
Ginagawang Biro ng Babae ang Pakikipaghiwalay sa Kaniyang Nobyo; Pagsisihan Kaya Niya Ito Balang-araw?
Tatlong taon na ang relasyon nina Ulysses at Francine. Masasabi ni Francine na kilalang-kilala na niya si Ulysses.
Si Francine ang tipo ng babaeng hahangarin ng sinumang lalaki: maganda, matalino, may matatag na trabaho. Strong independent woman. Sa sobrang lakas ng personalidad, minsan ay tumitikom na lamang ang bibig ni Ulysses sa mga simpleng bagay na lumalaki dahil sa medyo kasungitan ni Francine.
“Ano ba yan Ulysses, bakit naman sa cheap restaurant tayo kakain? Gusto mo break na tayo, hanap ako ng ibang lalaking mayaman?”
“Ulysses naman, lagi mo na akong uunahin sa listahan mo, kahit na busy ka. Hindi mo dapat ako least priority.”
“Ulysses…”
“Ulysses…”
Mabuti na lamang at mahaba ang pisi ni Ulysses. Sanay na siya sa kaniyang nobya. Sa tuwing may mga mumunting away sila, nariyan lagi siya upang suyuin ito. Malakas ang loob ni Francine na lokohin ng hiwalayan si Ulysses dahil alam niyang susuyuin siya nito. Hindi siya nito matitiis.
Kagaya ngayon.
“Maghiwalay na nga muna tayo, Ulysses. Nakakasawa ka eh… huwag mo muna ako tatawagan o itetext ha?” nakaangil na sabi ni Francine sa kaniyang nobyo. Hindi naman kumibo si Ulysses hanggang sa maihatid siya nito sa kaniyang tinutuluyan. Walang lingon-likod na umibis palabas si Francine at pumasok sa loob ng bahay.
Makalipas ang tatlong araw, walang paramdam si Ulysses.
“Baka busy lang… hayaan mo siya. Tatawag din iyon sa iyo. Hindi ka niya matitiis. Mahal na mahal ka niyan eh,” saad na lamang ni Francine sa kaniyang sarili. Mataas ang tingin niya sa sarili. Kahit gustong-gusto na niyang i-text o tawagan ang nobyo, tiniis niya. Alam niya kasing ito mismo ang kusang makikipag-ugnayan sa kaniya, hihingi ng tawad upang amuin siya, kahit na ang totoo, si Francine naman ang may kasalanan. ‘Nagpabebe’ lamang.
Ngunit makalipas ang isang linggo, walang Ulysses na nagparamdam.
Dito na nabahala si Francine. Hindi ganito si Ulysses. Sa totoo lang, pinakamahaba na ang tatlong araw na hindi ito nagpaparamdam sa kaniya. Kadalasan, mga isa o dalawang araw lamang, muli na itong mangungulit sa kaniya, upang suyuin siya.
Hindi na siya nakatiis. Tinawagan niya ang kapatid nito. Inalam niya kung may sakit ba ang nobyo.
“Wala Ate… masigla at okay naman si Kuya. Pumasok pa nga sa opisina. Nag-away ba kayo?”
Gusto niyang sabihing hindi, dahil siya ang nang-away kay Ulysses. Pinili na lamang niyang manahimik. Kailangang ayusin niya ang bagay na ito dahil siya naman ang puno at dulo.
Isang desisyon ang ginawa niya. Binabaan niya ang pride niya. Inabangan niya si Ulysses sa tapat ng opisina nito, mga bandang hapon, mga sandaling alam niyang mag-out na ito sa trabaho.
Mga bandang alas singko ng hapon, nakita na nga ni Francine si Ulysses. Agad niya itong sinalubong.
“Bakit hindi mo ako kino-contact?” salubong ni Francine. Nagitla naman si Ulysses. Inaya niya ang nobya na sumakay sa kotse. Nagtungo sila sa isang mamahaling restaurant. Gaya ng dati, inorder ni Ulysses ang mga gusto ng kaniyang nobya.
“Hindi mo pa ako sinasagot. Bakit hindi ka nagpaparamdam sa akin? Isang linggo kang walang paramdam?’ muling untag ni Francine.
“Hindi ba’t ikaw ang nagsabing huwag muna akong tumawag o magtext sa iyo?” seryosong sabi ni Ulysses. Natahimik si Francine. Ngayon lamang niya narinig sa gayong tono ng pananalita ang nobyo. Malalim ang tinig. May hinanakit.
“Alam mo namang I did not mean it. Alam ko naman kasi na susuyuin mo rin ako…”
“Iyan nga ang problema, Francine eh. Akala mo sa lahat ng pagkakataon susuyuin kita. Marunong akong magtimpi at sakyan ang mga trip mo. Pero tao lang din ako, Francine. Napapagod. Pagod na ako.”
Natahimik si Francine. Hindi siya makapaniwala sa mga sinasabi ng kasintahan.
“Oo kaya kitang suyuin… pero sana inisip mo rin ang mararamdaman ko. Lagi na lang bang ganito ang relasyon natin? Maggagalit-galitan ka, para suyuin kita? Hindi laging nasa ayos ang kondisyon ko. Alam mo ba noong nagalit ka sa akin, noong sinabi mong break na muna tayo, down na down ako? I almost lost my job. Kailangan sana kita. Kailangan ko sana nang masasandalan, pero inuna mo na naman ang pagpapapansin mo.”
Hindi na namalayan ni Francine ang pagtulo ng luha sa kaniyang mga mata. Nakaramdam siya ng pagkurot sa kaniyang konsensya.
“I-I’m sorry, h-hindi ko alam na nasasaktan na pala kita… Sorry Ulysses…”
“Ako naman ang gusto ng space. Siguro maghiwalay na tayo…” saad ni Ulysses.
Hindi makapaniwala si Francine, na ang pagpapabebe niyang pakikipaghiwalay kay Ulysses ay magiging totoo na. Kasalanan niya. Unti-unti niyang itinulak palayo ang kaniyang mahal.
Hindi maiwasang makaramdam ng kirot sa dibdib si Francine kapag nakikita niya kung gaano kasaya si Ulysses sa wedding photo nito sa social media, mga ngiting hindi niya kailanman nakita noong magkarelasyon pa sila. Ngunit handa naman niyang tanggapin ang lahat… dahil kasalanan niya ang lahat ng ito. Naiparamdam niya na nai-take for granted niya ang lalaking mahal niya, dahil sa pagiging makasarili niya.
Iisa lamang ang natutuhan niya sa naging relasyon nila ni Ulysses…
Huwag paglaruan ang damdamin ng taong mahal mo kung ayaw mong magsisi sa huli.