
Ampon Lang Naman Daw Siya ng Kaniyang Ina Kaya Wala Siyang Karapatan Upang Alagaan Ito; May Katotohanan Ba ang Sinasabi ng mga Kapatid Nito?
“Tito, baka naman po pwede niyo akong pagbigyan na madalaw at makausap ang mama ko,” nakikiusap na wika ni Naneth sa tiyuhing si Donald.
“Naneth, una sa lahat, wala ka nang karapatan sa ate ko, sapagkat malaki ka na’t ampon ka lang niya. Labas ka na sa obligasyon ng Ate Niña, kaya umalis ka na!” galit na singhal ni Donald.
Mula noong siya’y bata pa lang ay hindi na lingid sa kaniyang kaalaman na ampon lamang siya ng kaniyang Mama Niña na matandang dalaga. Walang naging asawa si Mama Niña, kaya nagdesisyon itong mag-ampon na lang. Legal siyang inampon ng ina, kaya legal na rin siyang anak nito.
Ngunit mula noong nagkasakit ang kaniyang Mama Niña at wala na itong kakayahang ipagtanggol siya dahil nahirapan na itong igalaw ang sarili nitong katawan ay basta-basta na lang siyang pinalayas ng mga tiyuhin at tiyahin niyang kapatid ng ina.
Palaging sinasabi ng mga ito na wala siyang magandang maidudulot sa kaniyang ina, dagdag stress daw siya at ampon lamang siya kaya mas may karapatan ang mga ito sa kaniyang ina, kaysa kaniya.
“Ilang beses ko na bang sinabi sa’yo, Naneth, wala kang karapatan sa ate ko dahil ampon ka lang naman niya’t hindi ka tunay na anak. Ngayong malaki ka na at may sakit na siya’t wala nang kakayahan ay kukunin na namin siya ulit at hindi ka kasama roon dahil hindi ka naman kasama sa pamilya—”
“Kaya ko namang alagaan ang mama ko, tito!” matigas na wika ni Naneth.
“At sa tingin mo’y ipagkakatiwala namin siya sa’yo?”
“Ampon ako ni mama, pero legal niya po akong inampon.”
“Walang legal–legal sa’min, Naneth! Ang katotohanang ampon ka’y sapat na upang tanggalan ka namin ng karapatan,” anito saka umalis sa harapan ni Naneth.
Walang nagawa si Naneth kung ‘di umiyak na lang. Miss na miss na niya ang kaniyang Mama Niña, halos tatlong buwan na mula noong pinagbawalan siyang makita ito.
Sa kawalang maisip na paraan ay napilitang lumapit si Naneth sa isang abogadong maaaring tumulong sa kaniya upang makuha ang kaniyang adopted mother. Lahat ng mga kailangang patunay ay ipinakita niya rito upang panigan siya ng batas ay matulungan.
“Kahit adopted child ka’y mas may karapatan ka sa’yong mama, Naneth,” wika ni Atty. Santos ang abogadong kaniyang hiningan ng tulong. “Pangako makukuha mo ang full custody ng iyong ina,” anito.
Gaya nang ipinangako ni Atty. Santos sa kaniya’y nakuha nga niya ang kaniyang ina sa kaniyang mga tiyuhin at tiyahin.
“Kapag may nangyaring masama sa ate namin ay sa’yo ko isisisi ang lahat, Naneth! Nagmamagaling ka masyado… akala mo’y kaya mong alagaan ang ate ko! Kaya siguro gustong-gusto mong makuha si Ate Niña ay dahil sa pensyon niya!” Gigil na wika ni Verna, ang pangalawang kapatid ni Niña.
“Hindi totoo ‘yan tita,” tangi ni Naneth. “Hindi ko siya kukunin sa inyo kung hindi niyo siya ipinagdadamot sa’kin,” aniya na pinipilit pigilan ang emosyon.
“Hindi namin siya ipinagdadamot sa’yo, dahil sa totoo lang ay wala ka naman talagang karapatan sa kaniya! Ampon ka lang baka nakakalimutan mo!” gigil na singhal ni Verna.
“Oo! Ampon lang ako tita… pero baka nakakalimutan niyong legal akong ampon ni mama. Kaya ko nga siya nakuha sa inyo ‘di ba?” Matapang na wika ni Naneth.
Grabe na ang pang-iinsulto ng mga kapatid ni Mama Niña sa kaniya. Nasasaktan na siya’y naaapakan na ng mga ito ang pagkatao niya.
“T-tama… na!” Nahihirapang sambit ni Mama Niña.
“Mama,” mangiyak-ngiyak na niyakap ni Naneth ang ina.
“H-hayaan niyo n-na si Nan—neth na mag… -alaga sa’kin,” paisa-isang wika ni Niña. Nahihirapan itong magsalita dahil sa stroke. “Ma…hal ko kayong lahat… at salamat sa p-pag-aalaga sa’kin. Pe…pero sobra na ang sina…sabi niyo sa anak ko,” anito saka humagulhol ng iyak.
Agad namang natahimik ang tatlong kapatid nito. Pati si Naneth ay iyak na rin nang iyak.
“Okay lang po ako mama,” kausap ni Naneth sa ina. “Tanggap ko po ang lahat ng sinasabi nila. Wala nang mas mahalaga sa’kin ngayon dahil magkakasama sa tayo ulit. Uwi na tayo sa’tin mama,” aniya.
Agad namang tumango-tango si Niña habang panay ang agos ng luha, saka nagyakapan ang dalawa. Sa tulong ni Atty. Santos at sa mga kasama nilang Barangay Officials ay matiwasay na nakauwi ang mag-ina sa bahay nila.
Inalagaan ni Naneth ang ina at hindi kagaya nang ginawa sa kaniya’y hindi niya ipinagdamot ang ina sa sarili nitong pamilya. Dahan-dahan ay naging maayos ang samahan nila ng mga kapatid nito, at gano’n rin ang lagay ni Mama Niña. Nakakapagsalita na ito nang maayos-ayos, hindi kagaya no’ng una niya itong kinuha.
Malaki ang utang na loob niya sa inang umampon sa kaniya’t minahal siya nang higit pa sa kumpletong magulang. Bilang sukli ay ipinapangako niyang aalagaan niya ito habang ito’y nabubuhay pa sa mundo.
“I love you mama,” mahinang bulong ni Naneth saka niyakap ang ina.