Pinili ng Dalaga ang Simpleng Tindero sa Kantina; Pagsisisihan Niya nga Kaya ang Desisyon Niya Makalipas ang Mahabang Panahon?
“Sir Sonny, pasensya na, pero may iba akong gusto. Sinagot ko na siya, at kami na,” nakayukong pag-amin ni Sheryl sa kaniyang boss.
Hindi ito agad umimik, ngunit bumakas ang galit sa mukha nito.
“Sino? Kilala ko ba siya?” maya-maya ay usisa nito.
Natigagal siya, ngunit hindi niya naman magawang magsinungaling.
“Siguro ho ay nakita n’yo na siya… Si Raul po,” sagot niya.
Tumaas ang kilay nito, bago tila nang-uuyam na ngumisi.
“Si Raul? ‘Yung nagtitinda ng pagkain sa canteen?” tila paniniguro nito.
Tumango siya.
Sa gulat niya ay isang malakas na halakhak ang sinagot ni Sonny.
“Ang tagal ko nang nanligaw sa’yo, pero lagi akong basted. Sana sinabi mo na tindero pala ang gusto mo, para hindi ko na sinayang ang oras ko sa’yo,” malumanay, ngunit matigas na pahayag nito.
Hindi na siya nagulat sa sinabi ng lalaki. Hindi naman kasi iyon ang unang pagkakataon na nakita niya ang kagaspangan ng ugali nito.
Parati itong nakasigaw, at wala itong respeto, kahit na sa mga nakatatanda. Anak kasi ito ng may-ari, kaya malakas ang loob.
Kaya nga kahit katiting ay hindi niya magustuhan ang lalaki.
“Magsisisi ka na hindi ako ang pinili mo,” tila pagbabanta nito bago siya tuluyang makaalis sa opisina nito.
Noong una ay hindi niya alam ang ibig nitong sabihin, ngunit naunawaan niya ito nang makalipas ang isang linggo ay nawalan siya ng trabaho. Tinanggal siya ni Sonny sa posisyon. Maging si Raul ay hindi nito pinalampas. Isang araw ay bigla na lang itong hindi pinayagan na magtinda sa kantina.
“Hayaan mo na. Ayaw mo ‘yun, magkasama pa rin tayo sa kompanya?” pabirong tanong ng kaniyang nobyo habang naglalakad sila palabas ng gusali na pagmamay-ari ng mayabang na si Sonny.
Hindi naging madali ang paghahanap ni Sheryl ng bagong trabaho. Mukha kasing siniraan siya ni Sonny. Ngunit sa huli ay nakapasok din siya sa isang maliit na kumpanya.
Mahabang panahon ang lumipas. Pinagtibay ng panahon ang samahan nila ni Raul. Sa ngayon ay mayroon na silang dalawang supling.
Bitbit ang isang bag na naglalaman ng pagkain ay tinungo niya ang lugar kung saan nagtatrabaho ang kaniyang asawa.
Nang makapasok siya sa loob ng gusali ay tiyak ang mga hakbang na tinungo niya ang opisina ng asawa.
Ngunit isang malakas na pwersa ang halos magpatalsik sa kaniya nang isang lalaki ang bumangga sa kaniya.
Mas lalo pa siyang natigagal nang mabistahan niya ang lalaki, na walang iba kundi si Sonny. Gaya niya, agad din naman siyang nakilala ng lalaki.
Napapalatak ito at napangiti.
“Sheryl, ikaw pala ‘yan. Kumusta ka na?” usisa nito.
Nginitian niya ang lalaki.
“Maayos naman…” tipid niyang sagot.
Dumako ang tingin nito sa dala niya.
“Dito ka nagtatrabaho? Naku, baka maging boss mo pa pala ako. Dito kasi ako nag-aapply,” kwento ng lalaki.
Hindi na niya sana itatama ang akala ng lalaki, ngunit may sinabi ito na nagpabago sa isip niya.
“E kung ako ang pinili mo noon, e ‘di sana maayos ang buhay mo…” pagyayabang pa nito.
Bubuka na sana ang bibig niya para sagutin ang mayabang na lalaki nang mula sa likod nila ay may magsalita.
“Mahal, nandito ka pala. Kanina pa kita hinihintay…”
Nalingunan niya ang asawa. Nakangiti ito, ngunit napalis ang ngiti nito nang makita si Sonny.
Narinig niya ang pagak na tawa ni Sonny.
“Hanggang dito pala magkasama kayo?” naiiling na komento nito, may halong panghuhusga.
“Hindi, ako lang ang nagtatrabaho rito. Sa bahay lang si Sheryl, nag-aalaga ng mga anak namin,” paliwanag ng asawa niya.
“Ikaw, ano’ng ginagawa mo rito? Hindi ba’t may kompanya ang tatay mo? Bakit ka umalis?” Si Raul naman ang nag-usisa kay Sonny.
Sandaling natahimik si Sonny bago sumagot.
“Umalis ako doon, kasi hindi ko gusto ang mga patakaran,” sagot nito.
Nagulat siya sa sunod na sinabi ni Raul.
“Naku, paano ‘yan, baka hindi mo rin magustuhan ang patakaran dito? Mahigpit kami rito,” anito sa lalaki.
“Bawal ang mayayabang at malaki ang bilib sa sarili,” anang asawa niya, na nagpagalit kay Sonny.
“Pinapatamaan mo ba ako? Baka nakakalimutan mo na mataas ang posisyon na ina-applyan ko rito, pwede kita ipatanggal kung gugustuhin ko,” ani Sonny.
Umangat ang kilay ni Raul, ito naman ang napangisi.
“Sige nga, Sonny. May mas tataas pa ba sa posisyon ng may-ari? Kung meron pa, pwede mo akong ipatanggal.”
Nanlaki ang mata ni Sonny bago natatawang umiling.
“Imposible. Imposibleng ikaw ang may-ari ng kompanya na ito…” tila bulong nito bago nagtanong sa iilang empleyado na dumaraan.
Tigagal ito nang makumpirma ang katotohanan. Wala na ang mataas nitong pag-uugali. Bagkus ang nasa mukha nito ay pagkapahiya.
Hindi man intensyon ni Sheryl ay hindi niya maiwasan na magdiwang nang makita ang pag-iiba ng emosyon sa mukha ni Sonny. Mula sa ngisi, napalitan iyon ng pagkalito at pagkapahiya.
“Kung ako sa’yo, hindi na ako tutuloy,” sabi pa ni Raul, tila nang-aasar.
Tulalang naglakad palabas ng gusali ang mapagmataas na lalaki.
“Hindi ba’t parang sumobra ka naman yata? Masyadong napahiya si Sonny,” aniya sa asawa.
Ngumiti ito.
“Hindi niya ‘yun dadamdamin. Ang mga ganoong tao, makakapal ang mukha. Saka pinaranas ko lang sa kaniya kung paano mayabangan. Malay mo, magbagong buhay,” pabirong hirit ni Raul, dahilan upang magkatawanan silang mag-asawa.
Hindi nagkamali si Sheryl. Ang pagpili kay Raul ang pinakamagandang desisyon na nagawa niya buong buhay niya.