Galit ang Dalaga sa Diyos Dahil Wala Raw Ito Noong Naghihirap Sila ng Kaniyang Ina; May Pag-asa pa nga ba na Magbalik-loob Siya?
Kabado si Riza. Kasalukuyan kasing kinakausap ng doktor ang kaniyang ina.
Hindi na kasi nito makaya ang madalas na pagsakit ng tiyan nito kaya naman laking pasasalamat niya nang sa wakas ay mapilit niya ang ina na magpatingin sa doktor.
Halos mapapitlag siya nang bumukas ang pintuan ng opisina ng doktor. Dumoble ang kabang nararamdaman niya nang mabanaag niya ang seryosong mukha ng doktor.
“Riza, pumasok ka. Sasabihin ko na sa inyo ang nalaman ko mula sa mga pagsusuring ginawa namin sa nanay mo,” yaya nito bago nilakihan ang bukas ng pinto.
Halos manginig ang tuhod niya sa kaba.
Hindi naman nagpatumpik-tumpik pa ang doktor.
“Misis, ikinalulungkot ko hong sabihin na may malubha kayong karamdaman. Ang dahilan ho ng matinding sakit sa tiyan na madalas niyong maranasan ay sakit sa atay,” direktang wika nito.
Nakakaunawang tumango tango ang kaniyang ina habang tila tumigil naman ang pag-inog ng mundo ni Riza. Saglit siyang natulala bago bumuhos ang masaganang luha mula sa kaniyang mga mata.
Naramdaman niya ang pagdantay ng palad ng kaniyang ina sa kaniyang nanginginig na kamay.
“Dok, sakit sa atay? Sigurado h-ho ba kayo?” garalgal na tanong niya nang mahanap niya ang sariling tinig.
“Oo, hija.”
“Ano ho ang gamot doon? Gaano ho ba kalala ang sakit ng nanay ko?” sunod-sunod na tanong ng dalaga.
“May mga ginagawa tayo para maibsan ang sakit na nararamdaman ng nanay mo, subalit hanggang doon na lang iyon. Sa kasamaang palad, walang gamot o operasyon ang makapagpapagaling sa nanay mo.”
Sa pangalawang pagkakataon ay tila may bomba na sumabog sa harapan ng dalaga. Ibig bang sabihin noon ay bilang na ang mga oras na makakasama niya ang kaniyang ina?
“D-dok, gaano ho katagal ang mayroon ako?” malumanay na tanong ng kaniyang ina sa maliit nitong tinig.
“Pinakamatagal na ho ang tatlong buwan,” matapat na tugon nito.
Tila tinarakan ng punyal sa dibdib si Riza. Hindi niya matatanggap ang sinabi ng doktor.
Kaya naman sinubukan nilang humingi ng opinyon mula sa ibang doktor ngunit parehong payo lang din ang nakuha nila mula sa mga ito.
“Anak, kung umiyak ka naman araw-araw, parang ikaw ang mawawala at hindi ako,” isang araw ay buska ng kaniyang ina.
Imbes na matawa ay lalo lamang napaluha si Riza. Sinisisi niya ang sarili dahil pakiramdam niya ay napabayaan niya ang sarili niyang ina. Ang kaisa-isang nagpalaki at nagtaguyod sa kaniya.
“Anak, ‘wag ka nang umiyak. Masaya naman akong lilisan sa mundo dahil alam ko nang magiging maayos ang buhay mo dito,” masuyong wika ng kaniyang ina.
Tuluyan nang napahagulhol si Riza.
“‘Nay, hindi ho tayo susuko. Maghahanap ho ako ng magpapagaling sa’yo,” pangako niya sa ina.
Umiling ito. “Hindi, anak. Ipagpasa-Diyos na lamang natin ang lahat.”
Hindi maiwasan ni Riza ang magalit.
Matigas siyang umiling. Hindi lingid sa kaalaman nito na hindi siya naniniwala sa Diyos. Dahil nasaan ba ang Diyos noong mga mga panahong naghihirap silang mag-ina? Noong mga panahong halos wala silang makain at hirap na hirap sila?
At ngayong kaya na niyang ibalik ang lahat ng sakripisyo ng ina ay bigla na lang itong kukunin sa kaniya? Anong klaseng Diyos Ito? Bakit hindi Nito hayaan na maging masaya sila ng ina?
“Hindi ho, ‘Nay. Hindi tayo kayang tulungan ng Diyos. Hihingi ako ng tulong sa ibang doktor, o albularyo, o kung sinuman na kaya kang gamutin,” matigas ang ulong pilit niya.
Hanggang sa isang buwan na ang lumipas at bigo pa rin si Riza. Unti-unti nang nauubos ang pag-asa niya lalo pa’t alam niyang bilang na rin ang araw ng kaniyang ina.
Dumagdag pa na halos madurog ang kaniyang puso sa tuwang maririnig niya ang impit na paghikbi ng kaniyang ina sa tuwing sinusumpong ito ng sakit.
Isang buwan pa ang lumipas at tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa. Mahinang mahina na rin ang kaniyang ina.
Masakit man sa kalooban niya ay mukhang kailangan na niyang tanggapin ang masakit na katotohanan. Bilang na talaga ang mga sandali na makakasama niya ang ina.
Isang gabi, papasok sana siya sa kwarto ng kaniyang ina nang marinig niya ang mahina nitong tinig.
“Diyos ko, kapag nawala na ako, sana ay huwag Niyong pabayaan ang anak ko. Sana ay makita niya ang liwanag at masumpungan niya ang liwanag na dala Niyo.”
Muling tumulo ang luha ni Riza. Siya lang talaga ang iniisip ng ina kahit pa mawawala na ito sa mundo.
Kaya naman nang gabing iyon ay ginawa niya ang isang bagay na ni minsan ay hindi niya inisip na gagawin niya. Ang magdasal.
“Diyos ko, naglulumuhod ho ako sa Inyo upang makiusap na pagalingin Ninyo ang aking ina. At kung hindi Niyo man po kalooban na gumaling ang nanay ko, sana ho ay bawasan Niyo ang sakit na nararamdaman niya,” lumuluhang dasal niya.
Matapos niyang magdasal ay tila may hindi maipaliwanag na kapayapaan ang lumukob sa kaniyang dibdib.
Pakiramdam niya ay handa na siyang magpaalam sa kaniyang ina.
Subalit ilang araw ang lumipas ay tila isang himala ang nangyari. Sinabi ng kaniyang ina na unti unti nang nababawasan ang pananakit ng tiyan nito.
Hindi na rin daw ito nanghihina kagaya ng dati.
Ang tatlong buwan na taning ng doktor ay nadoble at umabot ng anim na buwan!
Nang bumisita sila sa doktor ay hindi rin nito maipaliwanag ang nangyari.
Hindi na raw malubha ang sakit ng kaniyang ina, at napakalaki na ng tiyansa nito na tuluyang gumaling! Anim na buwan na gamutan ang lumipas at tuluyan nang bumalik ang lakas at sigla ng kaniyang ina. Tuluyan na itong gumaling mula sa sakit nito.
Walang araw na hindi nagpasalamat si Riza sa Diyos sa panibagong tiyansa na ibinigay Nito upang muli niyang makasama ang pinakamamahal na ina.
Tunay na ang pinakamabisang gamot ay panalangin.