
Palaging Nag-oovertime sa Trabaho ang Dalagang Ito upang Tumaas ang Posisyon, Nanghina Siya sa Nangyari Isang Gabi
“Mamaya ka pa ba uuwi, Coleen?” tanong ni Pina sa kaniyang katrabaho, isang hapon bago siya lumabas ng kanilang opisina at makita niya itong nakasubsob pa rin sa kaharap na kompyuter.
“Oo, eh, kailangan ko pang tapusin ‘tong mga dokumentong naiwan ng mga baguhang empleyado,” kamot-ulong sagot ni Coleen saka tiningnan ang sandamakmak na dokumentong nasa harapan niya.
“Iyang daming ‘yan? Ikaw lang mag-isa ang tatapos? Diyos ko, sobra ka naman kung magpakabayani sa kumpanyang ito! Ilang araw ka na ring gabing umuuwi dahil sa mga ‘yan!” sambit ng kaniyang katrabaho habang inuusisa ang mga dokumento.
“Wala naman akong ibang pagpipilian kung hindi tapusin ang mga ito, Pina. Baka maudlot pa ang pagtaas ng posisyon ko kapag may palpak na nagawa ang mga hawak kong empleyado. Sakripisyo na lang talaga siguro ang kailangan kong gawin para tumaas na rin ang sahod ko katulad mo,” nakangiting wika niya saka bahagyang napabuntong hininga.
“Sa bagay, may punto ka riyan, basta, mag-ingat ka rito, ha? Kahit anong oras, kung magkaroon ka ng problema rito, tawagan mo lang ako,” alok nito na labis niyang ikinatuwa.
“Salamat, Pina, maaasahan ka talaga!” sabi niya saka niya ito tinapik sa braso.
“Walang anuman, basta mag-ingat ka! O, paano, mauuna na ako sa’yo, ha? Kailangan ko pang paghandaan ng hapunan ang mga chikiting ko!” paalam nito saka tuluyan nang lumabas ng kanilang opisina.
“Ingat ka rin!” pahabol niyang sigaw saka muli nang bumalik sa pagtatrabaho.
Ang dalagang si Coleen na lang ang siyang nagtataguyod sa kanilang pamilya simula nang mawala ang kaniyang ama dahil sa isang sunog sa pinagtatrababuhan nitong pabrika, tatlong taon na ang nakalilipas. Simula noon, siya na ang kumilos upang mapakain at matugunan lahat ng pangangailangan ng kaniyang dalawang mga kapatid at inang may malubhang karamdaman sa baga.
Sa hirap ng kanilang buhay, kinakailangan niyang magdoble kayod para lang makabili ng mamahaling gamot ng kaniyang ina at mapabaha ang buhay nito. Ito ang dahilan upang halos sa pinagtatrababuhan na niyang kumpanya siya mamalagi bente kwatro oras para lamang tumaas ang kaniyang sinasahod.
Napansin ng kaniyang manager ang kasipagang pinapakita niya para sa pinagtatrababuhang kumpanya dahilan upang sabihan siya nitong, “Kapag pinagpatuloy mo ang ganitong klaseng trabaho, ipapakiusap ko na gawin ka ring manager,” dahilan para lalo siyang sumubsob sa trabaho.
Alam niya kasing halos doble ang sahod ng mga manager kumpara sa mga regular na empleyadong katulad niya. Kaya naman, simula noon, kahit mga naiiwang dokumento ng mga baguhang empleyado, kaniyang ginagawa kahit abutin siya ng madaling araw at wala nang tao sa kanilang opisina.
Inabot na nga siya ng gabi noong araw na ‘yon sa kakagawa ng mga hindi tapos na dokumento. Maya-maya, bahagya siyang nakaramdam ng gutom dahilan upang siya’y magpasiyang kumuha ng pagkain sa refrigerator ng kanilang kumpanya.
Ngunit hindi pa man siya nakalalayo sa kaniyang lamesa, nakita niyang may isang lalaking nakatingin sa kaniya sa kabilang opisina dahilan upang siya’y bahagyang kabahan.
“Ano pong kailangan niyo?” takot niyang tanong.
“Si Sir Mark ‘to, Coleen, marami rin akong kailangang tapusin, eh,” napanatag siya nang marinig na ito pala ang isa sa mga manager ng pinagtatrababuhang kumpanya, “Mukhang gustong-gusto mo talaga ma-promote, ha? Gusto mo bang mapadali ang pagtaas ng posisyon mo?” tanong nito habang unti-unting naglalakad patungo sa kinatatayuan niya.
“Ah, eh, ano pong ibig niyong sabihin?” kinakabahan niyang tanong.
“Ibigay mo lang sa akin ang gabing ito, bukas manager ka na,” diretsahang sambit nito saka agad na nagtanggal ng suot na polo na labis niyang ikinatakot.
Agad siyang tumakbo palabas saka tinawagan ang kaibigang si Pina. Alam niyang hinahabol siya nito dahilan upang ganoon na lang siya manginig sa takot.
Sa kabutihang palad naman, agad na sumagot ang kaniyang kaibigan at agad na nagpadala ng sasaklolo sa kaniya na mga katrabaho nilang nasa tapat lang ang inuupagang dormitoryo.
Nasaksihan ng mga ito ang takot na takot niyang mukha pati na ang naturang manager na wala nang saplot pang-itaas. Tinakot man sila nitong mawawalan sila lahat ng trabaho, nagsumbong pa rin sila sa mga pulis at agad itong pinaanyayahan sa pulisya.
Doon na nga nakumpirmang ang manager na ito ay nasa epekto pa ng ipinagbabawal ng gamot at nakuhanan pa ng mga pakete sa bulsa nito dahilan upang ito’y agad na arestuhin.
Nag-aalok man ito ng malaking halaga sa kanilang upang huwag ituloy ang kaso, buo ang loob niyang mapanagutan nito ang nakakatraumang nangyari sa kaniya.
Napagtanto niyang minsan, kahit malinis ang kagustuhan mong maabot ang pangarap mo, may lilitaw talagang pagsubok na makakapagpahina sa’yo na kailangan mong labanan.
Laking pasasalamat niya rin sa mga katrabahong mas pinili ang tulungan siya kaysa sa perang inaalok nito. Simula noon, hindi na siya ulit nagpaiwan sa trabaho. Nais man niyang mapabilis ang pag-angat ng kaniyang posisyon, kailangan niya na ngayong magdoble-ingat para lalong matulungan ang kaniyang pamilya na siya na lang ang tanging pag-asa.