Inday TrendingInday Trending
Dumalo sa Isang Party ang Lalaki Kahit na May Nakahahawang Karamdaman Siya; Pagsisisihan Niya ang Panandaliang Kasiyahan

Dumalo sa Isang Party ang Lalaki Kahit na May Nakahahawang Karamdaman Siya; Pagsisisihan Niya ang Panandaliang Kasiyahan

Hindi makapaniwala si Ernesto sa mga pahayag ng doktor sa kaniya, sa huling check-up niya.

“May tuberculosis ka. Makabubuting huwag ka na munang pumasok sa trabaho. Mag-file ka muna ng leave upang makapagpahinga ka.”

Hindi makapaniwala si Ernesto na tinamaan siya ng TB. Alam niya, talagang nasa lahi nila ang naturang sakit ngunit hindi naman siya makapaniwala na matatamaan siya nito.

Agad na nag-file ng kaniyang vacation leave si Ernesto at sinabi niya sa kaniyang liham ang kaniyang malubhang karamdaman. Kaagad naman siyang pinayagan dahil nakakahawa nga naman ang naturang kondisyon.

“Ayos na rin. Makakapahinga ako,” sa isip-isip ni Ernesto. Para sa kaniya, ayos na rin na TB ang kaniyang sakit dahil magagamit niya ang benepisyo ng kanilang kompanya na kapag tinamaan ng malubhang karamdaman ang isang empleyado ay papayagan ito sa bayad na vacation leave, depende sa rekomendasyon ng doktor.

Kabilin-bilinan naman ng doktor sa kaniya na hangga’t maaari, iwasan munang makihalubilo sa iba upang hindi makahawa.

Mabuti na lamang at mag-isa siya sa kaniyang apartment.

Ngunit isang palagalang tao si Ernesto. Mas gusto niya ang gumagala siya. Ayaw niyang nasa loob lamang siya ng bahay. Mahilig talaga siya sa pagta-travel at pagtungo sa mga kasiyahan gaya ng house party.

Nang makatanggap siya ng imbitasyon para sa isang house party ng isang kaibigan, nagtalo ang isip at puso ni Ernesto kung pauunlakan ba niya ito o hindi.

Wala siyang pinagsabihang ni isang kaibigan tungkol sa kaniyang nakahahawang karamdaman.

“Kapag pumunta ako sa party, baka makahawa pa ako…” naisip ni Ernesto.

Ngunit nagdadalawang-loob siya dahil pupunta rin daw si Rochelle, ang dalagang matagal na niyang gusto at nais ligawan.

“Kaya lang… kapag hindi naman ako pumunta… sayang ang pagkakataon na makasama ko si Rochelle. Ito na ang pagkakataon para makasama siya…”

Ngunit kabilin-bilinan ng doktor niya na huwag na huwag siyang lalabas at makisalamuha sa ibang tao dahil mataas ang posibilidad na makahawa siya.

“Bahala na…” usal ni Ernesto.

Makalipas ang dalawang oras…

“Uy pareng Ernesto! Buti nakarating ka! It’s nice to see you again, pare. Akala ko hindi ka na pupunta eh,” pagbati sa kaniya ng kaibigang si Douglas, ang nagsagawa ng house party.

“Matitiis ba naman kita, p’re… syempre…”

“Weh? Talaga bang ako ang pinunta mo rito o si Rochelle? Come on p’re, huwag na tayong maglokohan, ang cheezy mo!” natatawang sabi sa kaniya ni Douglas.

At pumasok na nga si Ernesto sa bahay ni Douglas. Umarkila si Douglas ng mobile system at mga pailaw para magmukhang club ang kaniyang malaking bahay.

Bumabaha ng pagkain, finger food, at pati na mga alak.

Hindi kilala ni Ernesto ang karamihan sa mga bisita ngunit iyon naman talaga ang ideya ni Douglas.

Ngunit sa dami ng mga tao na naroon ay iisang tao lamang ang hinahanap ng kaniyang mga mata.

Si Rochelle.

Mapalad naman niya itong nakausap. Masayang-masaya si Ernesto.

Langong-lango siya sa alak kaya naman kina Douglas na siya nakatulog.

Paggising niya, doon pa siya kumain ng almusal bago siya tuluyang umuwi.

Masayang-masaya si Ernesto dahil nakausap niya si Rochelle na matagal na niyang gustong makausap, at batay sa kanilang pag-uusap ay bukas naman ito sa pagkakaroon ng manliligaw.

Ngunit makalipas ang ilang linggo ay nabalitaan na lamang ni Ernesto na karamihan sa mga nagtungo sa house party ay nagkaroon ng TB, kasama na sina Rochelle at ang pamilya ni Douglas.

Kaya ito nalaman ni Douglas ay maraming nagreklamo sa kaniya, lalo na nang malaman nila na ang mga nagkasakit ay mga taong dumalo sa house party ni Douglas.

At batay sa pag-iimbestiga ay nalaman nga ni Douglas na ang nagpakalat ng naturang karamdaman ay walang iba kundi si Ernesto, nang malaman ni Douglas na naka-vacation leave na talaga si Ernesto bago pa man ito magtungo sa kaniyang house party.

Galit na galit ang mga nahawahan ni Ernesto at sinabihan siyang napaka-iresponsable.

“Alam mo na palang may sakit ka at nakakahawa, bakit nagpunta ka pa sa house party? Tingnan mo ang nangyari ngayon,” wika sa kaniya ni Douglas.

“Sinabihan ka na pala ng doktor mo na manatili lang sa bahay, lumayas ka pa at nagkalat?”

“Wala kang kuwenta! Isa kang iresponsableng mamamayan!”

Ang masama pa rito, kumalat pa sa social media ang kaniyang ginawa, kaya katakot-takot na kritisismo ang kaniyang natanggap mula sa mga netizen.

Sising-sisi si Ernesto sa kaniyang ginawa. Hinayaan lamang siyang magpagaling at haharapin niya ang mga isinampang kaso laban sa kaniya. Maging ang kaniyang nililigawan na si Rochelle ay nagalit sa kaniya.

Napagtanto ni Ernesto na maling-mali nga ang kaniyang ginawa, ngunit nasa huli na ang pagsisisi.

Advertisement