Inday TrendingInday Trending
Ayaw nang Tugtugin ng Batang Lalaking Ito ang Kaniyang Biyolin Kahit Pa Napakahusay Niya Talaga Rito; Ito Pala ang Dahilan

Ayaw nang Tugtugin ng Batang Lalaking Ito ang Kaniyang Biyolin Kahit Pa Napakahusay Niya Talaga Rito; Ito Pala ang Dahilan

“Anak, Jeremy, halika nga’t tugtugan mo ako upang mawala ang pagkapagod ko…”

Kunwari ay hindi narinig ni Jeremy, 15 taong gulang, ang sinasabi ng kaniyang amang si Mang Lauro, 56 na taong gulang. Patuloy lamang siya sa kaniyang ginagawang paglalaro ng mobile games sa kaniyang mamahaling cellphone.

“Jeremy, tinatawag ka ng Papa mo, tugtugan mo raw siya ng biyolin…” pagkuha ng atensyon ng kaniyang Yaya Medel, na siyang yaya ng kaniyang Papa noong maliit pa ito, at nagsilbing yaya naman niya simula nang sumakabilang-buhay ang kaniyang Mama.

Saka lamang nilapag ni Jeremy ang kaniyang mobile phone. Tumayo siya at kinuha ang biyolin. Lumapit siya kay Mang Lauro. Kumuha ng upuan at naupo siya sa harapan nito. Saka siya tumugtog ng paboritong pyesa niya sa pagtugtog ng biyolin, na paborito rin ng kaniyang ama.

Mahusay sa pagtugtog ang kaniyang ama kaya sa kaniya namana ni Jeremy ang kahusayan sa pagtugtog ng biyolin. Ngunit ang totoo niyan, ayaw na ayaw niya ang kaniyang ginagawa. Hindi niya nakikita ang kaniyang sarili na magiging musikero. Hangga’t maaari, iniiwasan niyang tumugtog dahil hindi naman siya masaya sa kaniyang ginagawa.

Maraming nagsasabi sa kaniya na balang araw, magiging sikat na musikero siya. Bagama’t nasa dugo nila ang pagiging mahusay na msusikero, hindi kasi ito ang karerang gusto niyang tahakin. Gusto niyang maging isang kilalang inhinyero.

Matapos ang pagtugtog ng pyesa, pumalakpak si Mang Lauro sa kahusayang ipinamalas ng kaniyang unico hijo.

“Napakahusay mo talaga, anak! Ipinagmamalaki talaga kita sa husay mong iyan. kaloob ng Diyos iyan para sa iyo kaya huwag na huwag mong sasayangin. Sana ay mahulma mo pa iyan kasi sayang naman kung hindi mo maiparirinig sa buong mundo iyang kahusayan mo na iyan,” saad ni Mang Lauro.

“Pa, pasensya na po, pero hindi ko po kasi nakikita ang sarili ko sa sinasabi ninyo. Pasensya na po talaga,” saad ni Jeremy.

Lumamlam ang mga mata ni Mang Lauro.

“Bakit naman, anak? Hindi ka ba masaya sa talentong ibinigay ng Diyos sa iyo? Dapat hinuhulma mo iyan at pinalalago. Hindi iyan ibibigay sa iyo ng Diyos kung wala lang.”

“Basta, Pa. Nalulungkot ako kapag ginagamit ko ang biyolin na iyan.”

Alam naman niya kung bakit. Mama niya ang nagregalo sa kaniya nito. Noong naghihirap at naghihingalo ang kaniyang kaawa-awang Mama sa banig ng karamdaman, tinutugtugan niya ito upang kumalma ito. Kitang-kita niya kung paanong pinilit pa ring ngumiti ng kaniyang Mama sa saliw ng kaniyang tugtugin, habang ginugupo ito ng sakit…

Kaya sa tuwing naririnig niya ang musikang naririnig niya mula sa biyolin, naaalala niya ang kaniyang Mama. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Gusto niyang ihagis ang biyolin sa bintana. Ngunit ang pumipigil lamang sa kaniya ay ang isiping ito ang bumili nito para sa kaniya.

Hanggang isang araw, sinugod sa ospital ang kaniyang Papa. Mild stroke daw. Mainit kasi ang panahon. Nataranta si Jeremy. Hindi niya alam kung ano ang gagawin.

Hindi niya alam kung paano makatutulong sa kaniyang Papa upang gumaan ang pakiramdam nito. Dumako ang kaniyang mga mata sa biyolin. Kinuha ito. Alam naman niya kung ano ang makapagpapasaya sa damdamin ng kaniyang Papa.

Kaya naman, araw-araw siyang tumutugtog ng biyolin sa tabi ng kaniyang nakaratay na ama. Upang makatulong din sa pinansyal na apseto ng gamutan, pinili niyang i-live ang kaniyang pagtugtog upang mas marami ang makapakinig at makapanood.

Marami naman sa mga nakasaksi ng kaniyang live ang naantig ang damdamin, lalo’t sinabi niyang alay niya sa kaniyang maysakit na Papa ang kaniyang pagtugtog. Bumaha ng tulong-pinansyal. Marami sa kaniyang mga kakilala at ‘di kakilala ang nag-donate upang makatulong sa pagbabayad ng hospital bills, gamot, at therapy ng kaniyang Papa.

Awa ng Diyos, naka-recover naman si Mang Lauro. Labis-labis ang kaniyang pasasalamat sa Diyos, gayundin sa kaisa-isang anak, dahil sa simpleng pagtugtog lamang nito, ay nakalikom ito ng malaking halaga upang matustusan ang kaniyang mga pangangailangan.

“Anak… maraming salamat sa talentong ibinahagi mo… malaking tulong…” naiiyak na sabi ni Mang Lauro. “Ang pagsusumamo ko sa iyo, sana ay ipagpatuloy mo ang paghulma ng iyong talento dahil maaari itong maging daan upang makapagbigay ka ng inspirasyon sa lahat.”

At iyon ang ginawa ni Jeremy. Nagsanay siya sa pagtugtog pa ng biyolin upang bigyang-kasiyahan ang kaniyang Papa, na hindi naglaon ay nagustuhan na rin niya.

Makalipas ang maraming taon, isa nang inhinyero si Jeremy. Subalit wala namang sinabing hindi na maaaring maging musikero, hindi ba? Kaya naman inaral niya ang kaniyang kakayahan sa pagtugtog ng mga instrumentong musikal—hindi lamang sa pagtugtog ng biyolin, kundi sa iba pa, gaya ng bandurya, piano, at marami pang iba. Napagtanto niyang hindi pala dapat sinasayang ang talentong kaloob ng Maykapal.

Advertisement