
Upang Mapabuti ang Pamumuhay ng Dose Anyos na Anak ay Inireto na Ito ng Ina sa Isang Matandang Mayaman; Nagpuyos sa Galit ang Kaniyang Ama
Galit na umuwi si Pio matapos mabalitaan sa kanilang kapitbahay ang ginawa ng kaniyang mag-ina.
“Greta!” galit na tawag niya sa pangalan ng asawa. “Lumabas ka rito at mag-uusap tayo!”
“Ano ba iyon?”
“Tawagin mo ang anak mo!” Kumukulo ang dugo niya dahil sa ibinalita ni Sonya sa kaniya kanina habang nakatambay siya sa may plaza.
Wala siyang kaalam-alam na inirereto na pala ng magaling niyang asawa ang anak nilang si Jasmine sa kapitbahay nilang mayaman.
“Totoo bang ang balitang nakarating sa’kin, Greta?” nanggigigil pa rin niyang wika.
“Ang alin?” p*tay-malisyang tanong nito.
“Na inirereto mo na raw ang dose-anyos nating anak na si Jasmine, sa kapitbahay nating si Pareng Nestor? Nababa*liw ka na ba, Greta?”
Si Nestor ay kaniyang kumpare. Kilalang mayaman sa lugar nila si Nestor, biyudo ito’t may tatlong anak na pare-pareho ng may kaniya-kaniyang asawa. Pakiramdam ni Pio ay nagsiakyatan sa kaniyang ulo ang kaniyang dugo matapos sabihin ni Sonya sa kaniya ang pinaggagawa ng kaniyang asawa sa anak nila.
“Dose anyos pa lang si Jasmine, Greta! Diyos ko naman! Nasobrahan ka na sa pagiging ambisyosa mo. Maawa ka sa anak natin, isipin mong maigi kung ilang taon na si Nestor. Mas matanda pa iyon sa’tin, parang lolo na lang ‘yon ni Jasmine!” Gigil na gigil na wika ni Pio.
“Ano naman ngayon, Pio? Mas maayos nga kung si Nestor na lang ang mapapangasawa ni Jasmine, mas sigurado tayong nasa tamang kamay ang anak natin. Hindi niya mararanasang maghirap, dahil mayaman na si Nestor!
Kaysa ka-edad nga niya ang makakatuluyan niya pero wala namang kwenta. Malolosyang lang siya’t maghihirap! Mas hindi ko kakayanin ang gano’n, at saka hindi pa naman ngayon. Kapag nasa tamang edad na si Jasmine, saka lang naman natin sila ipagpapaasawa!” matigas na pangangatwiran ni Greta.
“Nahihibang ka na ba? Mas nanaisin kong maghirap siya’t malosyang, Greta, basta siya mismo ang pumili sa lalaking mamahalin niya. Kaysa maalwan nga ang buhay niya, pero parang lolo na niya ang kaniyang naging asawa dahil sa ginagawa mo. Pabayaan mo si Jasmine, kung ayaw mong ilayo ko siya sa’yo!” matigas na wika ni Pio saka umalis sa harapan ng asawa.
Gustong-gusto niyang sampalin si Greta upang gisingin sa kahibangan nito. Kaysa masaktan ito’y nanaisin na lamang niyang umalis at umiwas. Seryoso siya sa kaniyang sinabi. Ilalayo niya ang anak nila kung ayaw talagang tumigil ni Greta.
Hindi alam ni Pio na sinundan pala siya ni Jasmine. Tinawag siya nito at niyakap saka humagulhol ng iyak. Abala siya sa trabaho kaya wala siyang alam sa nangyayari sa bahay nila sa t’wing wala siya. Laking pasasalamat niya sa mga tsismosa nilang kapitbahay.
“Anak,” mahina niyang usal. “Pasensiya ka na sa ginagawa ng mama mo sa’yo. Imbes na siya ang umunawa at gumabay sa’yo ay siya pang nagtulak sa’yo sa masalimuot na daan,” mangiyak-ngiyak na kausap niya sa anak habang nakayakap ito sa kaniya.
“S-salamat papa at ipinagtanggol mo ako kay mama,” humihikbing wika ni Jasmine.
“Bakit kasi wala kang sinasabi sa’kin? Kung hindi pa ikinuwento ni Sonya sa’kin ang mga pinaggagawa ni mama mo’y hindi ko pa malalaman ang ginagawa niya,” aniya sa anak.
“Akala ko kasi’y alam mo na ang tungkol doon at ayos lang sa’yo.”
Apat ang anak nila ni Greta, dalawang lalaki at dalawang babae. Si Jasmine ang bunso. Ang dalawa niyang anak na lalaki’y wala pang mga asawa, habang ang kaniyang panganay na anak na babae ay maagang nag-asawa at mayroon nang anak na dalawa.
Iyon yata ang naging dahilan ni Greta kaya ayaw na nitong makapag-asawa si Jasmine ng kaedad lang nito. Hindi kasi naging madali ang buhay may asawa ng isa niyang anak. Palaging walang makain at kapos sa buhay, kaya nagmukhang losyang si Natasha, dahilan na hindi naman pinagsisihan ng kaniyang anak, sa t’wing ito’y kaniyang tinatanong. Ayon rito’y ginusto nito ang sitwasyong kinalagyan, kaya wala siyang ibang sinisisi.
“Kailanman Jasmine ay hindi ako makikialam sa inyong magkakapatid kung sino ang mamahalin niyo at ano ang gusto niyong mangyari sa buhay niyo. Narito lamang ako para gabayan kayo sa tamang landas, na minsan ay sinusuway niyo kagaya sa ginawa ng Ate Natasha mo.
Pero mapagano’n man ay hindi ko kayo itutulak sa sitwasyong labag sa loob ninyo. Mahal ko kayo at nasasaktan ako kapag nakikita ko kayong miserable. Naging bukas na katotohanan na ang buhay ng ate mo kaya hangad ko’y huwag niyo na siyang gayahin. Hindi ko hahayaan ang mama niyo na kontrolin kayo. Naiintindihan mo ba ako, Jasmine,” kausap ni Pio sa anak.
Muli naman siyang niyakap ni Jasmine saka umusal ng pasasalamat.
Masakit sa isang magulang ang makitang naghihirap ang kanilang mga anak, ngunit hindi rin naman tamang hawakan natin sila sa leeg para lang masunod nila ang gusto natin. Bilang isang magulang ay nariyan tayo dapat sa mga anak natin upang alalayan sila’t gabayan. Hindi para gawing hayop na sunod-sunuran sa gusto natin.

Kinailangang Mangutang ng Matandang Lalaki Dahil sa Pagkawala ng mga Ipinaayos na Sapatos sa Kaniya; Ito ang Kaniyang Bilin sa mga Taong Gumagawa ng Masama sa Kapwa
