
Sapilitang Pinagkalas ng Ama ang Binatang Ito sa Nobya, Nanlambot ang Binata nang Malaman ang Dahilan Nito
“Papa, ano bang dahilan bakit gusto mong hiwalayan ko si Grace, ha? Hindi ba’t gustong-gusto mo siya para sa akin? Parang noong isang buwan lang, ginigiit mo ako na pakasalanan na siya. Lagi pa tayong magkasamang kumain tatlo sa labas tuwing araw ng Linggo! Sabihin mo na sa akin ang dahilan, papa, mababaliw na ako!” iyak ni Jovin sa kaniyang ama nang bigla nitong hilinging hiwalayan ang kaniyang matagal na karelasyon.
“Basta, para sa iyo rin ito, Jovin,” tipid na sagot nito sa kaniya habang umiinom ng kape sa harap ng kanilang bahay.
“Hindi ko kayang mabuhay ng wala siya, papa! Sa loob ng limang taon, siya ang araw-araw kong kausap at kasama, siya na rin ang parang tumayo kong ina na nagagalit sa akin kapag hindi ako nakakakain sa oras!” sambit niya sa pagitan ng bawat paghikbi.
“Makakaya mo ‘yan, anak. Malaki ang tiwala ko sa’yo. Kung hindi mo siya hihiwalayan, huwag mo na akong ituring na ama, putulin na natin ang relasyon nating dalawa,” panakot nito sa kaniya dahilan upang guluhin niya ang kaniyang buhok at mapailing-iling.
“Alam mong hindi ko rin kayang mawala ka, papa,” sambit niya.
“Kaya nga siya ang hiwalayan mo!” utos nito sa kaniya dahilan upang padabog siyang pumasok sa kanilang bahay at magwala sa kaniyang silid.
Hindi lubos maisip ng binatang si Jovin ang dahilan ng kaniyang ama kung bakit siya nito sapilitang hinihiwalay sa limang taon niyang nobya.
Alam niyang kasundo ito ng kaniyang ama. Nakakasabay kumain, mag-inom, mag-ehersisyo at gumala kung saan-saan dahilan upang kahit anong isip niya, hindi niya malaman ang dahilan nito.
Lingid man sa kagustuhan niya ang utos na ito ng kaniyang ama dahil sobra niyang mahal ang dalagang iyon, wala siyang nagawa kung hindi ang sundin ito. Wika niya, “Sino bang anak ang mas pipiliin ang nobya kaysa sa kaniyang ama?” iyak niya saka agad nang kinausap ang kaniyang nobya upang sabihing siya’y makikipaghiwalay na.
Ayaw pumayag ng kaniyang nobya sa desisyon niyang ito. Nagtatanong ito ng kongretong dahilan kung bakit nais niyang makipaghiwalay ngunit dahil nga hindi niya talaga alam ang dahilan, sinabi niya na lang na, “Hindi na kita mahal,” para lamang tumigil na ito sa pangungulit.
Nang sabihin niya nga ito, agad na itong pumayag sa kagustuhan niya at tuluyan na siyang hindi kinausap na labis na dumurog sa kaniyang puso.
Sa paglipas ng araw ng wala sa piling niya ang dalagang ito, para ba siyang pinupukpok ng martilyo sa puso dahilan upang mapaumaga man o gabi, siya’y umiyak sa sariling silid.
Nakikita at nararamdaman man niya kung gaano rin nalulungkot ang kaniyang ama sa pagkawala ng kaniyang nobyang nagbigay kulay sa kanilang bahay, hindi niya pa rin ito magawang makausap katulad ng dati.
Kahit anong pilit nito na sila’y magsabay sa pagkain katulad dati, palagi niya itong tinatanggihan.
Pagkalipas ng ilang buwan, nagising na lang siyang nasa tabi na niya ang kaniyang ama. Pinapanuod siya nitong matulog habang hawak-hawak ang kaniyang kamay.
“Bakit ka nandito?” tanong niya.
“Nalulungkot lang ako, anak, nandito ka lang naman sa kwarto mo pero pakiramdam ko napakalayo mo,” sagot nito saka bumuntong-hininga.
“Bakit mo ba kasi ako pinilit na makipaghiwalay kay Grace? Tapos ngayon, sasabihin mong nalulungkot ka,” inis niyang tanong dito.
Umayos ito ng upo saka muling hinawakan ang kamay niya.
“Hindi ba nasasabi sa’yo ni Grace na gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot?” tanong nito na labis niyang ikinagulat, “Ang pamilya nila ang utak ng pinagbabawal na gamot dito sa lugar natin. Nalaman ko lang iyon nang minsan kong makakwentuhan ang ninong mo sa parke. Matagal na palang minamanmanan ng mga pulis ang bahay natin dahil sa pagpunta niya rito. Kaya, pinili kong maging malungkot ka na lang kaysa maisama ka niya sa hukay,” dagdag pa nito na ikinatulala niya.
“Ibig sabihin, ‘yong mga pulis na araw-araw rumoronda rito sa lugar natin, tayo ang binabantayan?” pang-uusisa niya pa.
“Oo, anak, nabalitaan ko pa ngayon na nakakulong na si Grace at nawalan ng buhay ang kaniyang mga magulang dahil nanlaban silang mag-anak,” kwento pa nito na ikinaiyak niya. Labis siyang nagpasalamat sa desisyong ginawa ng kaniyang ama na talaga nga namang nagligtas sa kanilang dalawa sa tiyak na kapahamakan.
Minabuti niyang dalawin sa kulungan ang dating nobya. Nakatungo lang ito habang labis na humihingi ng tawad sa kaniya.
“Mabuti na lang nakinig ka sa papa mo, kung hindi baka pati kayo nandito sa kulungan kasama ko o baka nga, wala na rin kayong buhay katulad ng mga magulang ko,” sambit nito dahilan upang siya’y mapabuntong hininga. Wala man ngayong dalagang nagpapasaya sa buhay niya, laking pasasamalat niya’t buhay pa sila ng kaniyang ama. Sigurado rin naman siyang balang araw ay makikilala na niya ang babaeng tunay na nakatadhana para sa kaniya.