Inday TrendingInday Trending
Matapos Siyang Iwanan ng Kaniyang Asawa’y Inako Niyang Mag-isa ang Responsibilidad sa Kaniyang Dalawang Anak; Magawa Niya Kaya Ito nang Tama?

Matapos Siyang Iwanan ng Kaniyang Asawa’y Inako Niyang Mag-isa ang Responsibilidad sa Kaniyang Dalawang Anak; Magawa Niya Kaya Ito nang Tama?

“Papa, graduate na po ang anak niyo,” masayang wika ni Hector sa amang si Victor.

Mangiyak-ngiyak na tinanggap ni Victor ang inabot na diplomang iniabot ng kaniyang bunsong anak na si Hector.

“Nasuklian rin ang lahat ng paghihirap natin anak,” anito. Hindi napigilang umiyak matapos titigan ang diplomang nasa kamay nito.

Dalawang taon pa lang si Hector, habang apat na taong gulang naman ang kaniyang Ate Vivian, nang iwanan sila ng kaniyang ina. Ayon sa kaniyang Papa Victor ay umalis ang kanilang ina sapagkat hindi na nito kinaya ang hirap.

Galing daw sa trabaho noon ang kaniyang ama nang sa pag-uwi nito’y hindi na nito naabutan pa ang nanay nila. Iniwan pa nga raw sila nito sa kapitbahay na ang tanging paalam ay mamamalengke lamang. Mula noong araw na iyon ay hindi na muling umuwi ang ina at wala na rin silang naging balita rito.

“Sigurado akong magiging masaya ang Mama Vien niyo kapag nalaman niyang naitaguyod ko kayo ng maayos,” wika ni Victor sabay punas ng luha sa pisngi.

“Hindi na nga natin alam kung nasaan na siya,” maiksing wika Vivian, halata ang inis sa boses.

Hindi na sumagot sina Victor at Hector sa tinuran ni Vivian. Galit si Vivian sa ina dahil sa pag-alis nito at sa pag-iwan sa kanila. Maalala niya dati noong mga bata pa lang sila’y ang kanilang ama na ang tumaguyod sa kanila.

Sa t’wing nangangalakal si Victor ay kasa-kasama niyang lagi sina Hector at Vivian, umulan man o maaraw ay kasama niya ang kaniyang dalawang anak, wala kasing ibang mapag-iiwanan. Dumating pa sa puntong sa kariton na lamang sila natutulog, katabi ang mga nakalakal na mga bakal, plastik o ano-ano pa dahil napalayas sila sa kanilang inuupahan.

Ilang beses na ring sinubukang kuhanin ng mga taga-DSWD ang dalawang bata, ngunit mariing tinatanggihan ito noon ni Victor. Kinaya lahat ni Victor ang hirap, mabuhay lang ang dalawang anak. Kaya galit-galit si Vivian sa kaniyang inang pabaya.

“Hayaan mo na, papa. Kung alam lang ni mama ung paano mo kami napalaki ni ate, baka magsisi siya sa pag-iwan sa’tin,” ani Hector, sabay akbay sa ama.

“Tama! Kinaya mo kaming pagtapusin ng kolehiyo at hindi kagaya niyang basta na lang kami iniwan. Kaya kung anoman ang narating at mararating pa namin papa ay para sa’yo ang lahat ng iyon… wala siyang naiambag!” Muli na namang nahimigan sa boses ni Vivian ang pait at galit sa ina.

Malungkot na ngumiti si Victor saka inakbayan si Vivian. “Naiintindihan ko kung bakit galit na galit ka sa mama niyo, anak. Kung anuman ang naging kasalanan niya noon sa’tin ay hindi magandang kimkimin natin iyon habang tayo’y nabubuhay. Ina niyo pa rin siya, at kahit baliktad-baliktarin man natin ang mundo ay hindi magbabago ang katotohanang iyon.

Tao lang tayo at pare-parehong nagkakamali. Pinatawad ko na siya sa nagawa niya sa’tin noon at sana mapatawad niyo rin ang mama ninyo. Mas masarap mabuhay, Vivian, kapag wala kang itinatanim na galit d’yan sa puso mo,” payo ni Victor sa anak.

“Tama si papa ate,” sang-ayon naman ni Hector, sabay akbay sa kapatid. “Sa totoo lang noon ay nagalit rin ako kay mama. Pero habang nagkakaisip ako’y na timbang-timbang kong walang magandang maidudulot iyon para sa’kin kung habang nabubuhay ako’y galit ako sa sarili kong ina.

Kahit naman kasi papaano’y ma-swerte tayo dahil si papa ang naging tatay natin. Kahit palaging hikahos basta ang mahalaga’y nakakaraos. Kaya alisin mo na ang galit d’yan sa puso mo,” nakangiting wika ni Hector sabay kurot sa pisngi ng kapatid dahilan upang umaray ito.

“Sabagay tama naman kayo, at saka hindi na rin naman ako umaasang makikita pa ulit natin siya. Pero kung mangyayari mang pagkrusin ang landas natin sa kaniya’y pasasalamatan ko pa rin siya. Dahil hindi man siya naging mabuting ina sa’tin, binigyan niya naman tayo nang mabuti, mapagmahal at masipag na ama,” mangiyak-ngiyak na niyakap ni Vivian si Victor. “Salamat, papa.”

“Noong iniwan tayo ng nanay niyo’y wala na akong ibang inisip kung ‘di ang kung papaano ko kayo mapapalaki nang maayos. Pero sa nakikita kong tagumpay ninyong dalawa at sa mga ugali ninyo’y naisip kong… naging mabuti rin pala ang pagpapalaki ko sa mga anak ko at nagabayan ko kayo ng tama. Salamat mga anak dahil hindi niyo ako binigo. Ipinagmamalaki ko kayo kanino man,” anito saka niyakap ang dalawang anak.

Hindi madali ang maging magulang. Mahirap magpalaki ng anak lalo na’t ikaw lang mag-isa ang gumagabay sa kanila. Pero totoong lahat ng sakripisyo at paghihirap ay mapapawi kapag nakita mo ang resulta ng iyong mga nagawa.

Advertisement