Tinulungan at Kinupkop ng Matandang Janitor ang Batang Italyana; Malaking Biyaya ang Hatid Nito sa Kaniya
Mahigit tatlumpung taon nang nagtatrabaho bilang janitor sa isang malaking kumpanya si Mang Gerry, mayroon siyang dalawang anak na pinag-aaral sa kolehiyo kaya kahit na matanda na at may mga nararamdaman na rin sa katawan ay hindi siya humihinto sa pagbabanat ng buto, ang katwiran niya ay kaunting panahon na lamang ay magreretiro na siya. Kapag nangyari iyon ay tiyak na nakagradweyt na ang mga anak niya’t maayos na ang buhay ng mga ito.
Wala siyang problema pagdating sa trabaho dahil mabait ang may-ari ng kumpanya, ang amo niyang si Mr. Cuevas. Kahit napakayaman ng may edad na ring lalaki ay may malasakit ito sa mga empleyado lalo na sa mga gaya ni Mang Gerry. Pantay ang tingin nito sa lahat kaya mahal na mahal ito ng mga trabahador.
“Magandang gabi sir, naku ginabi po yata kayo?” wika niya sa amo.
“Magandang gabi rin, Gerry. Marami pa kasi akong tinapos sa opisina. Paano? Mauna na ako sa iyo ha? Ikaw? Hindi ka pa ba uuwi?” tanong ni Mr. Cuevas.
“Tatapusin ko na lang po itong paglilinis, sir. Sige po, mag-iingat po kayo,” sagot niya.
Nakangiting tumango ang lalaki at tuluyan nang nagpaalam.
Eksaktong alas nuwebe ng gabi, tapos na siya sa mga gawain niya kaya handa na siyang umuwi. Medyo sumasakit nga ang ulo marahil sa sobrang pagod. Iinuman na lamang niya iyon ng gamot pagdating niya sa bahay pero laking gulat niya nang may biglang may humampas sa binti niya. Pagtingin niya ay hinampas pala siya ng kamay ng isang batang babae na blonde ang buhok. Kitang kita sa hitsura nito na wala itong lahing Pinoy, iba ang lahi ng bata dahil mukha itong banyaga. Sa tingin niya ay nasa apat o limang taong gulang ito.
“Aba, anong ginagawa mo rito, bata? Bakit gabi na’y narito ka pa sa labas? Nasaan ba ang mga magulang mo?” tanong ni Mang Gerry na lumingon pa sa paligid para hanapin kung may ibang kasama ang bata pero walang ibang taong naroon. Sino naman ang mag-iiwan sa batang ito sa ganoong lugar?
Maya maya ay may narinig siya mga boses, kinutuban agad si Mang Gerry kaya naisip niyang magtago sa likuran ng sasakyan na nakaparada sa gilid ng maliit na kalyeng iyon kasama ang bata. Napansin din niya na bakas sa mukha nito ang takot. Habang nagkukubli sila ay dumating ang isang babae at isang lalaki na humahangos at nagtatalo.
“Put*ng ina naman, Joel, natakasan ka pa ng isang bata? Ang tanga-tanga mo naman! Kapag hindi natin nahanap iyon ay mapupurnada pa ang pera natin!” inis na sabi ng babae sa kasama.
“Malay ko bang mabilis tumakbo ang batang iyon. Huwag mo akong sisihin, g*ga, ikaw itong panay kutingting sa selpon mo kaya ayun natakasan tayo!” tugon ng lalaki.
Habang nakikinig ay mas lalong humigpit ang pagkakayakap ng banyagang bata kay Mang Gerry. Mabuti na lang at hindi rin nagtagal doon ang dalawa at umalis na rin. Nang matiyak na wala na ang lalaki at babae ay nakahinga na nang maluwag ang matanda. Napagdesisyunan ni Mang Gerry na iuwi muna sa kanila ang bata dahil ayaw nitong bumitiw sa kanya, mahigpit ang pagkakayakap nito na tila ayaw mawalay sa kaniya.
“Naku, kawawa ka naman, mukhang may mga masasamang tao na gustong kumuha sa iyo. Sige, dadalhin muna kita sa amin, gabi na rin kasi. Bukas na lang natin hahanapin ang mga magulang mo, papatulong tayo sa mga awtoridad ha?” sabi niya sa bata.
Hindi nagsasalita ang bata pero nginitian siya nito na tanda na naiintindihan naman siguro nito ang sinabi niya.
Nang dalhin niya ang bata sa bahay nila ay tuwang-tuwang naman ang asawa niyang si Gloria. Ngayon lang kasi ito nakakita ng batang banyaga.
“Kaninong anak ang batang iyan, Gerry? Napakaganda! Mukhang may lahi dahil iba ang kulay ng mga mata at buhok. Parang manyika. Sa tingin ko’y parang Italyana ang batang iyan,” wika ng babae.
“‘Di ko rin alam, eh. Basta bigla na lang akong nilapitan ng batang iyan habang pauwi ako. Napag-alaman ko rin na may mga masasamang tao na gustong kumuha d’yan. Mabuti na lang at nakapagtago kami,” sagot niya.
“Ganoon ba? Buti na lang at ikaw ang nakakuha sa batang ito kundi ay napasakamay na siya ng mga walang pusong iyon. Napaka-kyut pa naman nito,” wika ng asawa.
“Bukas na bukas ay isasauli ko ang bata sa istasyon ng pulis. Matutulungan nila tayo para maibalik ang batang iyan sa mga tunay niyang magulang. Baka kasi nag-aalala na ang mga iyon sa kaniya,” saad pa ng lalaki.
Kinaumagahan ay isinuko ni Mang Gerry sa mga awtoridad ang bata. Sinabi sa kaniya ng isa sa mga pulis na may nawawala ngang bata na tumutugma sa deskripsyon ng banyagang bata na kinupkop niya. Nalaman na rin daw ng pamilya nito na naroon ang hinahanap na bata kaya papunta na ito roon.
“Talaga po? Mabuti naman po kung ganoon. Maaari po bang hintayin kong dumating sila para matiyak na sila nga ang pamilya nitong bata? Alam mo kasi sir, may mga gustong kumuha sa batang iyan kailangan kong makasiguro na maibabalik siya sa tunay niyang mga magulang,” wika niya.
“Sige, pagbibigyan kita. Tutal ikaw naman ang nakakita dito sa bata. Malay mo bigyan ka pa ng pabuya ng pamilya niyan dahil ikaw ang nakakuha at tumulong sa bata,” tugon ng pulis.
“Naku, wala po akong hihilinging anumang kapalit. Bukal po sa loob ko ang pagtulong, ang gusto ko lang ay maayos na maibalik ang bata sa kaniyang pamilya,” aniya.
Ilang minuto lang ay dumating na sa istasyon ng pulis ang pamilya ng bata. Nakumpirma na ang mga ito nga ang totoong mga magulang ng bata. Nakilala niya ang tatay at nanay ng bata. Mukhang Italyano nga ang lalaki at Pinay naman ang asawa nito. Ngunit ang hindi niya inaasahan ay ang pagdating din doon ng lolo ng bata. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala ang matanda.
“M-Mr. C-uevas?”
“G-Gerry?!”
Ang lolo pala ng kinupkop niyang batang banyaga ay ang amo niyang si Mr. Cuevas. Anak ito ng bunsong anak na babae ng matanda at ang asawa nito ay ang Italyanong lalaki na kasama nito. Kinidnap ng kasambahay na babae ang bata kasabwat ang hardinero ng pamilya at tangkang ipagbili ang apo sa sindikatong nagbebenta ng mga bata para dalhin sa ibang bansa para doon pagkakitaan. Nadakip na naman ang mga salarin at nakapiit na kaya wala nang dapat ipangamba pa.
“Diyos ko, maraming salamat, Gerry! Napakabuti mo! Salamat dahil ikaw ang nakakita sa apo ko kundi ay tuluyan na siyang nawalay sa amin,” mangiyak-ngiyak na sabi sa kaniya ng amo matapos na yakapin nang mahigpit ang apo.
Labis ang pasasalamat ni Mr. Cuevas sa kaniya. Hindi rin inasahan ng matandang janitor nang abutan siya ng sobreng makapal ng amo, nang buklatin niya iyon ay nasa isandaang libong piso ang laman. Pabuya sa maganda niyang ginawa.
Umiling si Mang Gerry.
“Sir, hindi ko po ito matatanggap. Ginawa ko lang po kung ano ang tama. Hindi po ako umaasa sa anumang kapalit,” tugon niya.
Mas lalo siyang hinangaan ng amo. Kung dati ay pinupuri na siya nito dahil sa kasipagan at katapatan sa trabaho, ngayon ay mas tumaas ang respeto nito sa kaniya dahil sa kabutihan ng kaniyang puso.
Mapilit ang amo kaya wala na siyang nagawa kundi kunin ang perang ibinigay nito sa kaniya. Hindi lang iyon ang pabuyang ibinigay nito, binigyan din siya ng amo ng maliit na negosyo para sa oras na nagretiro na siya’y may pagkakaabalahan pa rin siya.
Mula noon ay naging mas malapit pa silang magkaibigan ni Mr. Cuevas. Naging malapit din sa kaniya ang apo nitong si Irish Jewel na marunong palang magsalita ng Tagalog dahil palagi itong tinuturuan ng nanay nitong Pinay.
Ang paggawa ng tama at pagtulong sa kapwa ay hindi nababayaran ng kahit anong halaga ngunit ang pagpapala para sa mabuting gawa ay karapat-dapat lang, ‘di ba?