Bababa na sana si Russel nang may kakatwa siyang kutob na naramdaman.
Sumagi sa gilid ng kaniyang mga mata na may isa pang nakamotorsiklong lalaki na nakaabang sa likurang bahagi ng kaniyang kotse.
Naalala niya ang mga bilin sa kaniya ni Arthur. Na hanggang maaari, huwag siyang lalabas ng kotse kapag may mga ganoong senaryo.
Kinutuban si Russel. May kung anong kaba siyang naramdaman.
“Hayaan mo na ‘yan, salamat ha?” sabi na lamang ni Russel. Agad niyang isinara ang kaniyang windshield at sinimulan na niyang paandarin ulit ang sasakyan at medyo binilisan.
Hindi nga siya nagkamali sa kaniyang hinalang magkasama ang lalaking nakamotor na tumawag sa kaniyang atensyon at ang lalaking nakamotor na nag-aabang sa kaniyang likuran.
Napansin ni Russel na para bang sinusundan pa siya ng mga ito kaya lalo niyang tinulinan ang patakbo. Mabuti na lamang at may naraanan siyang estasyon ng pulis at huminto siya roon.
Nang huminto na siya sa tapat ng estasyon ng pulis ay umiwas na sa kaniya ang dalawa.
Nakahinga nang maluwag si Russel. Bumilang siya ng dalawang minuto bago ulit siya nagmaneho.
Kinabukasan, habang nanonood ng balita sa telebisyon ay nakapukaw sa kaniyang atensyon ang isang modus operandi ng riding in tandem.
Pinag-iingat ang publiko sa kanilang taktika na magtatapon ng pintura sa kotse ng kanilang bibiktimahin, at kunwari ay sasabihin nila ito sa nagmamaneho upang ipakita ang concern.
Kapag bumaba na ito, saka nila tututukan ng baril o patalim upang pagnakawan; o kaya naman, kasamang dadalhin ang kotse.
Namukhaan din ni Russel na ang dalawang nasakote ay ang dalawang lalaking nakaengkwentro niya.
Nagpasalamat sa Diyos si Russel dahil sinunod niya ang kaniyang kutob at hindi siya napahamak.
Simula noon ay mas lalo pang naging maingat si Russel sa kaniyang paligid.