Pumipili ang Ginang ng mga Kaibigan na Dapat ay ‘Ka-lebel’ Niya; Sa Oras ng Kagipitan ay Mayroon Kaya Siyang Makapitan?
Kasalukuyang nasa sala sila ng kaniyang mga amiga at nagkukwentuhan nang lumapit ang kasambahay niya na si Celia.
“Gina, handa na ang tanghalian, pwede na kayong kumain,” anito bago nagpatiuna sa mesa na marangya ang pagkakaayos, tamang-tama para sa mga sosyal niya na bisita.
Nakita niya kaagad ang pagsimangot ng kaniyang mga amiga.
“Ano ba naman ‘yang katulong mo, walang galang! Bakit ‘Gina’ lang ang tawag niya sa’yo?” takang usisa ng amiga niya na si Stella.Napangiwi siya. Hindi niya kasi alam kung paano sasabihin sa mga ito na kababata niya si Celia at kung tutuusin ay itinuturing niya na kaibigan.
Nag-iwas siya ng tingin.
“Ah, hayaan mo na. Kaedaran ko lang kasi, kaya ganoon. Hayaan mo’t pagsasabihan ko,” naiilang niyang saad.
“Hindi mo naman siya ka-lebel, kaya dapat lang na irespeto ka niya,” nakairap na komento naman ni Linda.
Hindi na siya nakapagsalita dahil nagkani-kaniya nang bigay ng opinyon ang bawat isa.
Kaya naman nang maabutan niya si Celia sa kusina ay pasimple niya itong hinila sa isang tabi at binulungan.
“Sabi ko naman sa’yo, tawagin mo akong ‘Ma’am’ kapag may nakakarinig, hindi ba? Ayan tuloy, ang dami nilang sinasabi tungkol sa akin,” inis na sita niya sa kasambahay.
Pinukol ni Celia ng tingin ang mga amiga niya bago bumaling sa kaniya.
“Opo, Ma’am Gina. Pasensiya na po,” magalang na pahayag nito bago lumapit sa mesa upang asikasuhin ang mga bisita.
Nang makaalis ang lahat at maiwan na nagliligpit ng kinainan si Celia ay saka lamang nakaramdam si Gina ng munting sundot ng konsensya.
“Celia, pasensya ka na. Alam mo naman na gusto kong mapalapit sa kanila, hindi ba? Para naman may mga kaibigan ako na sosyal,” aniya sa kasambahay.
Tumango ito habang hindi inaalis ang tingin sa ginagawa.
“Hindi mo naman sila kailangan na maging kaibigan, Gina. Hindi ipinipilit ang pinaplano ang pagkakaibigan. Kusa ‘yang dumarating,” naiiling na komento nito.
“Pero alam mo naman na malapit nang magbukas ng negosyo si Arturo. Kailangan ko ang suporta ng mga gaya nila na may sinasabi sa buhay,” paliwanag niya.
“Ikaw ang bahala, Ma’am Gina. Sana ay tunay na pagkakaibigan nga ang mahanap mo sa kanila,” sagot nito, tila pagod nang makipag-argumento.
Nakaramdam siya ng inis sa kasambahay.
“Alam mo ikaw, sumosobra ka na. Parati kang may komento. Hindi porke’t kababata kita ay magka-lebel na tayo. Lumagay ka sa lugar! Tandaan mo na sa bahay na ‘to, kasambahay ka at amo mo ako!” inis na sermon niya sa babae.
Tila napahiya naman ito sa narinig. Sa mahinang boses ay humingi ito ng paumanhin.
“Pasensya na po at mukhang sumobra ang pakikialam ko. Hindi na po mauulit, Ma’am,” anito sa mahinang boses, na mukhang nagulat din sa sinabi niya.
“Mabuti naman!” sagot niya bago ito iniwan sa kusina.
Simula noon ay dumistansya na nga ito. Kung noon ay nakaka-kwentuhan pa niya ito, ngayon ay hindi na.
“Mabuti naman at mukhang naturuan na ng magandang asal ang katulong mo,” isang araw ay komento pa ni Stella.
Natupad naman ang hiling ni Gina na tuluyan nang mapalapit sa mga kababaihan. Dahil doon ay marami-rami rin siyang natutunan sa mga ito tungkol sa pagnenegosyo, na nagagamit naman nilang mag-asawa sa pagpapatakbo nila ng kanilang bagong bukas na restawran.
Subalit tila talagang makikita mo lang ang tunay na kulay ng isang tao sa oras ng kagipitan.
Isang araw ay nagulantang na lamang sila ng isang eskandalo. Nabalitaan nila na isang kustomer ang nag-ulat ng pananakit ng tiyan at pagsusuka matapos nitong kumain sa restawran nila.
Agad na kumalat ang balita, at sa pagsisiyasat nila ay lumabas ang totoo na may lumang sangkap na nailagay sa pagkain ng nagrereklamo.
Ang restawran nila na noong una ay dinudumog ay unti-unting nabawasan hanggang sa tuluyan nang nawalan ng kustomer.
Nasira ang pangalan ng pamilya nila na kay tagal nilang binuo. Wala silang ibang nagawa kundi ang isara ang restawran.
Kay laki rin ng pera ng ginastos nila para sa danyos na hinihingi ng kustomer na nagreklamo. Halos masaid ang ipinundar nilang mag-asawa.
Dahil sa nangyari, napagdesisyunan ni Gina na manghingi muna ng tulong sa kaniyang mga amiga na itinuring niya na ring mga kaibigan. Halos iisa ang naging sagot ng mga ito.
“Wala akong maitutulong sa inyo. ‘Wag ka nang tumawag pa ulit, baka malasin din ang negosyo namin.”
Ni isa ay walang nagpaabot ng tulong… o ng kahit na simpleng pakikiramay man lang sa dinaranas ng pamilya nila.
Isang tao lamang ang nanatili sa tabi niya. Si Celia. Kahit na pansamantalang hindi niya naibibigay ang sweldo nito ay wala siyang narinig na anumang reklamo.
“Walang problema iyon. Saka na, kapag nakabawi na sa pagkakalugi ang pamilya n’yo. Ayaw ko naman kayong iwan dahil lang dito. Alam ko naman na malalampasan niyo rin ang pagsubok na ito…” anang babae.
Napaiyak na lang si Gina sa narinig. Naalala niya ang panahon na itinakwil niya ito bilang kaibigan dahil iniisip niya na hindi niya ito ka-lebel. Sa huli ay ito pa pala ang masasandalan niya.
Taos puso siyang humingi ng paumanhin kay Celia.
Tama nga ang sinabi nito. Ang kaibigan ay hindi pinipili, dahil kusa silang dumarating. Ngunit imbes na tumalikod, kusa silang nananatili sa panahon ng kagipitan.
Marami pang paghihirap na dinanas si Gina bago muling umangat ang buhay nila na nalugmok. Ngunit sa muling pag-angat niya ay ibang-iba na siya—marunong na siyang kumilatis ng peke at totoo—kung ano ang tumatagal at panandalian lamang.