Inday TrendingInday Trending
Nagbago ang Ugali ng Nobyong OFW Nang Umuwi Ito sa Pilipinas; Matitiis Kaya Ito ng Kaniyang Nobya?

Nagbago ang Ugali ng Nobyong OFW Nang Umuwi Ito sa Pilipinas; Matitiis Kaya Ito ng Kaniyang Nobya?

Tunay ngang malalaman mo lamang ang tunay na ugali ng isang tao kapag nakasama mo siya sa iisang bubong. Gaya na lamang nina Antonio at Melinda, tatlong taon nang nagsasama, wala pang anak.

Malaki ang utang na loob ni Melinda kay Antonio, dahil tinulungan siya nito sa pagpapagamot sa kaniyang lolang may karamdaman, na sumakabilang-buhay na rin dahil sa katandaan. Hindi na nito kinaya ang gamutan. Dahil mag-isa na lamang, pumayag si Melinda sa alok ni Antonio na magsama na sila.

Kung tutuusin, mabait at responsable naman si Antonio. Sa ikaanim na buwan ng kanilang pagsasama noon, ipinasya nitong mangibang-bansa upang magtrabaho bilang OFW. Pumayag naman si Melinda, dahil ang alam niya, matagal na itong plano ng nobyo, bago pa lamang sila magkakilala.

Sa isang taong pagtatrabaho sa ibang bansa, wala namang humpay ang pagpapadala ni Antonio ng pera. Si Melinda rin ang inatasan niyang simulan na ang pagpapatayo ng bahay sa binili nitong lote. Lahat naman ng resibo na katibayan ng mga gastusin ay ipinadadala niya sa Messenger.

Ngunit napansin ni Melinda ang malaking pagbabago sa ugali nito nang umuwi na ito sa Pilipinas. Maliit na problema sa bahay ay agad na nakatitikim ng mura si Melinda. Literal na magasgasan lamang ang pader ng bahay na naipatayo nila ay galit na galit na ito.

“Ang tamad-tamad mong babae ka! Wala ka na ngang ginagawa, ni hindi mo malinis nang maayos ang bahay ko,” asik sa kaniya ni Antonio.

“P-Pasensya ka na, kasi naman, marami tayong labahan kaya kailangan ko pang tapusin ito…”

Hindi na natapos ni Melinda ang pagpapaliwanag. Bumalandra sa mukha niya ang unan sa sala na inihagis sa kaniya ni Antonio.

“Dami mong satsat na babae ka! Hoy, ikaw lang nakikitira sa bahay ko ha. Wala kang karapatang pagsalitaan ako nang ganyan. Umayos ka!”

Hindi maintindihan ni Melinda kung bakit bigla na lamang nagbago ng pakikitungo sa kaniya ang nobyo. habang tumatagal ang kanilang pagsasama, tila ba nagiging toxic na ito. Pinararatangan siya ng kung-ano-ano. Kesyo may ibang lalaki raw siya. Kesyo hindi raw niya ginastos nang tama ang lahat ng budget na ipinadala niya sa pagpapatayo ng bahay na ito.

“Malaman-laman ko lang kung sino ang lalaki mo, humanda ka talaga sa akin…” minsan ay sabi nito sa kaniya.

“Wala kang mahahanap na lalaki sa akin dahil wala naman. Masyado ka namang mapaghinala. Ano ba ang batayan mo para masabi mong may lalaki ako? Saan nanggagaling iyang mga bintang mo sa akin na may iba ako?”

“Nararamdaman ko… kaya huwag na huwag kang magpapahuli sa akin.”

Ang tamang hinala pala, siya ang gumagawa. Saglit lamang na namalengke si Melinda. Pagbalik niya, nakarinig siya ng impit na tunog ng babaeng nakikiliti sa kanilang kuwarto. Laking-gulat niya nang makita ang isang babaeng tila tinedyer na kaharutan ni Antonio.

“Mga hayop kayo! Mga baboy!” galit na sabi ni Melinda.

Ngunit sa halip na magulat, ngingisi-ngisi pa si Antonio.

“Huwag ka ngang istorbo. Layas!”

Itinulak pa siya nitong palabas ng kuwarto, saka nito isinara ang pinto, at ipininid. Saka niya ulit narinig ang halinghing ng babae sa loob ng kuwarto.

Sa puntong ito ay hindi na natiis pa ni Melinda ang lahat. Hindi na niya matitiis pa ang pambababoy ni Antonio sa kaniyang pagkatao.

Pagkatapos ng harutan ni Antonio at ng babaeng tinedyer na tila hindi pa nahiya kay Melinda dahil ngumisi pa ito sa kaniya sa pag-alis nito, walang pagsisisi sa mukha ng kasintahan.

“Nakapagluto ka na ba? Gutom na ako.”

Walang kibong naghain naman si Melinda. Inihanda na niya ang pagkain ni Antonio. Paborito nitong pagkain ang inihanda niya. Sinigang na baboy. Sarap na sarap ito sa pagkain.

“Masarap ba ang sinigang na baboy? Napagod ka ba?” matabang na tanong ni Melinda.

Ngingisi-ngisi naman si Antonio. Walang bakas ng pagsisisi sa mukha nito. Hanggang sa maya-maya, napahawak ito sa kaniyang dibdib na tila nagsisikip at nahihirapang huminga. Maya-maya, napahiga na ito sa sahig, bumubula ang bibig.

“A-Anong… anong ginawa mo…”

Si Melinda naman ang ngumisi. Nagtungo sa kusina. May kinuha, Pagkaraan, may inilapag na botelya sa mesa. May bungong nakatatak at malaking ekis sa ibabaw nito…

Batay sa autopsiya sa mga labi ni Antonio, nilason siya. Lumabas din sa resulta ng pagsusuri na gumagamit ito ng ipinagbabawal na gamot. Napagtanto ni Melinda kung bakit nag-iba ang ugali ng nobyo, na maaaring nagsimula ang paggamit nito noong nasa ibang bansa ito.

Habang nakahawak sa mga rehas ng bilangguan si Melinda, walang ni katiting na pagsisisi sa kaniyang puso.

Advertisement