
Ilang Oras Naghintay sa Istasyon ng Bus ang Binata Para Muling Makita ang Amang Nawalay; May Sorpresa Pala sa Kaniyang Paghihintay
“Hindi ko ho maintindihan kung bakit gusto niyo pa rin siyang bumalik sa buhay natin ma,” halata ang galit sa boses ni Adrian habang kausap ang ina sa telepono.
“Adrian… ama mo pa rin siya. At sa pagkakataong ito, nais niyang itama ang lahat ng pagkakamali niya,” sabi naman ng inang si Adela sa kabilang linya.
Napasalubong naman ang kilay ni Adrian sa narinig ngunit nagpasyang magpaalam na sa ina dahil may paparating na na bus. Naroon siya ngayon sa istasyon dahil sinabi ng mama niya na iyon daw ang araw na babalik na sa kanila ang ama. Naupo siya sa waiting area kung saan maraming tao rin ang naghihintay. Kasama niya noon ang pinakamatalik na kaibigan na si Marco.
“Galit ka pa rin talaga sa tatay mo, ‘no?” Nakikisimpatyang sabi nito.
“Marco, ilang taon siyang nawala. ‘Di siya naawa kay mama, mag-isa lang akong tinaguyod? Tapos babalik siya basta-basta na parang walang nangyari?” litanya ni Adrian na halata ang galit.
“Eh bakit pumayag kang sunduin siya rito sa istasyon?” Bahagyang natahimik si Adrian sa tanong ng kaibigan.
Nagulat siya nang biglang may malagkit na bagay ang tumalsik sa braso niya. Paglingon niya ay isang batang lalaki ang nakatapon ng hawak nitong juice sa kaniya.
“Ay naku RJ! Magsorry ka sa kaniya!” agad na saway ng kasama nitong lalaki na marahil ama nito. Alanganing ngiti lang ang sinukli niya sa mga ito at saka pinunasan ang malagkit niyang braso. Inabutan niya rin ng tissue ang bata pampahid nito.
Natutuwa naman siya dahil agad na sumunod ang batang tinawag na RJ sa ama, at gayundin nasaksihan ang malambing na pagtuturo ng ama nito. Hindi niya napigilang mainggit sa ipinakita ng dalawa.
Ang mabait na lalaking tatay ng bata ay muling humingi ng pasensiya sa kaniya at saka nag-usisa. “Saang bus ba ang sakay niyo, hijo?” Tanong nito.
“Ay naku, hinihintay ko lang pong dumating yung… may hinihintay lang po ako,” magalang na sagot niya sa lalaki.
Hindi magawang sabihin ni Adrian ang salitang “ama” dahil ni minsan naman ay hindi niya naramdamang magpaka-ama ang tatay niya sa kaniya. Ang alam niya ay pinangakuan nito ng kasal ang ina niya noon ngunit hindi natuloy dahil tumutol ang pamilya nito. Nakita niya ang hirap ng ina para mabuhay sila, kaya ngayong nakagraduate na siya sa kolehiyo ay pinangako niyang bubuhayin ang ina at magtatagumpay sila kahit walang tulong mula sa ama.
Kalahating oras na silang naghihintay ngunit hindi pa rin dumadating ang bus na sinasakyan nito. Nang mag-inat ay nakuha ng pansin niya ang isang matandang lalaki na nakatayo sa may gilid nila. Agad na nagpasya si Adrian na alukin ito ng upuan at siya na lang ang tatayo.
“Naku hijo, salamat ha.”
Tipid na ngiti lang ang sinagot niya. Naiinip na siya sa kahihintay at kitang-kita iyon sa paulit-ulit na pagsipat niya sa relo niya. Dalawang oras na ang nakalipas.
“Ano? Bakit natin hinihintay ang ama mo na pagkatagal-tagal kung wala ka namang pake sa kaniya?” Patuloy ni Marco.
“Ewan ko rin, siguro para na lang din kay mama,” sagot ni Adrian. Ngunit sa kaniyang dibdib ay may tinig ng isang bata na animo’y sabik na naghihintay.
“Balita ko mayaman daw ang papa mo ah, kung sakali, pwede ka niyang bigyan ng posisyon sa kompanya niya kahit pa may mga kapatid ka sa labas.”
“Hindi naman iyon ang gusto ko o ni mama eh. Asawa at ama lang ang gusto namin. Kesyo ba wala siyang kompanya. Siya ang kailangan namin,” iyon lang ang nasabi ng binata dahil sa biglang pagseryoso ng usapan. Nagbikig ang lalamunan niya sa emosyong nararamdaman. Doon niya napagtanto na sa loob-loob niya, gustong-gusto niya talagang bumalik ang ama sa kanila. Iwinaksi niya iyon sa isipan. Malay niya ba kung babalik lang ito sandali ngunit aalis din agad.
Tumikhim ang matandang pinaupo niya kanina. Napalingon sila at nagulat si Adrian nang bahagyang mamukhaan ito. Tumayo ang matanda sa harap niya at saka yumuko.
“Patawarin mo ako… anak. At ikaw rin, Adela,” sabi nito. Naguguluhang sinundan niya ng tingin ito at nagulat din siya dahil nakaupo sa bandang likuran niya ang ina. Nang mga pagkakataong iyon ay umiiyak ito pati na rin ang kaniyang ama na hindi niya namalayang kanina niya pa pala katabi.
“Kanina pa kita pinagmamasdan anak, at masasabi kong lumaking kang mabuti ang loob kahit wala ako. Gusto kitang yakapin ngunit tila ba nahihiya ako. Narinig ko rin ang lahat ng sinabi mo… wala kong depensa kung hindi humingi ng tawad. Naduwag ako noon, anak. Alam ng Diyos na ang lahat ng taong ‘di ko kayo kasama ay naging miserable. Sa pagkakataong ito, wala akong hangad kung hindi tanggapin ninyo ang tulong ko. Hindi ko hihingin na tanggapin niyo ako kahit iyon ang hiling ng aking puso, kung hindi ang pera ko lang. Lahat ng mga kapatid mo sa labas ay halos magp@tayan na para lamang sa kompanya ko. Doon ko marahil nabuo ang desisyong ito. Ngunit sa iyo ko nakita ang karakter na kailangan para mapalago pa iyon. Sana tanggapin niyo kahit ito lang.”
Nakita ni Adrian ang puso sa mga sinabi ng ama at hindi niya mapigilang maiyak. Gusto nitong tanggapin muli nila bilang parte ng kanilang pamilya ngunit nangingimi ito dahil sa ginawang kasalanan noon. Tila iyon lang ang tumimo sa isip niya, at ni hindi naisip ang tungkol sa sinabi nitong kompanya.
Naunang tumayo ang ina at niyakap ang amang nakaluhod pa rin. Marami mang tanong sa isipan ay tumayo na rin si Adrian at inilahad ang kamay sa dalawa. Niyakap niya ang mga ito. Hindi niya akalaing may sorpresa pala ang paghihintay niya sa istasyon ng bus. Noong una ay nagtataka siya kung bakit ito sasakay ng bus kung mayaman naman ito, ngunit napagtanto niyang marahil ayaw nitong ipamukha ang karangyaan nito sa kanila, at nais lang makita ito bilang amang nawalay sa kanila at ngayo’y labis na nagsisisi na.