Inday TrendingInday Trending
Ibinida ng Bata ang Kaniyang mga Manyika sa mga May Kayang Kaklase; Ikinagulat Nila nang Makita ang mga Manyikang Iyon

Ibinida ng Bata ang Kaniyang mga Manyika sa mga May Kayang Kaklase; Ikinagulat Nila nang Makita ang mga Manyikang Iyon

Ibinibida ng mga kaklaseng babae ni Linda ang kani-kanilang mga laruang manyika sa bahay, lalo na ang mayamang kaklase nilang si Annika, na isang OFW ang mga magulang. Ang nag-aalaga rito ay kaniyang yaya.

“Alam n’yo ba, sabi nina Mommy at Daddy, bibilhan nila ako ng Barbie doll na kasinlaki ko! Iyan ang sorpresa nila sa akin kapag umuwi na sila rito sa Pilipinas!” pagmamalaki ni Annika sa kaniyang mga kaklase.

Namilog ang mga mata ng kaniyang mga kaklase, maging si Linda, subalit hindi siya nagpahalatang nakikinig. Ang totoo niyan, nasa upuan lamang siya. Nahihiya kasi siyang tumabi sa kaniyang mga kaklase na magaganda ang mga kasuotan. Hindi kagaya sa kaniya na pinaglumaan ang uniporme at tumatawa na ang sapatos niya.

“Ang suwerte-suwerte mo naman, Annika! Sana makapunta kami sa bahay ninyo para makita naman namin ang mga koleksyon mong manyika,” saad naman ni Emmy.

“Uy, nakapunta na ako kina Annika! Grabe! Halos puro manyika na nga ang kuwarto niya, tapos may dalawa pa siyang malaking dollhouse. Sana all!” pagmamalaki naman ni Abigail.

“Sana makarating kami sa bahay ninyo, Annika,” hirit naman ni Donnalyn.

“Huwag kayong mag-alala at magpapaalam ako sa Mommy at Dadddy ko. Uy ikaw, Linda, bakit ayaw mong sumama sa amin dito sa kuwentuhan namin? Wala ka bang manyika?” tuya ni Annika sa kanilang kaklase.

Napadako ang paningin nila kay Linda.

Bumulong si Donnalyn kay Annika. “Sa palagay ko, wala… tingnan mo naman ang uniporme niya, puro sulsi na at halatang luma na. Yung sapatos niya ang dumi-dumi tapos tumatawa na.”

Narinig ni Linda ang ibinulong ni Donnalyn kay Annika na alam niyang sinadya nitong lakasan upang iparinig sa kaniya at sa iba pa.

“May mga manyika rin ako, at mas marami kaysa sa inyo!” wika ni Linda.

“Talaga ba? Bakit hindi mo naikukuwento sa amin?” uyam ni Annika.

At lumapit na nga si Linda sa kanila. Isa-isa nitong inilarawan ang kaniyang mga manyika sa kanilang bahay. Inisa-isa niya ang mga katangian nito, magmula sa kulay ng buhok, kulay ng mata, kulay ng balat, kasuotan, at iba pa. Bilib na bilib naman ang kaniyang mga kaklase.

Ang nakakatuwa kasi sa pagkukuwento ni Linda ay alam na alam niya ang bawat detalye at nanlalaki at namimilog pa ang kaniyang mga mata, kaya naman nailalarawan ng mga kaklase nila sa kani-kanilang mga imahinasyon ang hitsura ng kaniyang mga manyika.

“Pero bakit ganyan ang hitsura ng uniporme mo? Ang sapatos mo rin ay nakabuka na. Bakit hindi ka mabilhan ng mga magulang mo kung may pambili naman pala kayo ng manyika?” untag sa kaniya ni Emmy.

Sasagot sana si Linda ngunit dumating na ang kanilang guro. Bumalik na sila sa kani-kanilang mga upuan.

Simula nang magkuwento si Linda ukol sa kaniyang mga laruang manyika ay lagi na siyang nakikihalubilo sa kaniyang mga kaklaseng babae. Inaabangan din kasi nila ang kaniyang kuwento. Araw-araw, hindi mawawala ang kuwento ni Linda tungkol sa kaniyang mga laruan. Maging si Annika ay nawiwili rin sa kaniyang naririnig.

Hanggang isang araw, may nabuong plano si Annika. Hindi papayag na matatalbugan siya ni Linda.

“Sorpresahin natin si Linda. Puntahan natin siya sa bahay nila. Doon natin malalaman kung totoo ba ang mga manyika na kaniyang ikinukuwento sa atin.

Sumang-ayon naman sina Donnalyn, Emmy, at Abigail sa plano ni Annika.

Sabado.

“Anak, Linda… may mga panauhin ka, nariyan ang mga kaklase mo, binibisita ka. Hindi ko maharap dahil naglalaba ako, hinahabol ko ang mga labada ko.”

Nataranta si Linda nang marinig ang sinabi ng kaniyang ina. Biglang nanliit si Linda. Giray-giray kasi ang kanilang barong-barong. Tagpi-tagpi lamang ito.

Agad na sinilip ni Linda sa maliit na butas kung sino ang mga panauhin. Kitang-kita niya mula sa sinilip na butas sina Annika, Donnalyn, Emmy, at Abigail. Nakita niyang tila nandidiri ang mga ito sa pagsipat sa kanilang paligid, lalo na sa kanilang bahay.

“’N-Nay, sabihin mo na lang sa kanila na may sakit ako…” pakiusap ni Linda sa kaniyang nanay. Nahihiya siyang papasukin sa loob ng kanilang barong-barong ang mga kaklase. Makalat at wala silang kagamit-gamit.

“Ha? Bakit? May sakit ka ba?” at hinipo ng kaniyang nanay ang kaniyang noo. “Wala ka namang sakit ah?”

‘Eh kasi ‘Nay… nakakahiya po ang bahay natin, makikita po nila kung gaano tayo kadukha,” naiiyak na sabi ni Linda.

“Anak, wala kang dapat ikahiya. Nabubuhay tayo nang marangal kahit isang kahig at isang tuka lamang tayo. Saka wala kang dapat itago sa buhay na mayroon tayo: talaga namang mahirap tayo. Huwag kang mabuhay sa kasinungalingan. Hala, harapin mo sila. Dinayo ka pa rito para lamang makita ka.”

Walang nagawa si Linda kundi papasukin sa kanilang bahay ang mga kaklase.

“Pasensya na kayo sa bahay namin ah… ang totoo niyan, mahirap lang kami,” kiming pag-amin ni Linda.

“Okay lang ‘yan, Linda. Gusto lang naming makita ang mga manyika na kinukuwento mo,” sabi ni Donnalyn.

“Oo nga naman, Linda. Gusto lang naming masilip. Mayroon nga ba?” tanong ni Annika.

“Meron. H-Halika, pasok kayo sa aming munting kuwarto ni Nanay,” anyaya ni Linda.

Pagpasok ng apat sa maliit at masikip na kuwarto nina Linda ay napanganga sila.

Totoo ngang maraming manyika si Linda! Ang iba ay nakasabit na sa dingding.

May maliliit at may malalaki!

Subalit ang lahat ng ito ay mga nakadibuho sa karton, ginupit. Ang iba ay iginuhit mismo ni Linda. Mas kilala ito bilang paper dolls.

“P-Pasensya na kayo kung hindi kagaya ng mga manyika ninyo ang mga manyika ko. Hindi kagaya ninyo, wala naman kasi kaming pambili ng mga manyika. Hindi kami mayaman,” wika ni Linda.

“Okay lang, Linda. Magaganda ang mga manyika mo lalo na ang mga iginuhit mo! Ikaw nga ba ang gumuhit?” tanong ni Annika.

Napangiti naman si Linda, “Oo, Annika. Ako nga ang gumuhit ng karamihan sa mga paper dolls ko.”

Nagtagal pa sa kanilang bahay ang apat dahil sa masarap na meryendang biko na idinulot sa kanila ng nanay ni Linda. Pagkatapos ay sinubukan nilang maglaro gamit ang mga manyikang de-papel ni Linda. Masaya naman palang maglaro gamit ang mga ito!

Simula noon ay mas naging malaya na sa kaniyang sarili si Linda. Tinanggap siya ng grupo nina Annika, Donnalyn, Emmy, at Abigail kahit na mahirap siya. Napagtanto rin ni Linda na mas masarap pala sa pakiramdam na walang itinatago at hindi nagsisinungaling.

Ipinangako ni Linda sa sarili na balang araw, magkakaroon din siya ng mga laruan, kapag mayaman na siya.

Matuling lumipas ang panahon…

“Huwag Linda, congratulations pala sa bago mong negosyo ha? At talagang tinotoo mo ang sinabi mo sa amin dati na magpapatayo ka ng pagawaan ng mga laruan, lalo na manyika, kapag may pera ka na!” pagbati ng kaniyang kaibigang si Annika.

Nagpaabot din ng pagbati ang kaniyang mga amigang sina Donnalyn, Emmy, at Abigail na inaanak niya sa binyag ang mga anak.

“Ay oo naman. Alam n’yo naman, frustration ko noong bata ako ang pagkakaroon ng mga manyika. Bagama’t wala namang masama sa mga paper dolls, katuparan ito ng mga pangarap ko noon,” nakangiting sabi ni Linda.

Natupad ang pangako ni Linda sa kaniyang sarili noong bata pa siya: ang magkaroon ng maraming manyika, na hindi na niya binibili, kundi sila na mismo ang gumagawa, hindi lang para sa kaniya, kundi para sa mga batang babaeng nangangarap na magkaroon ng manyika at mga laruan!

Advertisement