Inday TrendingInday Trending
Iniiwasan ang Magtiyang Ito na Laging Nakasimangot, Dugyot sa Katawan at Tahanan; Mabago Pa Kaya Nila ang Tingin sa Kanila ng Pamayanan?

Iniiwasan ang Magtiyang Ito na Laging Nakasimangot, Dugyot sa Katawan at Tahanan; Mabago Pa Kaya Nila ang Tingin sa Kanila ng Pamayanan?

“Bog!”

Isang malakas na kalabog ang nagpagising sa magkakapitbahay, isang Linggo ng umaga.

“Ano ba ‘yan, ang aga-agang namang mambulahaw ng mga nagsisipagtulog!” sabi ng isang babae na nagtatrabaho bilang isang call center agent, na kapitbahay ng dalagang si Simang, na laging nakasimangot.

“Naku! Siguradong si Simang Simangot na naman iyan,” bulalas naman ng kaniyang live-in partner na agad din namang bumalik sa pagtulog.

“Masanay na lang tayo.”

Samantala, ang iba’y humudyat na ng gising sa umaga dahil mistula itong alarm clock na panggising sa kanila. Dito nagsisimula ang buhay sa Kalye Matiwasay. Ilang saglit pa’y may mga pumapalahaw ng mga bata, nagkakalampagan na ang mga kaldero at makina sa iba’t ibang dako ng eskinita.

Samantalang ang bahay ni Simang na pinagmulan ng samu’t saring ingay bago pa man ang lahat ay nagsimula na ring magkalampagan.

Hagis dito, hagis doon, kalat dito, kalat doon ang mababanaag sa mga nagnanais na tumanaw mula sa kaniyang maliit na tarangkahan sa harapan ng kaniyang bahay.

Kilala siyang si Simang Simangot, ang dalagang ipinanganak na nga yatang nakasimagot. Isa siyang dalagang pinalaki ng kaniyang matandang dalagang tiyahin na hindi masabing simangot din na kagaya niya.

Medyo may kasungitan na nga lamang din ito dahil matandang dalaga nga. Siya ay si Aling Barang o Barbara na kilala sa tawag na ‘Barang Mambabarang’ dahil naman sa kaniyang anyo.

Putian ang kanyang mahahabang buhok na tila ba alambre na rin sa tigas. Mahilig din ito lumabas sa gabi para lumanghap ng malamig na hangin na para naman sa iba’y animo’y nananakot sa dilim. Nakakatakot din ang bulok-bulok nitong mga ngipin na nangangailangan na ng dentista.

Samantalang si Simang naman, hindi alintana ang dumi sa paligid at ang naimbak na masangsang na amoy ng kanilang bahay. Kuntento na rin ito na hindi madalas nakakapaghilamos man lang bago humilata sa kaniyang papag.

“Hindi yata natutong maglinis, magligpit at maligo ang dalawang ‘yan. Animo’y mga bruha ng makabagong panahon eh.” ang sabi ng isa sa mga kapitbahay na wala nang ginawa kundi subaybayan ang mga ganap sa bahay ng mag-tiya.

“Naku, mahihiya sa dalawang magtiya na ‘yan ang mga mikrobyo. Baka nga sinasamba pa sila. Sila ang reyna at prinsesa ng mga mikrobyo,” saad naman ng isa.

Para sa karamihan, kakatwa ang buhay ng mag-tiya. Madalas silang sentro ng daldalan at chismisan sa umpukan ng mga kapitbahay na walang mapaglibangan lalo pa’t nauubusan na rin siguro ng mapag-uusapan. Kaya’t sa araw-araw ay mababanaag mo sa mukha ni Simang ang pagkadismaya kapag sila ay nabubungaran.

“Itong mga chismosang ‘to, wala na namang makitang iba. Sarap pagsisilaban ng mga dila,” ibinubulong na lamang ni Simang kapag nakikita niyang nagbubulungan at nakatingin sa direksyon ng bahay nila ang mga ‘Marites’ ng bayan.

Ang mga nag-uumpukang kababaihan nama’y tila mas naaaliw na makita kahit pa yata milyang layo na ang mas grabeng pagkakasimangot ng mukha nito dahil ginawa na nila itong parang serye sa telebisyon na komedya ang tema.

Gustong-gusto rin sanang makipagkaibigan at makipag-umpukan ni Simang sa kanila subalit nahihiya na rin siya dahil sa umpisa pa lamang ay nahusgahan na sila ng kanilang mga kalugar.

Iyan ang problema sa tinatawag na ‘labelling’ ng lipunan. Tinawag na kaagad siyang nakasimangot, suplada, mataray, gayong hindi naman sila nagtangkang kilalanin siya. Kahit paano, nasasaktan siya.

At mas lalo siyang nasasaktan sa tuwing sinasabihan ang kaniyang tiya na mambabarang ito.

Kaya naman isang araw ay kinausap ni Simang si Tiya Barang.

“Ano kaya tiya kung baguhin na natin ang mga imahe natin? Para hindi na tayo mapag-chismisan?”

“Ha? Anong babaguhin natin sa mga sarili natin? Eh sa ganito na talaga ang hitsura ko noon pa man eh. Ikaw, puwede ka pang ngumiti-ngiti at mag-ayos-ayos. Tingnan natin. Pero ang akin lang, kahit na ano pa ang hitsura ng isang tao, wala silang karapatan para husgahan o lagyan ng kung ano-anong taguri. Barang lang ang pangalan ko pero hindi ako mambabarang ‘no. Baka ipabarang ko pa sila sa tunay na mangkukulam eh,” ayon kay Tiya Barang.

Kaya naman, isang araw ay nagulat ang lahat nang mag-ayos si Simang. Nagsimula na rin siyang maglinis-linis ng kanilang paligid, at nagsimula na rin siyang ngumiti-ngiti.

Nilinis na rin niya ang mga kalat na nakapaligid sa kanilang bahay. Nang masilayan niya ang kalinisan, mas naging magaan ang pakiramdam niya, kaya mas naging natural ang kaniyang pagngiti.

Nagulat naman ang kanilang mga kapitbahay nang makitang malinis na ang kanilang kapaligiran at nakangiti na rin si Simang. Mas marami na ang nagtangkang kumausap at nakipagkaibigan sa kaniya.

Kaya napagtanto ni Simang, paano nga naman siya kakausapin ng mga tao kung nakabusangot ang mukha niya? Kung marumi ang bahay nila na para bang ayaw na nilang mabuhay?

Simula noon ay mas dumami na ang mga kaibigan ni Simang sa kanilang lugar at mas napagtanggol pa niya ang tiyahin laban sa mga nagsasabing mambabarang ito.

Minsan sa buhay, kailangan ding magnilay kung ano-ano ba ang mga dapat baguhin sa sarili upang mas makibagay pa sa mga taong bahagi ng pamayanan at lipunan.

Kung may mga katangian namang dapat manatili, panatilihin ito. Ang pagbabago ay kaakibat ng buhay ng tao.

Advertisement