Inday TrendingInday Trending
Aksayado sa Tubig, Kuryente, at Pera ang Dalagang Ito, Siya’y Natuto nang Minsang Maabutan ng Sakit ng Tiyan sa Daan

Aksayado sa Tubig, Kuryente, at Pera ang Dalagang Ito, Siya’y Natuto nang Minsang Maabutan ng Sakit ng Tiyan sa Daan

“Hoy, Kakay, ipunin mo ang tubig na pinanglaba mo, ha? Ilagay mo sa isang timba para ‘yan ang ipangbuhos natin sa inidoro. Saka, isara mo ang gripo kapag nag-aanlaw ka na para hindi tuloy-tuloy ang daloy ng tubig!” utos ni Maria sa kaniyang anak, isang umaga nang makita niya itong nag-uumapaw sa tubig kung maglaba ng mga damit.

“Diyos ko naman, mama! Sumobra naman yata ang pagtitipid mo! Pati maruming tubig, gusto mo na rin ngayong ipunin! May gripo naman tayo sa banyo, roon ka na lang mag-igib nang pangbuhos sa inidoro, mama!” sagot ni Kakay sa kaniyang ina habang patuloy na naglalaba na para bang naglalaba sa ilog sa pagragasa ng tubig mula sa gripo.

“Ay naku, Kakay! Sumunod ka na lang sa akin! Sayang kasi ang tubig kung itatapon mo lang d’yan! Edi gamitin na lang nating pangbuhos, hindi ba? Makatitipid pa tayo sa bill natin sa tubig,” paliwanag nito sa kaniya saka agad na isinara ang gripong gamit niya.

“Magkano lang ba ang maidadagdag ng isang timbang pangbuhos sa inidoro, mama?” galit niyang sambit saka bahagyang inirapan ang ina dahilan upang pitikin siya nito sa noo.

“Ewan ko ba sa iyong bata ka! Porque kasi sagana ka sa tubig, sobra kang mag-aksaya!” bulyaw nito sa kaniya saka siya nilayasan.

Gastador sa lahat ng bagay ang dalagang si Kakay. Ilang beses man siyang pagsabihan at sermunan ng ina, imbis na sumunod, siya’y sumasagot at nangangatwiran pa.

Sa katunayan, may ugali pa siyang bubuksan lahat ng ilaw sa kanilang bahay tuwing gabi, bubuksan ang kanilang telebisyon upang tumambay sa harapan nito at mag-seselpon, may pagkakataon pang hindi niya kakainin at itatapon ang in-order na pagkain na labis na ikinagagalit ng kaniyang ina. Araw-araw tuloy ang pag-alingawngaw ng bunganga nito na naririnig sa kanilang buong bahay.

Bukod pa rito, ang pinakakinaiisan sa kaniya nito ay ang pagwaldas niya maigi sa kanilang tubig. Kung ang tipikal na paglalaba ay gumagamit ng batya at ito’y pupunuin ng tubig bago mag-anlaw ng damit, siya’y naglalaba habang bukas ang gripo’t hahayaang mag-umapaw ang batyang gamit.

May mga araw pang kapag siya’y naghuhugas ng plato, naliligo, nagsisipilyo o kung hindi nama’y naghihilamos tuwing umaga, kaniyang nakalilimutang isara ang kanilang gripo na dahilan ng labis na pagtaas ng kanilang bayarin sa tubig. Kahit na siya’y pagsabihan, wala siyang pakialam dahil katwiran niya’y siya naman ang nagbabayad ng mga ito gamit ang sarili niyang pera.

Kinabukasan noong araw na ‘yon, maaga niyang inimis ang kaniyang mga sinampay upang maihanda na ang kaniyang mga gamit sa pupuntahang bakasyunan kasama ang kaniyang ina’t ilang mga kaanak.

Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na nga silang sinundo ng kaniyang tiyuhin. Habang nasa biyahe, wala silang ginawa ng kaniyang mga pinsan kung hindi ang magkwentuhan, magtawanan at magkantahan hanggang sa hindi na nila namalayang malayo na pala sila sa bayan at gabi na.

Habang pinagmamasdan nila ang sandamakmak na punong nakapaligid sa daang kanilang tinatahak, bigla na lang tumirik ang kanilang sasakyan dahilan upang lahat sila’y bumaba. Sakto naman siya’y nakaramdam nang pagkulo ng tiyan kaya naisipan niyang magpasama sa kaniyang ina upang makisuyo sa ilang mga kabahayang malapit doon.

“Hindi ba nakakahiya, anak? Napakalakas mo sa tubig, eh!” wika nito.

“Magbabayad na lang ako, mama, kailangan ko lang talagang ilabas ito,” sagot niya saka agad na kinausap ang matandang nakaupo sa tapat ng isang lumang kubo.

“Naku, hija, pasensiya ka na. Mayroon kaming palikuran pero wala kaming tubig at kuryente rito,” tugon nito na labis niyang ikinagulat, “Umaakyat pa kami roon sa bundok kung saan maraming bakasyunan para mag-igib ng tubig. May bayad pa ‘yon, bente pesos kada timba,” daing nito dahilan upang siya’y maawa rito, “Kung gusto mo na talagang mailabas ‘yan, pupwede ka naman doon sa damuhan. Teka, bibigyan kita ng pagharang,” alok nito.

At dahil nga wala na siyang ibang pagpipilian, siya’y napilitang doon maglabas ng dumi nang hindi gumagamit ng tubig. Doon niya napagtantong napakaswerte pala talaga ng buhay sa bayan. Ang kuryente, tubig at perang sinasayang niya, ay ang mga bagay na limitadong natatanggap ng mga tao sa lugar na ito.

Simula noon, natutunan niyang pag-ingatan at tipirin ang mga bagay na ito. Hindi na siya aksayado sa tubig, kuryente, at pagkain. Wika niya, “Hindi porque may prebelehiyo kaming ganito, dapat ko nang aksayahin.”

Advertisement