Tila Ibang Tao Kung Ituring ng Mag-asawa ang Dalawang Matanda; Napahiya Sila sa Hiling ng Kanilang Pitong Taong Gulang na Anak
“Yaya, dalhin mo nga kay Nanay at Tatay ang pagkain nila,” utos ni Carmina sa kanilang kasambahay.
Agad niyang narinig ang pag-uusisa ng pitong taong gulang na anak na si Emman.
“Mama, hindi po ba sasabay sa atin sina Lolo at Lola?” namimilog ang matang tanong nito.
“Ah, hindi na pwedeng sumabay sila sa atin, anak,” simpleng tugon niya rito.
“Bakit po, Mama? Marami naman pong bakanteng upuan at espasyo sa mesa?” muli ay makulit na usisa nito.
Napabuntong hininga si Carmina sa kakulitan ng anak.
“Kasi anak, matanda na sila Lolo at Lola mo. Baka magkalat lang sila dito sa mesa kung sasabay sila sa atin. Isa pa, baka mabasag pa nila ang mga mamahalin nating plato at baso,” sa wakas ay paliwanag niya upang magtigil na ang anak sa kakatanong.
Tila hindi ito nakuntento sa kaniyang sagot subalit hindi naman ito kumibo.
Maya maya ay tila hindi ito nakapagpigil kaya muli itong nagtanong.
“Kaya po ba sa maliit na kubo sa labas lang natutulog sila Lolo, kahit po marami tayong bakanteng kwarto rito sa bahay?”
Sa pagkakataon iyon ay sumabat na ang kaniyang asawa sa usapan.
“Oo, anak. Kapag kasi matanda na, marami nang nagiging limitasyon. Hirap na rin sila sa paglilinis ng sarili nila. Ayaw naman natin na marumihan at maging mabaho ang bahay natin, kaya nagpagawa ako ng matutuluyan nila,” buong pagpapasensiyang paliwanag nito sa anak.
Nagliwanag ang mata ng paslit bago tumango tango. Napailing na lamang si Carmina. Masyado talagang mausisa at matalino ang kaniyang anak.
Isang buwan na rin ang nakalipas simula noong magdesisyon silang mag-asawa na ihiwalay na ang dalawang matanda, na kaniyang ama at ina, sa kanilang tirahan.
Mukhang ayos lang naman iyon sa dalawa lalo pa’t matatanda na talaga ang mga ito at ulyanin na. Isang beses sa isang linggo kung palinisan nila ang maliit na kubo na nagsisilbing tahanan ng mga ito.
Kinabukasan ay nagtaka si Carmina nang lumapit sa kaniya ang anak.
“Mama, pwede rin po ako magpagawa ng bahay na kagaya ng bahay nila Lola?” kuryosong usisa nito.
“Bakit, Emman, anak? Hindi ka ba masaya sa kwarto mo?” kunot noong balik tanong niya sa bata.
“Hindi naman po. Gusto ko lang ng isa pang maliit na bahay,” simpleng tugon nito na tila may malalim na iniisip.
Nagugulumihanan man ay pinagbigyan niya ang kapritso ng nag-iisang anak lalo pa’t minsan lamang itong umungot sa kanilang mag-asawa.
Agad siyang naghanap ng mga taong maaaring gumawa ng maliit na kubo na ipinagagawa ng anak. Sa kabutihang palad ay may nakontrata kaagad sila kaya naman agad na nasimulan ang pagbuo ng maliit na bahay.
Kitang kita niya ang pagkasabik ng anak na mabuo ang isa pang kubo sa labas ng kanilang bahay. Halos araw-araw nitong pinanonood ang ginagawa ng mga karpintero.
Tuwang tuwa naman ang mga manggagawa sa kanilang anak dahil likas itong matalino at bibo.
Makalipas ang mahigit kumulang dalawang linggo ay natapos rin ang pinagawa nilang maliit na kubo.
Nais nilang surpresahin ang anak kaya naman pinuno nila iyon ng mga bagong laruan na alam nilang magugustuhan nito.
Subalit ang inaasahan nilang tuwa ay hindi nila nakita sa mukha nito nang ipakita nila rito ang kubo.
“Mama, bakit niyo po nilagyan ng mga laruan?” kunot-noong tanong nito.
“Bakit, anak? Ayaw mo ba?” nag-aalangang tanong ng asawa niya sa bata.
“Eh hindi naman po para sa akin ang bahay na ito, eh. Para sa inyo po ito ni Papa!” tila dismayadong tugon ng bata.
“Ano? Bakit naman kami titira ng Papa mo sa maliit na kubo?” naguguluhang tanong ni Carmina sa anak. Hindi niya kasi maunawaan ang nais nitong mangyari.
“‘Pag tumanda na po kayo ni Papa, kagaya ni Lolo at Lola, may sarili na rin po kayong bahay! ‘Pag matanda na po kayo, hindi na po kayo pwede sa malaking bahay, ‘di po ba?” inosenteng tanong nito.
Tigagal na nagkatinginan sila mag-asawa. Iyon pala ang dahilan kaya nagpagawa ito ng isa pang kubo! Hindi para sa sarili nito kundi para sa kanilang mag-asawa!
Nagtatampong inusisa niya ang anak.
“Bakit naman dito mo kami papatirahin, anak? Hindi mo na ba kami mahal ng Papa mo?”
“Mahal ko po kayo dahil kayo ang Mama at Papa ko. Sila Lolo at Lola po, hindi niyo po ba mahal? Bakit po sa maliit na bahay lang sila nakatira?” Malalim ang kunot sa noo ng bata. Tila pilit na iniintindi ang sitwasyon.Muli ay nagkatinginan silang mag-asawa. Pareho silang napahiya sa tinuran ng anak.
“Anak, kapag mahal mo, hindi mo ilalayo sa’yo. Kaya ngayon din, ibabalik natin ang Lolo at Lola mo sa bahay natin, ayos ba ‘yun sa’yo?” malumanay na paliwanag niya.
Nagliwanag ang mata ng bata.
“Talaga po? Kasabay na ulit natin sa pagkain sina Lolo at Lola?” sabik na tanong nito.
Nakangiting tumango ang mag-asawa. Nagsisisigaw naman na tinungo ng bata ang Lolo at Lola nito marahil upang ihatid sa dalawa ang magandang balita.
Napapailing na lamang na minasdan ni Carmina ang papalayong anak. Ang anak pa talaga niya ang nagturo sa kaniya ng isang mahalagang leksyon. ‘Wag mong gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa’yo.