Laging Inirereklamo ng Mag-aaral sa Janitress ang mga Naririnig na Lamok sa Isang Palikuran; Isang Araw, Takot na Siyang Magpunta Roon
Masayang-masaya si Rowena dahil sa wakas ay nakapasa siya sa isang matandang pamantasan sa kanilang lalawigan na laan para sa mga kagaya niyang nais maging guro. Upang hindi na siya magpabalik-balik mula pamantasan hanggang sa kanila, pumayag ang kaniyang mga magulang na kumuha siya ng isang kuwarto sa dormitoryo nito, na eksklusibo lamang para sa mga babae.
“2,500 piso ang upa rito kasama na ang kuryente at tubig. May makakasama kang roommate. Bawal ang bisitang lalaki. Kung may bisita man, bawal paakyatin dito sa taas. Doon lamang sa lobby eestimahin,” paalala ng tagapangasiwa ng dormitoryo.
Bagama’t sa unang tingin ay mukhang luma na ang dormitoryo, napapayag na rin si Rowena dahil nais niyang maranasan ang manirahan sa dormitoryong iyon ng pamantasan na naipatayo pa sa panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas. Nagulat siya nang makita ito. Para siyang bumalik sa unang panahon. Napaka-klasiko ng dormitoryo na maaaring pag-syutingan ng pelikulang nakakatakot o kababalaghan.
Inihatid pa siya ng mga magulang niya sa naturang dormitoryo upang makita nila ang tutuluyang lugar ng anak.
“Oh anak, mag-iingat ka rito ha? Tumawag ka lamang sa amin kung halimbawang may problema,” bilin sa kaniya ng kaniyang itay.
“Oo anak. At huwag ka munang hahanap ng kasintahan, naku, talagang malilintikan ka sa amin ng Itay mo,” sabi naman sa kaniya ng inay niya.
“Ay oo naman po, huwag kayong mag-alala sa akin, Itay at Inay! Hinding-hindi ko po kayo bibiguin at magiging maestra ako balang-araw!” pangako naman ni Rowena sa kaniyang mga magulang na matagal na niyang nais i-ahon mula sa kahirapan ng buhay.
Si Rowena ay isang ‘certified kolehiyala’ na ngang talaga.
Ngunit hindi niya maiwasang hindi tayuan ng balahibo sa tuwing pagmamasdan ang kabuuan ng dormitoryo. Pakiramdam niya ay may iba silang kasama ritong hindi nakikita, lalo na sa tuwing nakikita niya ang mga kapis na bintana na matagal nang panahong naroon.
Hindi naman sa nagrereklamo siya subalit pakiramdam niya ay may surot sa higaan niya sa loob ng kuwarto. Mas malinis at mas maganda pa ang papag na ginawa sa kaniya ng Itay niya.
Isang araw habang sa kalagitnaan ng klase ay biglang tinawag siya ng kalikasan. Tumayo si Rowena at lumapit sa kanilang propesor upang magpaalam.
Napili ni Rowenang gamitin ang pinakamalayong bahagi ng palikuran na hindi na masyadong napupuntahan ng mga tao.
Habang nakaupo sa inidoro, biglang nakaramdam ng pagkairita si Rowena dahil pakiramdam niya, maraming lamok na paikot-ikot sa kanyang ulunan. Maingay ang mga ito na para bang bumubulong-bulong sa kaniya.
Hawi rito, hawi roon ang ginawa niya.
Nang matapos siya sa paggamit ng palikuran ay dumiretso siya sa hugasan. Pinagmasdan niya ang paligid. Wala siyang makitang lamok o langaw man lamang.
“Kay bilis naman nilang nawala?” aniya.
Hanggang sa may nakita siyang isang janitress na naglilinis sa may lababo.
“Sakto, nariyan si Ateng Janitress, mapagsabihan nga.”
Kaya nilapitan ni Rowena ang janitress na sa palagay niya ay nasa edad 40 hanggang 45.
“Ate, excuse me po, mawalang-galang na, pero puwede ba kayo mag-spray dito sa palikuran, lalo na sa pinakadulong cubicle, ang daming lamok doon sa sulok na iyon eh. Ikot nang ikot sila sa buhok ko na para bang may ibinubulong,” reklamo ni Rowena sa janitress.
Kumunot naman ang noo ng janitress.
“Iha, walang lamok sa banyong ito kasi lagi ko tong nililinis,” katwiran ng janitress.
Biglang nakaramdam ng pagkayamot si Rowena at muling nangatwiran sa mahinahong pahayag.
“Eh ako ho mismo ang nakaramdam na may mga umaaligid na lamok sa ulunan ko…”
“Sige, gagawin ko na lamang ang sinabi mo,” wika ng janitress.
Matapos ang insidenteng iyon, hindi maintindihan ni Rowena kung bakit mas pinipili pa rin niyang magtungo sa pinakadulong palikuran at sa pinakadulong cubicle, kahit na alam niyang malamok doon.
At kapag naroon siya, lagi niyang naririnig ang mga bulong ng maraming lamok sa kaniyang ulunan.
Lagi rin niya itong inirereklamo sa janitress na natataon namang naroon kapag umiihi siya. Minsan ay naiinis na ang janitress sa kaniyang mga hinaing na paulit-ulit.
Hanggang isang araw, matapos magreklamo ulit at nang palabas na si Rowena ng palikuran, biglang nagwika ang matandang janitress.
“Iha, may kailangan kang malaman sa palikuran na ito. Ngunit mangako ka sa akin na wala kang pagsasabihan dahil baka matanggal ako sa trabaho. Mahigpit ang bilin sa amin na huwag na huwag naming ipagsasabi.”
Lumapit si Rowena sa janitress. “Ano ho ‘yun?”
“Iha, sa gawing hulihan ng banyong ito, may isang babaeng winakasan ang kaniyang buhay noong nakaraang taon dahil sa labis na kalungkutang kaniyang pinagdaanan. Hindi kaya ang kaluluwa niya ang siyang narinig mo?”
At kinilabutan sa kaniyang narinig si Rowena.
Simula noon ay hindi na siya nagtungo sa naturang palikuran. Wala na siyang pakialam kung totoo o hindi ang sinabi sa kaniya ng janitress.
Tuwang-tuwa naman ang janitress. Nawalan na rin ng makulit na estudyanteng nagrereklamo sa kaniya.