Inday TrendingInday Trending
Dismayado ang Dalagita Dahil sa Trabaho ng Kaniyang Ama; Napaiyak Siya nang Makita Ito sa Trabaho

Dismayado ang Dalagita Dahil sa Trabaho ng Kaniyang Ama; Napaiyak Siya nang Makita Ito sa Trabaho

“Sabay-sabay na tayong kumain, para naman magkasya ang pagkain at lahat tayo ay makakain.” Narinig niya ang malumanay na boses ng kanyang ina mula sa kusina.

Sabay nilang magkapatid na iniwan ang kani-kanilang mga ginagawa bago dumulog sa hapag.

Pinigil ni Mikaela na madismaya nang makita ang payak na hapunan na inihanda ng kaniyang ina. Pritong isda.

Tinuruan kasi sila na magpasalamat anuman ang ihain sa kanila.

Pero minsan ay hindi pa rin maiwasan ni Mikaela na mag-isip at madismaya sa buhay na mayroon sila.

Bakit ba hindi sila kagaya ng iba na masagana ang pamumuhay?

Mas lalo pang dumagdag sa kaniyang pagkadismaya ang pagod na tinig ng kanilang padre de pamilya na si Reming. Kadarating lang nito mula sa trabaho.

“Nandito na ‘ko.”

Dumiretso ito sa lababo upang maghugas ng kamay bago ito dumalo sa hapag.

Kita niya ang pagod sa mga mata nito ngunit may nakahanda itong masiglang ngiti para sa kanila.

Agad itong ipinagsandok ng kanilang ina ng makakain upang makapagpahinga na ito kaagad.

Tahimik ang lahat habang kumakain. Maya-maya ay nagsalita ang kaniyang nakababatang kapatid na si Jeremy.

“‘Tay, may project po kami. Kailangan ko po ng isandaan bukas,” basag nito sa katahimikan.

Isang malalim na buntong hininga ang narinig niya mula sa ama bago ito sumagot.

“Sige, anak. Ibibigay ko sa’yo bago tayo matulog,” tugon nito bago pinukol ng isang makahulugang tingin ang kaniyang ina.

Alam na niya ang ibig sabihin nun. Gipit na gipit na naman sila.

Napailing na lamang si Mikaela. Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay ganito ang buhay nila.

Hindi maalis ang simangot sa kaniyang mukha habang mabilis niyang tinatapos ang pagkain.

Kasalukuyang siyang gumagawa ng takdang aralin nang marinig niya ang tinig ng ama. Nang lingunin niya ito ay may hawak itong isang tasa ng mainit na kape kagaya ng nakasanayan nito.

“Anak, kumusta ka na? Parang ang tahimik mo kanina nung kumakain tayo, eh. May problema ba?” nakangiting tanong nito.

Marahan siyang umiling. Ayaw niya na sanang pag-usapan pa ang mga iniisip niya dahil baka magkaroon lang silang mag-ama ng hindi pagkakaunawaan.

“Sige na, anak. May problema ka ba? Sabihin mo sa akin para naman masubukan kong gawan ng paraan,” muli ay udyok nito.

Napabuntong hininga si Mikaela.

“Papa, ang hirap hirap po ng buhay natin. Bakit po kasi karpintero ka lang?”

Kita niya sa mukha nito ang gulat ngunit isang ngiti ang isinukli nito sa kaniya kapagkuwan.

“Ito lang ang nakayanan ng mga magulang ko, anak, eh. Pasensiya ka na sa tatay, ha?” nakangiting sagot nito. Ngunit bakas din sa mga mata nito ang lungkot.

“Bakit kasi hindi ho kayo naging doktor, o arkitekto kagaya ng ibang tatay? Para naman ho hindi tayo nahihirapan sa buhay,” naghihinanakit na muling usisa niya sa ama.

“Hayaan mo, anak. Pasasaan ba’t makakaraos din tayo,” pangako nito.

“Tapusin mo na ang ginagawa mo para makapagpahinga ka na. Maaga pa ang pasok mo sa eskwela bukas,” dagdag pa nito bago tinapik ang balikat niya at iniwan na siyang mag-isa sa kanilang maliit na sala.

Lukot pa rin ang mukha ni Mikaela. May pangarap naman siya na maiangat ang pamilya niya sa kahirapan. Ngunit gaano katagal pa ang hihintayin niya? Ni hindi pa nga siya nakakatapos ng hayskul.

Kinabukasan ay maaga siyang nagising. Ayaw na ayaw niya kasi na nale-late sa eskwela.

“Alis na po ako,” matamlay na paalam niya sa mga magulang.

Mabilis na natapos ang araw na iyon. Naglalakad pauwi si Mikaela nang makita niya ang ama. Tatawagin niya sana ito subalit may kausap pala ito na isang mukhang kagalang-galang na lalaki.

“Mang Reming, ayusin mo naman ang trabaho! Ang bagal bagal mo, eh!” matigas na bulalas nito sa kaniyang ama na yukong yuko.

“Ayoko na ng serbisyo mo. Papalitan na kita kapag may nahanap akong karpintero,” pagdedesisyon nito.

Nakita niya ang takot sa mata ng kaniyang ama.

Nagulat siya nang walang pag-aalinlangan itong lumuhod sa harapan ng lalaki. Tila hindi nito alintana ang nanghahamak na tingin ng mga dumaraan.

“Sir! Maawa naman ho kayo! Ako lang ang inaasahan ng pamilya ko. Kawawa naman ho ang dalawang anak ko! Saan ho ako kukuha ng pantustos sa kanila?”

Tuluyan nang nabasag ang puso ni Mikaela nang makita ang pagluha ng ama. Tahimik siyang napaluha.

Nabigla naman ang lalaki. Tila naantig ang puso.

“Tumayo ka na riyan, bibigyan kita ng isa pang pagkakataon. Pagbutihin mo!” babala nito bago tinalikuran ang kaniyang tatay.

Matagal nang nakaalis ang lalaki subalit paulit-ulit pa rin ang kaniyang ama sa pagsigaw ng “Salamat, Sir!”

Pinunasan niya ang luha bago siya umiba ng daan pauwi. Ayaw niyang malaman ng ama na nakita niya ang pagmamakaawa nito para sa kanilang pamilya.

Tila may pumiga sa puso ni Mikaela nang maalala niya ang mga sinabi niya sa ama noong nakaraang gabi.

Nakapalaki pala ng sakripisyo nito para sa kanila. Matindi pala ang pinagdaraanan nito, may maihain lang sa kanilang hapag.

Nang sumapit ang alas sais ay inasahan niya ang pagdating ng kaniyang ama subalit bigo siya. Alas diyes na nang umuwi ito, bakas ang pagod sa mga mata.

“Tatay, ipaghahain na po ba kita?” masiglang bungad niya sa ama.

Isang ngiti ang isinukli nito.

“Sige nga, anak. Maraming salamat.”

Sinamahan niya ito sa pagkain at pinakinggan niya ang mga kwento nito.

Bago siya matulog ay isang mahigpit na yakap ang ipinagkaloob niya sa ama.

“Tatay, maraming maraming salamat po sa lahat ng sakripisyo mo para sa amin. Mali po ako. Hindi po kayo karpintero lang. Maswerte ako na isang masipag na karpintero ang tatay ko,” wika niya.

“Walang anuman, anak. Wala akong hindi gagawin para sa aking pinakamamahal na pamilya.”

Napaluha na lamang si Mikaela. Napakaswerte niya sa kaniyang ama. Ngayon, pursigido siyang lalong pagbutihin ang pag-aaral upang balang araw ay masuklian niya ang lahat ng sakripisyo ng kaniyang ama para sa kanila.

Advertisement