
Kinailangang Mangutang ng Matandang Lalaki Dahil sa Pagkawala ng mga Ipinaayos na Sapatos sa Kaniya; Ito ang Kaniyang Bilin sa mga Taong Gumagawa ng Masama sa Kapwa
Kanina pa nag-iikot si Sanya sa loob ng palengke upang maghanap ng mananahi ng mga sapatos. Mas matibay kasi ang sapatos o kahit anong sandalyas, kapag natatahi ito.
Kaya bago pa man niya balak suotin ang nabiling sapatos ay nais niyang ipatahi muna ito. Kapag kapos ka sa buhay, mas gusto mo iyong hindi nasasayang ang pera mo sa mga binibili mong bagay.
Nakailang ikot rin siya nang makita niya sa isang sulok ang isang mamâ na abala sa pagtatahi ng mga sandalyas. Agad siyang napangiti at nilapitan ang mamâ.
“Sa wakas! Nahanap rin kita,” bulong niya sa sarili. “Hi po tatay,” masiglang bati ni Sanya sa matandang lalaki.
Agad namang ngumiti ang lalaki saka nagtanong. “May ipapagawa ka ‘neng?”
“Ipapatahi ko sana itong tatlong dala kong sapatos at step-in,” aniya saka inilabas sa bag ang mga ipapatahi. “Magkano kaya iyan?”
Sinuri muna ng matanda ang mga ibinigay niya saka prinesyuhan isa-isa. Agad naman siyang sumang-ayon sa ibinigay na presyo nito at sinabing hihintayin na lang itong matapos.
“Neng, maaari bang iwanan muna kita rito?” wika ni Tatay Juan. “Kanina pa kasi akong nagugutom, hindi ko lang maiwan-iwan ang pwesto ko. Baka kasi magaya na naman noong iniwan ko, nawala lahat ang mga naka-display, ayos lang sana kung akin ang mga sapatos at sandalyas na iyon, kaso mga ipinaayos lang rin iyon sa’kin. Ang nangyari tuloy ay imbes na ako ang bayaran nila, ako pa tuloy ang nagbayad sa kanila kasi nawala ko ang mga ipinaayos nila sa’kin,” kwento nito.
Agad namang nakaramdam ng pagkahabag si Sanya sa sinapit ng matandang lalaki. “Naku! Gano’n po ba, tatay? Sige po, dito na muna ako’t babantayan ko ang pwesto niyo.”
Ngumiti si Juan saka kinuha ang pitakang maliit. “Saglit lang naman ako ‘neng,” anito saka lumakad upang maghanap ng makakain.
Nang makabalik si Tatay Juan ay hinayaan muna niya itong kumain. Mag-aalas diyes na ng umaga’t wala pa rin pala itong kain. Nang matapos itong kumain ay nagsimula na itong tahiin ang kaniyang mga pinapatahi.
“Paano po pala tatay kung hindi ako dumating kanina? Baka hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo nakakain,” kausap ni Sanya kay Tatay Jose.
“Oo ‘neng, talagang baka hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ako sa gutom. Nadala kasi akong iwanan ang pwesto ko mula no’ng nangyari iyong nanakawan ako,” paliwanag nito. “May buena mano na ako kanina, kaso’y babalikan na lamang daw niya ang kaniyang pinatahi. Sa araw na ito’y ikaw pa alng ang kustomer kong tumambay rito, kaya hindi na ako nahiyang makiusap.”
“Magkano naman po ang nabayaran niyo doon sa mga nawalang sapatos at sandalyas, ‘tay?”
“Malaki-laki rin,” sagot nito.
Ayon sa kwento nito’y mga original na sapatos pa halos ang kinuha ng mga kawatan. Kaya walang nagawa si Tatay Juan, kung ‘di ang umutang ng 5-6 mabayaran lang ang mga nawalang sapatos. May mangilangilan na hindi na pinabayaran, pero iyong iba’y pinabayaran talaga.
“Naiintindihan ko naman iyong mga nagpabayad. Siyempre, obligasyon kong ingatan ang gamit na ipinagkatiwala sa’kin, tapos malalaman lang nilang naiwala ko.
May iba pa ngang ayaw maniwala sa’kin, iniisip nilang ibinenta ko ang gamit nila, tapos pinapalabas ko lang na ninakaw,” mapait na ngumiti si Tatay Juan. “Ilang dekada ko nang ginagawa ang trabahong ito, at ‘yon pa lang ang unang beses na nangyari iyon sa’kin.
Matanda na ako ‘neng para gumawa ng gano’ng kalokohan. Kaunting panahon na lang at magkikita na kami ni San Pedro, baka hindi niya na ako papasukin sa langit kasi’y matanda na nga ako’y sira ulo pa ako,” nakangiting biro nito.
Kahit si Sanya ay hindi naman naisip na gagawin iyon ni Tatay Juan. Anong mapapala niya para manloko pa? Pero grabi naman ang mga magnanakaw. Kahit matanda ay hindi na pinatawad, at saka kakapiranggot na nga lang ang kinikita ni Tatay Juan ay ginawan pa ito ng masama.
“Nahuli na ba ang mga gumawa no’n, ‘tay?”
Agad na ngumiti si Tatay Juan saka umismid. “Hindi ko na inalam ‘neng. Diyos na ang bahala sa kanilang maningil. Ipinagpasa-Diyos ko na lang ang ginawa nila sa’kin, ang pera ay makikita ko pa, pero iyong karmang maidudulot ko sa buhay nila’y habang buhay nilang dadalhin iyon.
Bago tayo gumawa ng masama sa kapwa natin, isipin nating maigi kung anong magiging epekto ni’yon sa kaluluwa natin. Baka gaya ng sinabi ko sa’yo kanina’y kapag nagkita kami ni San Pedro ay ‘di niya ako tanggapin, kapag nakita niyang masama akong nilalang.
Kumita lang ako ng kunti ay sapat na sa’kin, kami na lang naman ng asawa ko ang binubuhay ko, at hindi ko naman madadala ang kahit na anong yaman sa langit. Kaya ingatan natin ang sarili natin sa tinatawag nilang karma, dahil mas nakakatakot iyon kapag tumama sa’yo,” mahabang bilin ni Tatay Jose, na nagpatanto ng malaking bagay kay Sanya.
Marami pa silang napagkwentuhan ni Tatay Juan, lahat ay may kabuluhan at may mga bago rin siyang natutunan rito. Nakakatuwa lang isipin na sa kabila ng pagiging mahirap nito’y napakapositibong tao ni Tatay Juan, at ang mas nakakabilib ay ang pananalampataya nito sa ating Amang Diyos.
Lahat ng hirap at negatibong bagay ay mawawala kapag may matibay kang paniniwala sa ating Panginoong Diyos.