Inday TrendingInday Trending
Problemado ang Matandang Lalaki sa Kaniyang Asawa kaya Humanap Siya ng Aliw Mula sa Ibang Babae; Ikinagulat Niya nang Malaman ang Pagkatao ng Dalaga

Problemado ang Matandang Lalaki sa Kaniyang Asawa kaya Humanap Siya ng Aliw Mula sa Ibang Babae; Ikinagulat Niya nang Malaman ang Pagkatao ng Dalaga

“Hi Sir! Welcome po! Mag-isa lang po kayo? Baka gusto niyo ng kasama sa pag-inom ninyo? Young and fresh po ang mga girls namin dito,” pagsalubong ng babae sa isang matandang lalaki pagpasok sa isang Beerhouse.

“Hmmm… Sige,” sagot ng lalaki.

Tumingin sa paligid at namili ang matandang lalaki. Nakita niya ang isang dalaga na nagsasayaw sa gilid ng entablado.

“Siya ang gusto ko,” turo ng lalaki.

Agad na pinapunta sa lamesa niya ang dalaga na nagpakilala bilang si Jenny dala-dala ang kaniyang mga inorder na inumin. Ginampanan ng dalaga ang kaniyang trabaho. Tinabihan niya ito at pinagsilbihan hanggang sa nakipagkuwentuhan siya rito upang kuhanin ang loob ng lalaki at kumita ng mas malaki.

Nang mapansin ni Jenny na malungkot at may pinagdadaanan ang lalaki ay nag-asta siyang dinadamayan ito. Inalok niya at pinainom ng maraming alak ang lalaki. Bandang huli ay nakatulog na ito sa kalasingan kaya iniwan niya na ‘to at kinuha ang kinita niya sa gabing ‘yun.

“Ang galing mo talagang manlasing ng kustomer para maka-komisyon sa binenta mong alak. Ang laki na naman ng kita mo ngayon,” papuri ng Manager nila habang inaabot ang kinita ng dalaga.

Ngumiti lamang si Jenny habang tinatanggap ito. Agad niya itong itinabi bago tuluyang naghanda sa kaniyang pag-uwi.

Makalipas ang ilang gabi ay bumalik ang matandang lalaki sa Beerhouse. Muli niyang pinili si Jenny at sa pagkakataong ‘to ay nagpakilala na siya sa dalaga sa ngalang Javier. Ikinuwento niya rito ang kaniyang problema sa asawa habang nilalasing naman siya ni Jenny upang muling maka-komisyon sa dami ng alak na kaniyang pinapainom dito.

‘Di nagtagal ay naging madalas na rito si Javier at tuluyang naging parokyano ng kanilang Beerhouse. Si Jenny ang parati niyang pinipili sapagkat nakapalagayan niya na ito ng loob at napagsasabihan ng mga hinaing sa asawa.

Isang gabi noong labis ang kalungkutan ni Javier ay ninais niyang kalimutan ang problema sa asawa kaya naman inaya niya si Jenny sa ibang lugar. Dinala niya ito sa isang motel.

Pagdating nila doon ay agad na umorder ng maiinom si Jenny upang lasingin si Javier at hindi magawa ang binabalik nito sa kaniya ngunit hindi ganito ang nangyari. Mas naparami ang inom ni Jenny hanggang sa napagkuwentuhan nila ni Javier ang kaniyang buhay.

“Paano ka napasok sa ganitong trabaho? Alam ba ng mga magulang mo na ganito ang trabaho mo?” tanong ni Javier.

“Mga magulang? Wala ako nun. Hindi ako kinilala ng ama ko at iniwan niya lang kami ng nanay ko. ‘Yung nanay ko naman ipinamigay ako sa lola ko matapos akong ipanganak. Hindi niya raw kayang mag-alaga ng sanggol na magpapaalala lang nang panloloko sa kaniya ng lalaking minahal niya nang lubos,” saad ni Jenny bago ubusin ang iniinom na bote ng beer at muling nagbukas nang panibago.

“Si Lola ang pilit na nagpuno ng pagkukulang ng mga walang kwenta kong magulang. Kaya nung nagkasakit siya at nagpabalik-balik sa ospital ay kung anu-anong trabaho ang pinasok ko. Pilit kong tinugunan ang lahat ng mga pangangailangan niya gaya ng ginawa niya sa akin kahit na nagkabaon-baon na ako sa mga utang. Dahil sa naging sitwasyon namin kaya napasok ako sa trabahong ‘to,” pahayag pa ni Jenny.

Nang dahil sa naging seryosong usapan ay hinayaan lamang ni Javier na magpatuloy si Jenny sa kaniyang pagsasalaysay at paglalabas ng mga hinanakit sa buhay habang nag-iinuman. Nabanggit ng dalaga ang mapapait na dinanas niya sa trabaho at sa buhay. Nang bumigay na ang mahinang katawan ng kaniyang lola ay tuluyan na siyang naiwang mag-isa sa buhay.

“Walang araw na hindi ko inisip kung ano kaya ang naging buhay ko kung hindi ako pinabayaan ng mga magulang ko. Ano kayang naging buhay ko kung kinilala ko ng tatay ko na hindi ko man lang alam ang pangalan at kung hindi ako iniwan ni Gina Cruz na pabaya kong ina?” ang sabi ni Jenny habang nakapikit at bago makatulog sa sobrang kalasingan.

Biglang tumigil ang mundo ni Javier at napaisip buong magdamag.

Makalipas ang ilang araw ay inaya ni Javier si Jenny na lumabas. Sila ay nagkita sa lugar na kanilang pinag-usapan at inaya ni Javier ang dalaga na pumunta sa isang simbahan. Ipinagtaka ito ng dalaga pati ang mga kakaibang pakikitungo sa kaniya ni Javier ngunit hinayaan niya na lamang ito.

Nang matapos ang misa ay may pinakitang lumang litrato si Javier kay Jenny.

“Kilala mo ba ‘tong nasa litrato?” tanong ni Javier.

Nanlaki ang mga mata ni Jenny nang mamukhaan ito.

“Bakit ka may picture ng babaeng ‘yan? Bakit ka may picture ni Gina Cruz?” tanong ni Jenny.

Biglang naiyak si Javier at nagpakilala bilang ama ni Jenny. Pilit siyang humingi ng kapatawaran sa anak. Batid niya na siya ang naging ugat nang pagkasira ng buhay nito nung hindi niya ito kinilala bilang anak noon.

Nagulat si Jenny nang marinig ito. Hindi siya makapaniwalang nagtagpo pa sila ng landas ng kaniyang ama at muntik nang may mangyari sa kanila. Biglang nabuhay ang galit sa puso ni Jenny. Kahit anong paghingi ng tawad ng ama habang umiiyak ay para bang wala siyang nararamdaman na kahit ano para rito. Kahit katiting na awa ay wala rin.

“Alam mo naman na kung ano’ng nangyari sa buhay ko, ‘di ba? Ano, magiging ama na ulit kita at mabubuhay tayo na para bang walang nangyari? Tingin mo dahil nag sorry ka ay papatawarin na kita? Hindi! Hinding-hindi kita mapapatawad buong buhay ko!” galit na galit na pagkakasabi ni Jenny bago iwan si Javier.

Mula noon ay hindi na muling nagkrus ang landas ng mag-ama sapagkat agad na umalis si Jenny sa Beerhouse ilang araw matapos niyang bayaran ang mga natitira niyang pinagkakautangan. Siya ay lumipat ng lugar na tinitirhan at nagsimula ng bagong buhay habang si Javier ay labis na nagsisi sapagkat hindi na siya muling nakabawi sa anak. Napagtanto niya na hindi parating may pangalawang pagkakataon sa buhay. May mga bagay na hindi na mababalikan pa para ayusin ang mga nasira sa nakaraan.

Advertisement