
Laking Gulat Niya nang Makitang Namamasada ang Binatang Inaanak na Alam Niyang Isang Magaling na Abogado; Paano Iyon Nangyari?
Pauwi na si Romel nang mapansin niya ang isang lalaking pamilyar sa kaniya. Pero imposibleng ito nga iyong kakilala niya, kaya muli niyang ipinikit at dinilat ang mga mata. Baka kasi namamalikmata lamang siya’y dala lang ng pagod sa buong maghapong trabaho.
Ngunit sa muling pagdilat ay nasa harapan niya pa rin ang tsuper ng isang pampasadang traysikel, hindi siya pwedeng magkamali, ito ang bunsong anak ni Belen na lalaki. Mabilis siyang naglakad upang batiin ito’t kumustahin.
“D-diego, ikaw ba iyan?” alanganin niyang kausap sa lalaki sinisigurong ito nga ang kaniyang kakilala.
Nang malingunan siya ng lalaki’y agad naman itong ngumiti saka nagmano sa kaniya. Ito nga ang anak ng kaniyang kumare’t kumpare. Ito nga si Diego.
“Ninong Romel, kayo po pala iyan,” anito.
“Anong ginagawa mo rito?” takang tanong niya.
Ayaw niyang isipin na namamasada nga ito ng traysikel. Napaka-imposible lang kasing isipin, ang alam niya kasi’y isang magaling na abogado si Diego at grumaduate na ito tatlong taon na ang nakakalipas. Sa makatuwid ay may permanente at maganda na itong trabaho. Hindi kaya’y sinibak ito o ano? Ang daming tanong na nag-uunahan sa kaniyang isipan.
Pero kung totoo mang nasibak si Diego ay hindi naman problema, dahil may kaya rin ang pamilya nito, dahil parehong propesyonal sina Belen at ang asawa nitong si Pareng Carlito. Puro propisyonal na rin ang mga kuya at ate nito, kaya kahit walang trabaho si Diego ay malabong maghirap ang bunso sa lahat.
“Namamasada po ninong,” nakangiting sagot ni Diego. “Pauwi na po ba kayo? Hatid na kita, ninong, kaso maghihintay po muna tayo ng tatlo niyo pang makakasama, para hindi lugi sa pila,” ani Diego na agad naman niyang sinang-ayunan.
“Bakit ka namamasada— ang ibig kong sabihin ay… hindi ba’t may trabaho ka na? May naging problema ba sa trabaho mo ‘nak?” nauutal-utal na tanong ni Romel.
Gumuhit sa labi ni Diego ang matamis na ngiti sabay kamot sa sentido. “Wala po ninong,” nakangiting sagot nito. “Nandoon pa rin naman ako sa pinagtatrabahuan ko’t wala pa naman akong nagiging problema roon,” dagdag pa nito.
“Mabuti naman,” aniya. Nakaramdam ng kaluwagan ang pakiramdam nang malamang abogado pa naman ang bunsong anak nina Belen at Carlito.
“Pandagdag pera lang po, ninong. Madalas kasi’y natetengga lang ako sa bahay t’wing gabi na, kaya naisip kong mamasada. Saka extra income na rin… pang-date,” pilyong wika ni Diego.
Agad namang natawa si Romel sa sinabi ng inaanak. Pilyo talaga ito, pero may punto naman ang sinasabi ni Diego.
“Saka po ay gusto kong maranasan ang mga ganitong trabaho. Mayaman po ang mga magulang ko, pero hindi pa po ako mayaman. Nagsusumikap pa rin ako sa buhay at kahit may magandang trabaho na’y nakaasa’t nakasandal pa rin ako sa mga magulang ko.
Hindi por que mataas ang pinag-aralan ko’y hindi na ako susubok sa ganitong klase ng trabaho. Sabi nga nina papa’t mama sa’min, lahat ng bagay ay nagsisimula sa maliit. Saka masaya ako sa pamamasada ko, ninong, marami kasi akong nakikilala’t nagiging kaibigan. Parang pampalipas oras ko na rin, bukod sa nagkakapera pa’y nakakagala pa ako,” paliwanag ni Diego sa kaniyang Ninong Romel.
Noon pa man ay humahanga na si Romel sa mag-asawang Belen at Carlito. Laking mahirap lang rin ang dalawa, yumaman dahil sa pagsisikap sa buhay. Lahat ng anak nina Belen at Carlito ay pinalaki ng mag-asawang maalam sa buhay at hindi pinalaking mga spoiled. Nakakabilib lang isipin na pinalaki nila ang mga anak sa tamang paraan.
Sabi nga ng karamihan, subukan mo muna ang maliliit na trabaho, bago a pumunta sa mataas. Para maintindihan mo ang nararanasan at nararamdaman ng mga taong nagtatrabaho sa gano’ng paraan.
Hindi por que may pinag-aralan ka’y mamaliitin mo na ang mababang uri ng trabaho. Lahat ng trabaho basta marangal lang ay dapat natin itong ipagmalaki, kahit katulong, tsuper, janitor o kahit ano pa man ay dapat ipagmalaki.
At mas lalong hindi por que graduate ka ng kolehiyo ay mamimili ka na ng trabaho. Dapat espesyal, kasi nakapagtapos ka.
“Tama ka hijo, at ipinagmamalaki kong inaanak kita,” buong pagmamalaking wika ni Romel. “Napalaki nga kayo ng mga magulang niyo nang tama,” tapik ni Romel sa balikat ni Diego. “Basta ang mahalaga’y wala tayong naaagrabyado’t naapakang ibang tao ay walang problema ang maging isang traysikel drayber, ‘nak.
Ngayon pa lang ay nakikita ko na ang iyong magandang kinabukasan, napakasuwerte ng mapapangasawa mo ‘nak, kasi isa kang masipag na lalaki. Ipagpatuloy mo lang iyan,” ani Romel.
“Salamat ‘nong,” ani Diego.
Basta marangal ang ginagawa mo’y wala kang dapat ikahiya sa ibang tao.

Nakakakita ng Maiiksing Liham sa Bulsa ng Pantalon ng Amo ang Kasambahay; Magugulat Siya sa Katotohanang Lalabas
