Inday TrendingInday Trending
Nakipagkita at Sumama ang Misis na Ito sa Kaniyang Dating Nobyo sa Isang Araw na Bakasyon Nito; Manumbalik Kaya ang Kanilang Damdamin Nila sa Isa’t Isa?

Nakipagkita at Sumama ang Misis na Ito sa Kaniyang Dating Nobyo sa Isang Araw na Bakasyon Nito; Manumbalik Kaya ang Kanilang Damdamin Nila sa Isa’t Isa?

Sweet na sweet sina Rodel at Nancy sa kanilang mga larawan.

Matapos ang halos maghapong pamamasyal sa iba’t ibang atraksyon sa Baguio gaya Burnham Park, Camp John Hay, at marami pang iba, pinili nina Rodel at Nancy na huling puntahan ang Mines View Park kung saan matatanaw ang napakagandang tanawin sa pagsapit ng gabi. Dapithapon na ng mga sandaling iyon kaya’t napakaromantiko ng paligid.

Minabuti nilang magkuwentuhan at magbalik-tanaw habang kumakain ng inihaw na mais.

“Naalala mo ba noong una tayong magkakilala? Akala mo suplado ako. Galit na galit ka pa nga sa akin eh. Ako naman, arteng-arte sa iyo. Naalala mo? Maliliit pa tayo noon. First year high school pa tayo…” saad ni Rodel kay Nancy.

“Oo naman! Sino ba naman ang makakalimot? Tandang-tanda ko noon, ayaw talaga natin sa isa’t isa. Pero tingnan mo naman ngayon, magkasama tayo…” tugon naman ni Nancy.

Katahimikan. Ninamnam nila ang samyo ng malamig na hangin sa kani-kanilang mga balat. Malayong-malayo sa malagkit at mainit na hangin sa lungsod. Nakapagpapakalma ng kaluluwa ang malamig na hangin ng Baguio City.

“Naging matagumpay ba ang pagsasama natin ngayon, Rodel?” tanong ni Nancy.

Sumulyap sa kaniya si Rodel.

“Alam mo, laging tinuturo sa akin ng Nanay ko noon na lagi nating pahalagahan ang mga bagay na mahalaga sa buhay natin. Kailangang gawin natin ang lahat para manatili sila. Kung kinakailangang ipaglaban, ipaglaban. Kagaya ng alaga kong kuneho na si Bunny noon. Muntik na siyang lingkisin ng sawa, na hindi namin malaman kung saan sumulpot. Mabuti na lamang nakita ko kaagad at napigilan.”

Nakikinig lamang si Nancy sa kuwento ni Rodel.

“Kaya ginawa ko ang lahat para lang maisalba ang alaga kong kuneho mula sa sawa na iyon. Nagtagumpay naman ako, kahit na unang beses kong makap@slang ng mapanganib na hayop. Takot na takot ang Nanay ko nang mga sandaling iyon. Akala niya kasi mapapahamak din ako. Ganyan ko kamahal ang mga bagay at taong nasa buhay ko na. Handa akong lumaban.”

“Pero bakit hindi mo ako inilaban noon?” tanong ni Nancy kay Rodel.

Hindi napaghandaan ni Rodel ang mga sinabi ni Nancy.

“Alam mo naman, hindi ba? Alam mo naman ang dahilan…”

Pagak na tumawa si Nancy.

“Ang tagal na rin nating naging magkakilala. Kabisado na nga natin ang mga hilig at interes ng isa’t isa. Alam mo ‘yun. Kahit na magkalayo tayo nang mahabang panahon, tipong wala ka nang maipagkakaila sa akin. Pero bakit nga ba hindi tayo nagkatuluyan? Baka nga hindi tayo para sa isa’t isa. Baka nga para ka talaga sa Kaniya,” sagot ni Nancy.

Matamis na ngumiti naman si Rodel kay Nancy. Tumango-tango, nagbabadya ng pagsang-ayon. Ginagap niya ang mga kamay ni Nancy.

“Nancy… masaya ako na kapiling kita ngayon. Mapalad ka dahil nagkaroon ka ng asawang maunawain. Alam niyang makakasama mo ako ngayon, na dati mong karelasyon, at tayong dalawa lang… pero pinayagan ka pa rin niyang sumama sa akin dito, para tulungan akong suriin ang sarili ko, bago ko yakapin ang pagpapari. Maraming salamat, Nancy,” pasasalamat ni Rodel kay Nancy.

Ilang buwan na lamang at malapit nang maordinahan si Rodel bilang isang pari. Pinayagan silang lumabas upang muling suriin ang kanilang mga sarili kung nais ba talaga nilang pasukin ang pagiging alagad ng simbahan. Isa sa mga hamon sa kanila ay sumama sa isang taong naging bahagi ng kanilang buhay.

Si Nancy ang napili ni Rodel dahil siya ang kauna-unahan at kahuli-hulihang babaeng minahal niya, ngunit dahil sa mas mahal ni Rodel ang tawag ng simbahan, isinantabi niya ito. Bata pa lamang, pinangarap na ni Rodel na maging isang pari. Kaya nang kinailangan niyang mamili sa pagitan ng relasyon niya kay Nancy at sa kaniyang pagpasok sa seminaryo, ang huli ang pinili niya.

“Wala naman iyan kay Oscar. Kilala ka naman niya. Hindi ba nga, siya pa nga ang number 1 fan natin noong naging tayo? Ok lang ‘yan sa kaniya. Alam naman niyang kailangan mo ring pagdaanan ito,” nakangiting sabi naman ni Nancy. Si Oscar ay kaklase nila noong sila ay nasa hayskul.

Pagkaraan ng tagpong iyon ay nagsibalik na sina Rodel at Nancy sa kani-kanilang mga tunay na buhay. Masayang niyakap at sinalubong ni Oscar ang kaniyang misis, gayundin ang kanilang mga anak. Hinagkan ni Nancy ang kaniyang mister sa mga labi. Mahal na mahal niya si Oscar. Si Rodel ay naging bahagi ng kaniyang nakaraan, at hindi niya pinagsisisihang nakilala niya ito.

Si Rodel naman ay bumalik na sa seminaryo. Buo na sa sarili niya na nais niyang pakasalan ang paglilingkod sa simbahan bilang isang ganap na pari.

Sa wakas, naharap niya ang pinakamalaking hamon na tila pumipigil sa kaniyang pagiging pari.

Ito ay ang closure. Maayos na closure sa naging relasyon nila ni Nancy, na masaya na ngayon sa kaniyang sariling pamilya. At masaya rin siya para sa kaniya.

Advertisement