Inday TrendingInday Trending
Ipinakilala ng Lalaki ang Kaniyang Nobya sa Kaniyang Anak na Babae; Matanggap Kaya Siya Nito Bilang Madrasta?

Ipinakilala ng Lalaki ang Kaniyang Nobya sa Kaniyang Anak na Babae; Matanggap Kaya Siya Nito Bilang Madrasta?

Nakilala ni Amy ang kaniyang nobyong si Fred sa mga panahong hindi niya akalaing may magmamahal sa kaniya. Akala niya kasi hindi siya maganda: hindi 36-24-36 ang vital statistics niya, hindi mahaba ang buhok niya, at hindi ganoon kakinis ang kutis niya sa mukha.

Minahal siya ni Fred sa kabila ng kaniyang mga imperfections. She is perfectly imperfect, sabi nga ni Fred.

Kaya nang malaman at umamin sa kaniya si Fred sa tunay na kalagayan nito, nilawakan ni Amy ang pang-unawa niya, kung paano siya inunawa ni Fred. Hiwalay sa kaniyang ka-live-in partner (na may iba na rin), at may anak sila. Isang anim na taong gulang na batang babae. Kay Fred naninirahan ang bata.

“Tanggap mo ba ang sitwasyon ko? Na may anak ako? May bagahe ako…” minsan ay tanong ni Fred kay Amy. Hinawakan ni Amy ang mga kamay ng nobyo.

“Dalawa ang kamay ko, handa akong tulungan ka sa pagbitbit ng mga bagahe mo…”

At nagyakap silang dalawa. Siniil ng masuyong halik ni Fred ang nobya.

“Ipakikilala kita sa kaniya sa takdang panahon…”

“Bakit? Hindi ba niya alam ang tungkol sa ating dalawa?”

Natahimik si Fred. May 10 segundo bago sumagot. “Alam mo naman ang mga bata. Akala nila fairy tale ang love story ng mga Mommy at Daddy nila. Umaasa pa rin siyang magkakabalikan kami ng Mommy niya. Don’t worry. Ipakikilala kita sa kaniya. Darating tayo sa oras na ‘yan. Ikokondisyon ko lang yung bata.”

At dumating na nga ang oras ng pagkikita at pagpapakilala ni Fred sa kaniyang anak na si Joy-joy sa nobya. Handang-handa naman si Amy. Bumili siya ng chocolate cake na paborito raw ni Joy-joy. Gusto niyang magpasakit sa bata. Sanay naman siya sa mga bata dahil siya ang nag-aalaga sa kaniyang mga pamangkin.

“Joy-joy, honey… I’d like you to meet Tita Amy. She is my girlfriend,” pagpapakilala ni Fred. Agad namang ngumiti si Amy sa cute na anak ni Fred. Ngunit tinitigan lamang siya nito. Hindi kumibo. Nagkatinginan na lamang sina Fred at Amy.

Habang sila ay kumakain ng tanghalian, kapansin-pansin ang pananahimik ni Joy-joy.

“Masama ba ang pakiramdam ng honey ko? What’s wrong?” usisa ni Fred sa anak. Tamilmil lamang itong kumakain ng fried chicken.

Iling ang itinugon nito sa kaniya.

“J-Joy-joy, you want some choco cake? Sabi kasi ni Daddy mo, favorite mo raw ang chocolate cake…” pagtatangka naman ni Amy. Nais niyang kunin ang loob ng bata hindi dahil sa kailangan niyang ipakita kay Fred na tanggap niya ang anak nito, ang lahat ng tungkol sa kaniya. Magaan kaagad ang loob niya sa bata, at kung magiging madrasta siya nito, buong puso niya itong ituturing na parang tunay na anak.

Mariing umiling si Joy-joy.

“No. I wan’t Mommy’s baked chocolate cake. I want Mommy back!” pagkatapos ay umalis ng mesa si Joy-joy. Umiiyak. Nagtungo ito sa kaniyang yaya.

Hinawakan at pinigilan ni Fred ang kanang kamay ni Amy.

“That’s okay. Naiintindihan ko naman ang bata. Malaking adjustment ito, Fred. I understand,” nakangiting sabi ni Amy kay Fred. Naiintindihan naman niya ang damdamin ng bata, na umaasam pa rin itong magkakabalikan ang mga magulang nito.

“Kakausapin ko si Joy-joy. Kaya natin ito,” nakangiti namang pagtitiyak ni Fred.

Subalit iyon na ang huling pagkikita nina Amy at Joy-joy. Gayundin sila ni Fred. Lagi raw may sakit si Joy-joy. Dumating sa punto na kailangan pang ipakausap si Joy-joy sa isang child psychologist dahil sa talagang nakaapekto sa kalusugan nito ang paghihiwalay ng kaniyang Mommy at Daddy.

Isang araw, nagkita sina Fred at Amy. Masinsinang usapan. Bago pa man magsimulang magsalita ni Fred, naiyak na ito.

“Amy, alam mong mahal na mahal kita. Gusto kong magpasalamat sa iyo, kasi kahit nalaman mong hiwalay ako sa live-in partner ko at may anak na kami, tinanggap mo pa rin ako. I saw the effort na unawain ang sitwasyon ko. Kaya lang, hindi talaga makakatulong sa kalusugan ni Joy-joy ang relasyon natin. Ayaw niyang pumayag talaga na magkaroon ako ng ibang karelasyon. My daughter needs me. Mahal na mahal ko ang bata…”

Napalunok si Amy. Mukhang may kailangan niyang tibayan ang kaniyang dibdib.

“The child psychologist’s advised was to not give Joy-joy any kind of stress. Nakausap ko na rin ang Mommy niya about that. Amy, mahal kita… pero baka hindi pa tayo para sa isa’t isa sa ngayon. Aayusin ko muna ang anak ko. Sana maunawaan mo…”

Masakit man sa kalooban ni Amy ang katotohanang sumambulat sa kaniyang mukha, wala siyang magagawa. Bata ang katunggali niya rito, at hindi lamang basta bata, kundi anak. Nagparaya si Amy. Nagpaubaya. Ayaw niyang masira ang buhay ng isang walang kamuwang-muwang na bata dahil lamang sa kaniyang pansariling interes.

Hindi naging madali para kay Amy ang pagmo-move on. Mahal na mahal niya kasi si Fred.

Isang araw, humingi siya ng payo sa kaniyang Tatay. Matagal na kasing hiwalay ang kaniyang Tatay sa kaniyang Nanay. Bagama’t single naman ngayon ang kaniyang Tatay na matanda na rin naman, nagkaroon din ito ng karelasyon noon.

“Papa, paano kung sinabi ko sa iyo noong bata ako na hiwalayan mo si Tita Digna dahil ayaw ko sa kaniya, gagawin mo ba?” tanong niya sa kaniyang ama. Si Digna ang naging karelasyon nito noon.

Agad na sumagot ang kaniyang ama.

“Oo naman. Ikaw ang pipiliin ko.”

Simpleng mga pahayag mula sa kaniyang tatay. Sapat na dahilan upang lumaya sa kalungkutan ang kaniyang puso. Sapat na dahilan upang maisip niyang tama ang kaniyang desisyong ipaubaya at pakawalan si Fred para sa anak nito.

Magiging masaya ba siya kung alam niyang hindi naman siya gusto ng kaniyang magiging step daughter? Wala siyang kalaban-laban sa tunay nitong ina. O sa hangaring masolo ang atensyon ng ama.

Magiging lubos ba ang kaniyang kaligayahan kung magkakaroon sila ng anak ni Fred, at iisipin ng bata na hindi na siya papansinin?

Kinabukasan, wala na ang bigat sa kalooban ni Amy. Oras na para siya ay makalimot at muling umusad. Tama ang kaniyang desisyon. Sa ngayon, ito ang tama at dapat gawin. Tanging panahon lamang ang makapagsasabi kung muli silang magtatagpo ni Fred, sa sandaling wala nang komplikasyon.

Advertisement