
Naawa ang Dalaga sa Matanda Kaya Binili na Niya ang Natitira Nitong Paninda; Biyaya Nga Kaya ang Kasama Noon?
“Ay ang malas talaga!” reklamo ni Anne sabay pagpag sa kaniyang bag na basang-basa ng ulan. Wala na nga siyang mahanap na trabaho ay saktong bumuhos pa ang ulan. Problemado siya dahil tiyak babaha na naman sa loob ng bahay nila dahil sa butas-butas na bubong. Sumilong siya sa isang tindahan sa gitna ng overpass.
Wala nang dumadaang tao dahil pagabi na rin. Nagulat siya nang mamataan ang isang matanda na nagtitinda ng saging. Isang piling na lang ang natitira sa basket na hawak nito at tila hindi nito alintana ang ulan. Naawa naman siya sa matanda dahil naalala niya rito ang ina niya noong nabubuhay pa ito. Kinuha niya ang pitaka at nakitang panghapunan na lang nila iyon ni Junior, ang kaniyang nakababatang kapatid. Ngunit hindi na nagdalawang-isip si Anne na bilhin ang saging.
“‘Nay bilhin ko na ho iyan para makauwi na kayo. Lakas na ho ng ulan oh,” sabi niya sabay abot ng pera. Walang imik na isinilid nito sa isang plastic bag ang saging saka inabot sa kaniya. Tapos ay walang pagmamadaling iniligpit nito ang basket at umalis na. Wala itong payong ngunit tuloy-tuloy lang ito sa pagbaba sa overpass. Gusto man niya itong habulin ay ‘di niya ginawa dahil mababasa ang mga dokumentong hawak niya. Kailangan niya iyon para sa paghahanap niya muli ng trabaho bukas.
Pagdating niya sa kanilang maliit na apartment ay naabutan niya ang kapatid na nakahiga at iniihit na naman ng ubo. Agad niya itong dinaluhan at inabutan ng tubig.
“Hayaan mo Junior, kapag nagkatrabaho na si ate, dadalhin na talaga kita sa doktor ah? Kain muna tayo oh,” malumanay na sabi ni Anne sa pitong taong gulang na kapatid. Hika rin ang dumali sa kaniyang ina kaya hangga’t maaga pa ay gusto niyang ipagamot na ang kapatid.
Pinagsaluhan nilang dalawa ang tapsilog na binili niya sa kanto. Naalala niya ang saging na binili niya kaya’t inilabas niya rin iyon. Nagulat siya nang pagbukas ng plastic ay may makita siyang makinang na bagay. Isa iyong gintong kwintas!
Labis na nagtaka si Anne. Nalaglag ba iyon ng matanda sa plastic noong bumili siya? Naisip niyang ibabalik na lang niya iyon bukas.
Malas ni Anne dahil umuwi muli siya nang gabing iyon na wala pa ring nakukuhang trabaho, nakalimutan niya na ring dumaan sa overpass upang isauli ang kwintas. Bukas na lang siguro, sa isip-isip niya. Pagod niyang ibinagsak ang bag sa upuan at hinanap si Junior. Nagulat siya nang makita niya itong nakahandusay sa sahig at tila nanginginig.
“Junior? Junior?!” Natatarantang isinugod niya sa ospital ang kapatid. Wala nang makapitan, muling nakita ni Anne ang kwintas at pikit-matang isinanla iyon.
“Pasensiya ka na, nanay na nagtitinda ng saging, kailangan lang ho talaga,” bulong niya sa sarili. Nangako siyang tutubusin iyon kapag may pera na siya.
Nakaraos naman sila ni Junior dahil na rin sa tulong ng kaibigan ni Anne na si Marie. Kinapalan niya na rin ang mukha at nangutang ng pera para matubos ang kwintas. Nang hapong iyon na maghahanap siya muli ng trabaho, sinubukan niyang isuot ang kwintas. Tila ba may dalang swerte iyon dahil agad siyang natanggap. Hindi pa doon nagtatapos ang swerte dahil sumunod ang balita ng doktor na ligtas na ang buhay ng kapatid niya.
Isang taon na ang lumipas, sunod-sunod na swerte ang dumating sa buhay nina Anne. Napromote agad siya sa trabaho at lumago ang negosyong pinasok nila ni Marie.
“Uy Mars! Hindi kaya anting-anting ‘yang kwintas na ‘yan? Mukhang swerte ang dala niyan ha!” biro ni Marie sa kaniya isang araw. Napatigil naman siya sa sinabi nito dahil nginatngat siya ng konsensya. Para na rin siyang nagnakaw dahil hindi niya ibinalik ang kwintas.
Kinabukasan ay bumalik muli siya sa overpass upang muling hanapin ang matandang may-ari ng kwintas. Hindi niya ito makita, ngunit nakaagaw sa pansin niya ang isang dalagang nagtitinda ng saging. Nagpasya siyang tanungin ito tungkol sa matanda.
“Ho? Baka ho si Nanay Seli ang tinutukoy niyo,” sabi nito. Tuwang-tuwa si Anne dahil mukhang maaalis na ang bigat sa kaniyang puso kapag nasauli na niya ang kwintas.
“Nasaan na siya?” Tanong niya sa dalagang tila kinse anyos lamang.
“Wala na po si nanay, ate. Bumigay na sa sakit niya, nitong makaraang taon lang po… hindi kami tinanggap sa ospital dahil wala kaming pera,” sabi ng dalaga na nangingilid ang luha. Tila tinadyakan ng konsensya si Anne sa mga nalaman. Kung naibalik niya agad ang kwintas, baka nailigtas ang buhay ni Nanay Seli.
Dahil sa pagnanais makabawi, binili ni Anne lahat ng paninda ng dalaga na Joy pala ang pangalan. Napag-alaman niya ring ulilang lubos na ito at ni wala itong kilalang kamag-anak. Nang sumunod na linggo lang, nagpasya na rin siyang tulungan ito at patuluyin sa bago niyang apartment. Matalino at mabait na bata si Joy kaya’t wala siyang naging problema rito. Masaya si Anne dahil natapos nito ang high school ng may mataas na karangalan, ngayong magkokolehiyo na ito, nais niya sanang ipagtapat ang tungkol sa kwintas. Hindi nawala sa dibdib niya ang bigat na dala ng lihim na iyon.
“Joy, may sasabihin sana ako sa’yo… sana ay mapatawad mo ako,” kasabay ng kaniyang pagkukwento tungkol sa kwintas na nasama sa binili niyang saging kay Nanay Seli ay umagos din ang kaniyang luha.
“Kung isinauli ko kaagad ang kwintas na ito, marahil ay naipaospital niyo pa si Nanay Seli…” umiiyak na sabi ni Anne sabay abot ng kwintas kay Joy.
Tiningnan ni Joy ang kwintas at nagtatakang tumingin kay Anne.
“Ate Anne? Baka nagkakamali lang kayo, wala po kaming gintong kwintas. Mas mahirap pa kami ni Nanay Seli sa daga. Mahal na mahal ako ni nanay kaya tiyak kong kung may ganitong alahas siya ay matagal na niyang ibinenta para makapag-aral ako. Natitiyak ko pong hindi kay Nanay Seli ito.”
Natigilan naman si Anne sa sinabi ni Joy. Noong una ay hindi siya makapaniwala ngunit seryoso at tiyak ang tono ng dalaga. Tila ba isang mabigat na bato ang naalis sa dibdib ni Anne sa sinabi ng dalaga. Sa mga nakalipas na taon ay nakonsensya siya para sa wala! Ngunit mas namamayani ang pasasalamat at galak sa kaniyang puso sa katotohanang nalaman.
Simula noon ay mas na-enjoy na ni Anne ang mga biyayang mayroon siya. Ngayon kasi ay nakatitiyak siyang wala siyang ibang taong naagrabyado. Hindi na niya iniisip kung saan nanggaling ang kwintas, at nagpasalamat na lang sa kabutihan ng Poong Maykapal.

Ilang Oras Naghintay sa Istasyon ng Bus ang Binata Para Muling Makita ang Amang Nawalay; May Sorpresa Pala sa Kaniyang Paghihintay
