Inday TrendingInday Trending
Pinag-uusapan ng Tatlong Chismosa ang Matronang Kapitbahay na Nagdadala ng mga Binatilyo sa Kaniyang Bahay; Mapatunayan Kaya Nilang Totoo Ito?

Pinag-uusapan ng Tatlong Chismosa ang Matronang Kapitbahay na Nagdadala ng mga Binatilyo sa Kaniyang Bahay; Mapatunayan Kaya Nilang Totoo Ito?

“Uy mare! Halika nga rito. Dali, may chika ako sa’yo!”

Lumapit naman ang kumareng si Chona sa kaniyang kumareng si Marissa upang alamin ang bagong hatid na chismis nito.

“Ano ‘yan, mars? Dalian mo na at nanginginig na ako rito. Hindi na ako makapaghintay sa mainit na balita mo!” sabi ni Chona.

Luminga-linga pa sa kaniyang paligid si Marissa bago niya sabihin ang kaniyang chismis.

“Alam mo ba yung kapitbahay naming matandang dalaga na si Bibeth? Naku ‘day, napapansin ko na iba-ibang lalaki ang nagpupunta sa kaniyang bahay! Bukod sa ang guguwapo pa eh mga binatilyo pa! Palagay ko ay doble ang edad niya sa mga lalaking iyon na gabi-gabing nagpupunta sa kaniya,” chika ni Marissa.

“Hoy mga mare, isama naman ninyo ako sa usapan ninyo,” sabi naman ng napadaan na si Marietta.

“Hay naku, lumapit ka na kasi rito at huwag kang pabagal-bagal!” wika naman ni Marissa.

“Oh anong meron?” tanong ni Marietta.

“Ikaw na nga ang mag-ulit, Chona at tinatamad akong mag-ulit,” utos ni Marissa kay Chona.

“Hayun na nga… ito kasing si Marissa, sabi niya sa akin, yung kapitbahay niyang matandang dalaga na si Bibeth, napapansin niya na iba-ibang lalaki ang nagpupunta sa kaniyang bahay! Bukod sa ang guguwapo pa eh mga binatilyo pa! Palagay niya ay triple ang edad niya sa mga lalaking iyon na gabi-gabi at araw-araw na nagpupunta sa kaniya, at baka nga raw buntis na si Bibeth,” kuwento ni Chona.

“Hoy, wala akong sinabing buntis si Bibeth ha?” paglilinaw ni Marissa. “Ikaw ha, nagdadagdag ka!” Hay

“Eh doon din naman papunta ‘yun! Hayaan mo na!” sansala naman ni Chona.

“Hoy! Loko kayo, baka mamaya malaman ni Bibeth ‘yan ah, kayo rin… baka makasuhan kayo,” babala sa kanila ni Marietta. “Pero curious ako, gusto kong malaman at makita kung sino-sino ang mga boylet niya. Alam n’yo kasi, may reputasyon ‘yang si Bibeth na santa-santahan daw. Madalas magsimba ‘yan, ‘di ba? Kaya nakakagulat na may mga ganyang balita tungkol sa kaniya.”

“Kaya alam ninyo, ‘yang mga taong simbahan na ‘yan, naku, minsan sila pa ang gumagawa ng mga makamundo at makasalanang bagay eh,” at biglang napaantada si Chona. “Linis-linisan pero sila rin naman pala ang nasa kumunoy!”

At ipinakita pa ni Marissa sa kanilang tatlo ang kuha niyang larawan kay Bibeth, ngunit hindi masyadong naaninag ang mukha ng dalawang binatilyong kasama nito.

“Sige, ganito. Bukas ng gabi, tumambay kayo sa akin dito at makikita ninyong totoo ang mga sinasabi ko!”

Kaya ganoon na nga ang ginawa nina Chona at Marietta.

Nang gabing iyon ay nakita nga nila ang dalawang guwapong binatilyo na kasa-kasama ni Bibeth. Nagkandahabang tila sa ostrich ang kanilang mga leeg sa pag-uusyoso kay Bibeth at sa dalawang binatilyo na pumasok sa loob ng bahay nito.

“Wow, dala-dalawa pa! HP na HP si Bibeth!” bulalas ni Marietta.

“Anong HP?” tanong naman ni Marissa at Chona.

“Ano pa eh ‘di ‘happy pechay!’” biro ni Marietta na ikinatawa naman nina Marissa at Chona.

“Ang maganda nito, pumasok tayo sa bakuran niya. Hindi naman nakasarado ang gate niya. Silipin lang natin doon sa bintana kung ano ang ginagawa nila!” mungkahi ni Marissa.

Pumayag naman ang dalawang kaibigang chismosa.

Dahan-dahan silang pumasok sa loob ng bakuran ni Bibeth. Hanggang sa makarating sila sa bintana nito. Sinilip nila kung ano ang ginagaw ang mga ito.

Narinig nila ang usapan ng mga ito.

“Oh sige, kumain lang kayo nang kumain diyan. Pagkatapos magsiuwi na kayo ha. Diretso uwi,” sabi ni Bibeth.

“Salamat po, tita,” sagot ng dalawang binatilyo.

“Hala? Akala ko ba boylet ni Bibeth? Bakit tita ang tawag?” bulong ni Marietta kina Chona at Marissa.

“Aba, ewan ko rito kay Marissa. Siya ang nagsabi na boylet daw,” turo naman ni Chona kay Marissa.

Maya-maya, nanlaki ang mga mata ng tatlo nang biglang may tumahol na dalawang malalaking aso sa kanila.

Agad na nagsitakbuhang palabas ang tatlong chismosa at hinabol sila ng dalawang malalaking aso ni Bibeth.

“Bakit hindi mo sinabi na may mga aso pala si Bibeth!” galit na galit at humihingal na sumbat ni Marietta kay Marissa.

“N-nawala sa isipan ko, pasensya na…” humihingal na sabi ni Marissa.

Hindi naman nalingid sa kaalaman ni Bibeth ang mga nangyari dahil sa pag-iingay ng kaniyang mga aso, kaya lumabas siya ng kaniyang bahay at kinompronta ang tatlong chismosa.

“Ano’ng ginagawa ninyo sa loob ng bakuran ko? Bakit ninyo sinisilip ang loob ng bahay ko?”

“Heto kasing si Marissa, ang sabi sa amin ay may mga boylet ka raw na dinadala sa bahay mo, kaya sinilip namin kung totoo,” sabi ni Marietta.

Hindi nakakibo si Marissa. Nilaglag siya ng mga taong akala niya ay kaibigan at mapagkakatiwalaan niya.

“Ay hindi ko po sila boylet, mga pamangkin ko ho ang mga isinasama ko ritong binatilyo. Naku Marissa, at kayong dalawa, magbago na kayo. Gusto n’yo bang paabutin pa natin sa barangay ito? Kung tutuusin, puwede ko kayong kasuhan ng paninirang-puri at trespassing sa ginawa ninyo,” pagbabanta ni Bibeth.

Abot-abot naman ang paghingi ng dispensa nina Marietta, Chona, at lalong-lalo na si Marissa na siyang may pasimuno ng lahat.

Bilang leksyon, hindi pumayag si Bibeth na hindi magsampa ng reklamo sa barangay hall laban sa tatlong chismosang kapitbahay, kahit na humingi na sila ng tawad sa kaniya. Nasira naman nang tuluyan ang pagkakaibigan ng tatlo kaya ‘nabuwag’ ang ‘chismis trio,’ sabi nga ng kanilang mga kapitbahay.

Kaya naman, nagtanda na sina Marietta, Chona, at Marissa. Simula noon ay hindi na sila gumawa ng chismis laban sa kanilang kapwa.

Advertisement