Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Dalagang Ito sa Regalong Cake ng Ina, Naiyak Siya sa Kwento ng Isang Batang Tiga-Probinsya

Nagalit ang Dalagang Ito sa Regalong Cake ng Ina, Naiyak Siya sa Kwento ng Isang Batang Tiga-Probinsya

“Mommy, anong regalo mo sa akin? Nakalimutan mo yatang kaarawan ko ngayon, eh!” paglalambing ni Windy sa kaniyang ina, isang tanghali nang makita niya itong nagluluto ng spaghetti sa kanilang kusina.

“Diyos ko, Windy, makakalimutan ko ba ang araw kung kailan ko isinalang ang nag-iisa kong anak? Siyempre, hindi! Ano ka ba naman?” patawa-tawang sambit nito saka siya bahagyang tinapik sa noo.

“Eh, bakit wala ka pang regalong ibinibigay sa akin ngayon? Si daddy binigyan ako ng kwintas na ginto, si lola binigyan ako ng mamahaling bag at si lolo, binigyan ako ng sampung libong piso! Tapos ikaw, wala pa,” nguso niya habang kunwaring nagtatampo.

“Anong wala pa, anak? Ayan, o, ako ang bumili ng tatlong patong mong cake! Alam mo bang usong-uso ngayon ‘yan? Sobrang sarap pa ‘yan dahil ang kumare ko ang gumawa niyan!” tugon nito saka tinuro sa kaniya ang isang kaagaw-agaw pansin na cake sa kanilang lamesa.

“Aanuhin ko naman ‘yan, mommy? Ang dami-dami ko nang cake ngayon! Bakit hindi mo man lang ako binilhan ng regalong magagamit ko talaga?” galit niyang bulyaw.

“Aba, hindi ka na nga nagpasalamat, nagreklamo ka pa! Ganiyan ba ang itinuro ko sa’yo?” inis na tanong ng kaniyang ina lalo niyang ikinasumbakol.

“Ewan! Ang sabihin mo, kahit kailan, hindi mo naisip na pasiyahin ako!” sigaw niya saka agad na nagkulong sa kaniyang silid.

Unica hija ng isang mayamang pamilya ang dalagang si Windy. Ito ang dahilan upang kahit anong hilingin niya sa mga ito, bahay man o sasakyan, agad niyang nakukuha.

Sa katunayan, kahit siya’y dalawangpu’t limang taong gulang na, nasa puder pa rin siya ng kaniyang mga magulang. Walang trabaho at umaasa pa rin sa pera ng mga ito. Kahit siya’y tapos naman sa pag-aaral, hindi niya makita ang dahilan kung bakit kailangan niya pang magbanat ng buto at mag-alala sa buhay kung limpak-limpak naman ang pera ng kaniyang mga magulang.

Ni singko’y wala siyang inaambag sa kanilang pamilya, todo hingi pa siya sa mga ito lalo na sa mga espesyal na araw katulad ng kaniyang kaarawan.

Nais niyang tuwing kaarawan niya, sandamakmak na mamahaling regalo ang kaniyang matanggap upang maibida niya sa kaniyang social media account.

Kaya naman, ganoon na lang ang pagkadismayang naramdaman niya nang isang simpleng cake lamang ang regalo ng kaniyang ina para sa kaniyang kaarawan na malayo-malayo sa kaniyang ekspektasyon.

Buong araw ng kaniyang kaarawan, siya’y nagkulong lamang sa kaniyang silid. Kahit pa siya’y pinalalabas na ng kaniyang mga magulang at ilan niyang mga kaibigang dumalo, hindi pa rin siya lumabas upang maiparamdam sa ina ang inis na nararamdaman.

Nagkaroon lang siya nang ganang lumabas nang abutan siya ng kaniyang ama ng panibagong sampung libong piso. Pinapasama siya nito sa gala ng kaniyang mga pinsan sa Palawan.

“Sige na, anak, para naman matuwa ka sa kaarawan mo. Magsabi ka lang kung kulang pa ‘yan, ha?” wika nito na labis niyang ikinasaya dahilan upang agad siyang mag-ayos at magpasundo sa kaniyang mga pinsan.

Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na siyang nakarating ng Palawan kasama ang kaniyang mga pinsan. Buong puso niyang ninamnam ang ganda ng paligid doon upang kalimutan ang inis na nararamdaman para sa ina.

Kuha ng litrato rito, post sa social media roon ang kaniya lamang ginagawa.

Habang kinukuhanan niya ng litrato ang linaw ng tubig doon, napansin niyang may kausap na mga bata ang kaniyang isang pinsan dahilan upang sawayin niya ito.

“Hoy, Liseth, baka mamaya manakawan ka niyan nila, ha?” sabi niya na ikinatawa nito.

“Mababait sila, Windy! Halika, ipakilala kita!” sambit nito na agad niyang tinanggihan.

Kahit na tumanggi siya sa alok ng mga ito, pinagmasdan niya pa rin ang mga batang iyon upang kung nakawan man ang kaniyang mga pinsan, mahuhuli niya kaagad.

Maya-maya, nakita niyang dumating ang isa niya pang pinsan, may bitbit-bitbit itong plastik ng pagkain at isang maliit na cake saka iniabot sa mga batang iyon na agad na nagsitalunan sa tuwa.

Narinig niya pang kumakanta ng “Happy birthday” ang kaniyang mga pinsan dahilan upang ganoon na lang siya lumapit para makiusisa.

Doon niya nalamang kaarawan pala ng isa sa mga batang iyon ngayon at kahit isang butil ng kanin, wala pa itong nakakain simula kahapon.

“Hindi ko po lubos akalaing ngayong araw, makatatanggap ako ng kauna-unahang cake sa labing limang taon kong nabubuhay dito,” iyak nito dahilan upang ganoon na lang siya bahagyang makaramdam ng awa.

Napagtanto niyang ang bagay na ayaw niyang tanggapin ay ang bagay na pinapangarap ng isang batang salat sa buhay na labis niyang ikinaiyak.

Nayakap niya ang batang iyon dahil doon at nangako siya ritong pag-aaralin niya ito.

Dahil sa pangako niyang iyon, pagkauwing-pagkauwi niya galing Palawan, agad siyang naghanap ng trabaho, humingi ng tawad sa ina, at nag-umpisang mag-ipon ng sariling pera.

Hindi man siya nadalian, masaya siyang sa wakas, magkakasilbi na ang kaniyang buhay.

Advertisement