Tinamad sa Pagtatrabaho ang Binata, Nadismaya Siya nang Naunahan pa Siyang Mataasan ng Baguhang Empleyado
“Hoy, Gerald! Bakit ikaw ang naghihiwa-hiwalay ng mga basura riyan? Hindi mo naman ‘yan trabaho, eh! Hindi ba’t ngayong buong linggo, sa kusina ka nakatoka?” pang-uusisa ni Mateo sa kaniyang katrabaho, isang hapon nang makita niya itong kinakamay ang mga basurang nakatambak sa likod ng restawrang kanilang pinagtatrababuhan.
“Ah, eh, oo nga. Kaso kasi, walang naghihiwalay ng mga basura rito sa likod, eh. Wala rin naman kasi akong ginagawa sa kusina, tapos ko na lahat gayatin ang mga gulay na nakaatas sa akin. Kaya imbis na tumambay ako roon at makipagkwentuhan sa mga kusinero, napagdesisyunan kong ayusin na lang ang mga nakatambak na basura rito,” nakangiti nitong paliwanag habang patuloy pa rin sa pag-aayos ng mga basura.
“Naku, mukhang pinapabango mo ang pangalan mo kay sir, ha?” nakangisi niyang wika rito dahilan upang mapatawa ito.
“Sino bang ayaw bumango ang pangalan sa kaniyang boss, hindi ba? Baka mamaya, taasan pa ang sahod at posisyon ko!” biro nito na ikinailing niya.
“Asa ka! Ilang taon na ako rito, hanggang ngayon, regular na empleyado pa rin ako! Kahit ilang santo ang tawagin mo, hindi magbubunga ang dasal mo!” sigaw niya rito.
“Malay mo naman, hindi ba?” tugon nito na tuluyan niyang ikinahalakhak.
“O, sige, umasa ka sa wala!” bulyaw niya rito saka tuluyan nang itinuloy ang balak niyang paninigarilyo sa lugar na iyon.
Maglilimang taon ng empleyado sa isang sikat na restawran sa Cavite ang binatang si Mateo. Simula nang makapagtapos siya ng hayskul, agad na siyang nagtrabaho rito upang makatulong na sa kaniyang mga magulang. At simula noong araw na siya’y nagtrabaho rito mapahanggang sa ngayon, isa pa rin siyang regular na empleyadong linggo-linggo’y kung saan-saan parteng ng restawrang tinotoka.
Minsan niyang sinubukang magsipag sa restawrang ito. Kahit hindi niya trabaho, kaniyang ginagawa para lang mapansin siya ng kanilang manager. Dinodoble niya pa ang sipag sa tuwing dadalaw ang may-ari ng naturang restawran sa pagbabakasaling siya’y bigyan nito ng gantimpala.
Ngunit kahit anong gawin niya, hindi napapansin ng mga ito ang kaniyang kasipagan dahilan para tigilan niya ang pagsisipag sa restawrang iyon at gawin lamang ang mga trabahong nakaatas sa kaniya. Kung minsan pa, kahit trabaho niya, kapag siya’y nakaramdam ng katamaran, inuutos niya pa ito sa mga baguhang empleyado.
Kaya naman, ganoon na lang niya kung pagtawanan ang baguhang empleyadong si Gerald na pati mga basura’y inaasikaso. Sa isip-isip niya, kahit anong gawin nito, hindi naman magbubunga ang kasipagan nito.
Noong araw na ‘yon, natapos na’t lahat-lahat sa pag-aayos ng basura ang katrabaho niyang iyon, siya’y nandoon pa rin sa likod ng kanilang restawran. Tapos man na siyang manigarilyo, siya’y tumambay muna roon upang gumamit ng selpon at makisagap ng internet.
Maya-maya pa, narinig niyang naghihiyawan ang kaniyang mga katrabaho sa kusina dahilan upang silipin niya ang mga ito.
Nang makita niyang nandoon ang may-ari ng restawran pati ang kanilang manager kasama ang lahat ng empleyado, agad niyang sinilid sa bulsa ang kaniyang selpon at nakiusisa sa pagpupulong na iyon.
“Nandito ako ngayon upang ipagbigay alam sa inyo na aalis na ako sa restawrang ito. Ngunit kahit pa ganoon, nakapili na rin kami ni boss kung sino ang pupwedeng pumalit sa akin na tunay na maaasahan,” sambit ng kanilang manager nang minsang kumalma ang lahat dahilan upang mapaisip siya.
“Malakas ang pakiramdam ko na ako ang napili nila. Ako na lang kaya ang pinakamatagal na empleyado rito,” wika niya sa sarili.
“Gerald, ikaw nang bahala sa kanila, ha? Baguhan ka man, kitang-kita namin ang sipag at dedikasyon mo sa trabaho kahit maliit lang ang sahod mo,” dagdag pa nito na ikinagulat nilang lahat, “Mag-iisang buwan na namin kayong binabantayan ni boss gamit ang mga kamerang nakatago rito sa restawran at doon namin nakitang si Gerald ang walang arte sa lahat ng trabaho rito,” wika pa nito dahilan upang mapapalatak siya’t mapailing.
“Sayang ka, Mateo, ikaw na sana ang nakikita naming pupwedeng pumalit, eh, kaso bigla kang nagpabaya sa trabaho,” sabi sa kaniya ng may-ari nang makita siyang dismayado, “Sana’y maging aral ito sa inyong lahat. Nakikita namin ang lahat ng ginagawa niyo,” sambit pa nito na labis niyang ikinahiya.
Pumalya man siyang maabot ang pangarap na posisyon sa tatlong taong pagtatrabaho niya, hindi ito ang naging dahilan para sumuko siya sa trabaho. Bagkus, simula noong araw na ‘yon, binalik niya ang dating sigla sa pagtatrabaho kaya naman tumaas na rin kahit papaano ang kaniyang sinasahod. Alam niyang balang araw, makakamit din niya ang minimithing posisyon basta’t walang humpay ang pagiging masipag at tapat niyang empleyado.