Pinag-initan ng Kanilang Manager ang Babaeng Ito; Isang Araw, Magbabago ang Kanilang Kapalaran
Sawang-sawa na si Marigold sa kaniyang ginagawa sa opisina, hindi dahil sa bigat ng kaniyang mga ginagawa bilang staff, kundi sa kanilang boss na manager na walang ginawa kundi magbitiw ng masasakit na salita laban sa kanila.
Kung may pamimilian lamang siya, magbibitiw na sana siya sa tungkulin at maghahanap ng trabaho, subalit nahihiya lamang siya may-ari mismo ng kanilang kompanya na mabait sa kanila.
Isa pa, siya ang bread winner sa kanilang pamilya kaya hindi pupuwedeng padalos-dalos sa mga desisyon, gaya ng pagbibitiw sa trabaho.
May mga gamot na kailangang bilhin para kay Aling Mameng na kaniyang ina. Mataas kasi ang presyon ng dugo nito.
Ang kapatid niyang si Sunshine, mag-aaral na sa kolehiyo. Kailangan ng matrikula.
Ang bunso nilang si Paulito, nag-aaral din.
Kaya pasok sa kaliwang tenga at labas sa kanang tenga na lamang ang ginagawa ni Marigold sa tuwing nagbubunganga sa kanila ang manager, na ang akala mo ay dinaig pa ang mismong may-ari ng kompanya sa kakautos sa kanila.
May lagi pa itong sinasabi sa kaniya:
“Sa tingin n’yo ba may tatanggap pa sa inyo kapag umalis kayo rito? Sa performance ng trabaho na ipinakikita n’yo ngayon, walang kukuha sa inyo! Mga palpak kayo!”
Ngunit isang araw ay nasampolan ng ganitong mga pahayag si Marigold, lalo na nang italaga siya bilang chairperson sa isang pagdiriwang sa kanilang kompanya. Siya ang naitalagang maging tagapangasiwa sa paggunita sa kaarawan ng may-ari ng kompanya.
Dahil sadyang organisado at mahusay naman talaga, naging matagumpay ang sorpresang pagdiriwang.
“Mahusay ka, Marigold. Pagbutihin mo lamang at tiyak na may kalulugaran ka sa kompanyang ito,” papuri sa kaniya ng may-ari ng kompanya.
Simula noon ay napansin na ni Marigold na lagi siyang sinusungitan ng kanilang manager. Lagi nitong sinisita ang kaniyang mga kilos. Para ba siyang pinag-iinitan kahit wala naman siyang ginagawang masama. Bagay na napansin din ng kanilang mga kasamahan.
“Mukhang ikaw ang bagong biktima ni Laki-Tiyan ah,” minsan ay sabi sa kaniya ni Brenda na kasamahan niya at nakasabayan sa tanghalian, kasama pa ng iba nilang katrabaho.
“Oo nga, Marigold. Naku, mag-ingat ka at baka idunggol ang mukha mo sa malaki niyang tiyan. Palibhasa, pakiramdam niya ay isa kang malaking banta sa kaniya. Hindi ba’t pinuri ka ni Mr. Balajadia? Naisip niya na baka posibleng magkaroon ka ng posisyon at ipalit sa kaniya,” sang-ayon naman si Jessie.
“Hay naku, kung mangyari man ‘yan Marigold, susuportahan ka talaga namin! Deserve na deserve mo talaga kung sakaling ikaw ang magiging assistant manager o kaya manager…” segunda naman ni Brenda.
“Excuse me, bawal ang chismisan, oras ng trabaho at nasa loob kayo ng kompanya!”
Nagulat sila nang sitahin sila ng kanilang manager.
“Ay sir, mawalang-galang na ho,” sagot ng hindi nakapagtimping si Marigold. Tumingin pa siya sa kaniyang relong pambisig. “Tanghalian po natin, lunchtime po sir… ibig sabihin po, we are all observing our breaks. Hindi naman po oras ng trabaho ngayon.”
“Aba, marunong ka nang sumagot ngayon ah? Sino ka para sagot-sagutin ako? Empleyado ka lang dito ah,” nanlalaki ang mga matang sabi sa kaniya ng manager. “Gusto mong patalsikin kita? Isang kumpas ko lang sa may-ari eh sipa ka na rito!”
At nagpanting na ang mga tenga ni Marigold.
“Kahit samahan ko pa po kayo… sir. Kahit saan nating tingnan, 12:45 pa lang ho ng tanghali at hanggang 1:00 ng hapon po ang lunchbreak natin. Ihanda po ninyo ang sarili ninyong magpaliwanag sa Labor kung paaalisin ninyo ako rito na wala naman akong memong natatanggap at pinipirmahan. Isa pa, good standing ho ang attendance ko.”
At natahimik ang lahat sa paglaban ni Marigold sa kanilang manager. Sa mukha ng mga ito ay isang piping pagsang-ayon na para bang sinasabi nilang ‘Go, girl! It’s payback time!’
Natameme naman ang kanilang manager sa mga sinabi ni Marigold. Hindi siya makapaniwala na may magtatangkang sumasagot-sagot sa kaniya nang ganoon.
Simula noon ay tila napansin ni Marigold na ilag na sa kaniya ang manager nila.
Hanggang sa makalipas ang dalawang buwan ay nalaman nilang naalis na ito sa katungkulan at nagbitiw na lamang sa tungkulin.
Nagkaroon kasi ng ebalwasyon ang mga empleyado sa kanilang mga pinuno, at ayon sa nabalitaan ni Marigold at ng mga kasama niya, tinadtad ng mga negatibong komento ang naturang manager at nakakuha rin ito ng mababang rating.
At ang humaliling manager—walang iba kundi si Marigold.
Ipinangako ni Marigold sa kaniyang sarili at sa mga kasamahan niya na magiging mabuting pinuno siya sa kanilang lahat, sa abot ng kaniyang makakaya.