
Nagawa Niyang Ipaampon sa Kung Kani-kanino ang Kaniyang mga Anak; Ito Pala ang Kaniyang Naging Dahilan
Kasa-kasama ni Dina ang anak na si Steven, bente uno anyos, habang hinahanap ang address ng pangatlong anak na matagal na niyang ipinaampon.
Ang panganay niyang anak ay hindi na niya nahanap pa, sapagkat matagal na pa lang lumipat ang mga taong umampon rito. Ang pangalawa naman niyang anak ay galit sa kaniya’t agad siyang pinalayas.
“Mama, sigurado ba kayo sa gagawin niyong ito? Baka palayasin ka naman ng hinahanap mong anak,” malungkot na wika ni Steven.
Lima ang kaniyang anak, galing sa iba’t-ibang tatay. Ang kaniyang panganay ay kambal na babae at lalaki, na magkahiwalay niyang pinaampon. Balita niya sa kaniyang panganay na anak ay nasa ibang bansa na kasama ang mga umampon dito, ang pangalawa nga’y nasa Caloocan lang at kinamumuhian siya. Ngayon ay hinahanap niya ang pangatlo’t susunod naman niyang hahanapin ang pang-apat.
“Karapatan nilang kamuhian ako, anak, dahil ako ang ina nilang walang kwenta,” malungkot na wika ni Dina.
“P-pero para sa’kin mama ay hindi po kayo gano’n,” wika ni Steven.
“Dahil inalagaan kita mula noong ika’y isinilang sa mundo hanggang ngayon, anak,” malamyos na wika ni Dina. “Pero ang mga kuya at ate mo’y hindi. Kaya ibigay natin sa kanila ang galit na nais nilang iparamdam sa’kin,” aniya saka niyakap ang anak.
Dahil sa paghahanap ng tunay na pag-ibig sa kaniyang batang edad kaya nangyaring nagkaroon siya ng anak sa iiba’t-ibang lalaki. Katorse anyos siya ng kaniyang ipinanganak ang kambal niyang anak. Pagkapanganak pa lang niya sa dalawa’y hindi na niya muling nakita pa ang ama ng mga ito, dahilan upang mag-desisyon siyang ipaubaya na lang ang dalawa sa DSWD.
Muli siyang umibig sa tatay ng pangatlo niyang anak, nang siya’y mag-edad ng dise-otso. Kaso isang taon pa lang ito’y namat@y ang kaniyang asawa, binaril sa mga hindi nakikilalang mga suspek. Nalugmok siyang muli at nahirapang bumangon sa depresyon, kaya iniwan niya ang anak sa matalik niyang kaibigan.
Sa edad na bente singko’y ipinanganak niya ang kaniyang pang-apat na anak, na bunga ng isang gabing kaligayahan na dahilan ng espirito ng alak. Hindi niya alam kung sino ang ama ng kaniyang pang-apat na anak, sapagkat nagising na lamang siyang may katabing lalaki at hindi niya ito kilala.
Muli niyang iniwan ang anak sa pangangalaga ng DSWD, hanggang sa muling nag-krus ang landas nila ng kaniyang kababatang kaibigan na si Samuel, ang ama ni Steven.
Si Samuel ang nagpatunay sa kaniyang kahit ilang beses ka mang madapa, kapag nahanap mo na ang lalaking para sa’yo ay hahamakin niyo ang lahat na magkasama.
“Hali ka na, Steven, hanapin na natin ang kuya mo’t susunod naman nating hahanapin ang pang-apat mong kapatid. Pasensiya ka na anak ah, nadamay ka sa pagod ko. Natatakot kasi akong lumakad mag-isa’t baka may mangyari pa sa’king masama,” aniya sa anak.
“Sasamahan kita, mama, kahit saan ka man magpunta,” ani Steven saka niyakap ang ina.
Pagkarating nila sa bahay kung saan raw naroroon ang kaniyang pangatlong anak ay laking gulat niya dahil naroon rin ang kaniyang pang-apat.
Ayon sa kwento ng dalawa’y nagkakilala sila sa isang social media at napag-alaman nilang pareho silang ampon, at sa hindi inaasahan ay nalaman nilang pareho ang kanilang ina, dahil sa magkaparehong hawak na litrato noong kaniyang kabataan.
Kaya mula noon ay palagi na silang nagkikita upang mag-bonding. Parehong lalaki ang kaniyang pangatlo na si Hero at ang pang-apat naman ay si Ullyses.
“Pinlano naming hanapin ka, mama, salamat at hindi na namin kailangang gawin iyon, dahil nahanap mo na kami ni kuya,” umiiyak na wika ni Ullyses.
“Patawarin niyo ako mga anak,” tumatangis ding wika ni Dina. “Masyado pa akong mahina noong panahong ipinanganak ko kayo, kaya imbes na ipalala*g kayo sa’king sinapupunan ay inisip kong ibigay kayo sa mga may kayang alagaan kayo. Kung kaya ko lang ibalik ang panahon at ang oras ay ‘di ko hahayaang mawalay kayo sa’kin. Patawarin n’yo ako.”
Nagyakapan ang tatlo habang mangiyak-ngiyak na nakatingin lamang si Steven sa kanila, gano’n rin ang kaibigan ni Dina na tumayong magulang ni Hero.
Kasama sina Hero at Ullyses, ay napagkasunduan nilang suyuin ang nag-iisang babae sa kanilang lahat na si Gretchen, ang pangalawang kambal na nasa Caloocan.
“Hindi magiging madali ang proseso, mama, pero huwag nating sukuan si ate. Naiintindihan ko ang galit niya, pero alam kong darating ang araw ay maiintindihan ka rin niya, kagaya kung paano ka namin naintindihan ni Ullyses,” wika ni Hero.
“Hanapin rin natin si Kuya Daniel,” tukoy ni Steven sa panganay na kambal nilang kapatid. “Kahit hindi tayo buong magkakapatid, at hindi tayo nagkasamang lumaki’y alam kong darating ang araw na magkakasundo-sundo tayo at tama ka Kuya Hero, hindi magiging madali, pero susubukan natin, para kay mama.”
Gaya nang napagkasunduan nila’y hindi sila sumukong suyuin si Gretchen habang hinahanap si Daniel. Hindi madali pero wala silang ibang hinihiling na sana dumating ang araw na magkakasundo-sundo silang magkakapatid, kasama ang kanilang ina bago pa man mahuli ang lahat.

Matapos Siyang Iwanan ng Kaniyang Asawa’y Inako Niyang Mag-isa ang Responsibilidad sa Kaniyang Dalawang Anak; Magawa Niya Kaya Ito nang Tama?
