
Tinulungan ng Matandang Tindero ang Batang Nawawala; Makalipas ang Ilang Taon ay Umuwi na Lang Siyang Ginigiba na ang Kaniyang Barung-Barong
Mag-aalas otso na rin ng gabi kaya niligpit na ng matandang si Ka Abe ang kaniyang mga gamit sa pagtitinda ng turon at palamig. Sakay din ng kaniyang pedikab ay ang kaniyang asawang may sakit. Hindi niya kasi ito maiwan na mag-isa sa bahay kaya mula pa noong magkasakit ito, apat na taon na ang nakakaraan ay lagi na niya itong kasama sa pagtitinda sa harap ng simbahan.
Pauwi na sana ang mag-asawa nang biglang may napansin silang isang bata. Iyak ito nang iyak at tila nawawala.
Sa pag-aalala ay nilapitan kaagad ito ng matanda.
“Nawawala ka ba, totoy? Ano ba ang pangalan mo at nasaan ang mga magulang mo? Para mahanap natin,” sunud-sunod na tanong ni Ka Abe.
“Kanina ko pa po sila hinahanap. Magkakasama po kami kanina sa pamilihan ngunit paglingon ko po ay wala na sila. Naglakad po ako ng naglakad at sumakay ng dyip. Nang wala po akong maibayad ay pinababa na po ako rito! Tulungan po ninyo akong makauwi sa amin!” pagtangis ng bata.
“Huwag ka nang umiyak at pangako ko sa’yo na tutulungan kita. Ako si Ka Abe at matagal na akong tindero dito. Sumama ka sa akin para mai-report natin sa mga pulis ang nangyari sa iyo,” wika pa ng matanda.
Sumama naman ang bata kay Ka Abe. Ngunit pagdating nila ng himpilan ng pulisya ay nagkakagulo. Mayroon kasing nahuling malaking sindikato.
Upang iiwas sa kaguluhan ang bata pati na rin ang may sakit na misis at pinasya ni Ka Abe na umuwi na lamang muna ng bahay.
“Ayos lang ba sa’yo na tumuloy ka na muna sa amin? Hind kasi kita basta lang mapapabayaan dito sa lansangan. Bukas na bukas ay hihingi tayo ng tulong sa barangay para may makaalam ng kinaroroonan mo. Ano nga ulit ang pangalan mo, Totoy?” muling pahayag ni Ka Abe.
“Ako po si Nico. Ang nanay ko naman po ay si Gina at ang tatay ko naman po ay si Rex. Anim na taong gulang na po ako,” nahihiyang tugon naman ng bata.
“Ka Abe naman ang tawag nila sa akin. At ito naman ang asawa kong si Flor. Huwag kang mag-alala dahil hindi naman kami masasamang tao. Hindi magtatagal ay makakauwi ka rin sa inyo,” wika muli ng matanda.
Sa wakas ay nakarating na sila sa tahanan ng mag-asawa.
“Pasensiya ka na rito sa barung-barong namin. Alam kong hindi magiging komportable sa iyo ang pananatili dito. Pero mas mainam na nasa piling ka namin kaysa nasa daan ka. Maghapunan ka na muna at tiyak kong hindi ka pa kumakain,” sambit ni Ka Abe.
Nahihiya man ang bata ay agad niyang tinanggap ang inaalok ni Ka Abe na pagkain dahil kumakalam na ang kaniyang sikmura.
Kinabukasan ay hindi na nagtinda pa si Ka Abe. Dinala niya ang bata sa barangay. Pagkatapos nun ay gumawa din sila ng paraan upang makita mismo ang bahay ng bata.
“Tiyak kong hinahanap ka na rin ng mga magulang mo. Pilitin mong alalahanin ang mga detalye kung saan kayo nagkahiwalay para matunton natin,” saad ni Mang Abe sa batang si Nico.
Ngunit kahit anong pagtatanong nila ay walang nakakakilala sa bata at kung saan ito nakatira.
Inabot na sila ng hapon kaya naisipan na rin nilang umuwi.
“Bukas na lang tayo ulit maghanap, Nico. Magdasal ka lang at makikita din natin ang mga magulang mo,” sambit ni Ka Abe.
Araw-araw ay pinaglalaanan ni Ka Abe ng oras sa umaga ang paghahanap sa mga magulang at tirahan nitong si Nico. Tapos ay pupunta sila sa harap ng simbahan upang magtinda nang sa gayon ay may panggastos sila.
Pansamantalang nanirahan muna ang bata sa barung-barong ng mag-asawa.
Isang linggo ang lumipas at tuluyan nang nahanap nila Ka Abe at Nico ang mga magulang nito. Lubos na pag-aalala ang naramdaman ng mga magulang ng bata sa ilang araw na pagkakawalay nito sa kanila.
“Maraming salamat po sa inyo! Mabuti na lamang po at ang isang kagaya n’yo ang nakuha sa anak ko. Kung hindi ay baka kung anong masama na ang nangyari sa kaniya!” umiiyak na sambit ng inang si Gina habang yakap-yakap ang anak.
“Walang anuman. Ginawa lang naman naming mag-asawa ang nararapat. Mabait na bata ‘yang si Nico. Masaya kaming mag-asawa na nakilala namin siya at nakasama kahit sandali lang,” tugon naman ni Ka Abe.
Bilang pasasalamat ay binigyan ni Gina ang matandang mag-asawa ng kaunting halaga.
“Para po ito sa gamot ng asawa n’yo. Alam kong hindi po ito kalakihan pero tanggapin n’yo na po bilang tanda ng aming pasasalamat,” giit ni Gina sa matanda.
Hindi na tumanggi pa si Ka Abe.
Mula noon ay hindi na nakita pa ni Ka Abe ang batang si Nico.
Nagpatuloy ang buhay nilang mag-asawa sa pagtitinda sa tapat ng simbahan.
Taon ang lumipas at tuluyang binawian ng buhay si Manang Flor. Masakit kay Ka Abe ang paglisan ng asawa. Bukod pa roon ay may suliranin din siyang dinadala.
Mahirap pa sa daga itong si Ka Abe. Dahil sa katandaan ay hindi na niya magawa pang magtinda tulad ng dati. Umaasa na lamang siya sa mga bigay ng kaniyang mga kapitbahay. Idagdag mo pa ang nagbabadyang pagpapaalis sa kaniya sa lugar na tinitirhan.
“Ka Abe, umalis na po kayo nang kusa sa lugar na ito. Mapipilitan kaming gibain ang tahanan n’yo,” sambit ng opsiyal.
“Bakit hindi n’yo na lang hintayin ang pagkasawi ko? Matanda na rin naman ako at kaunti na lang ang araw na nalalabi sa akin,” wika ni Ka Abe.
“Bibigyan namin kayo ng isang linggong palugit, Ka Abe, para makahanap ng malilipatan. Pasensiya na ho kayo at ginagawa ko lang ang trabaho ko,” wika pa ng lalaki.
Lumipas ang tatlong araw at patuloy ang paghahanap ni Ka Abe ng lugar na kaniyang malilipatan. Ngunit pag-uwi ng uugod-ugod na matanda ay nakita na lamang niyang ginigiba ang kaniyang bahay.
Napasigaw na lamang siya nang makitang isa-isang binabaklas ang barung-barong na siya mismo ang gumawa.
“May usapan tayo! Nakakatatlong araw pa lang ako!” bulyaw ni Ka Abe.
“Nariyan ang mga gamit ng asawa ko! Parang awa n’yo na, ‘yun na lang ang tanging kayamanan ko! Pabayaan n’yo akong kunin ang mga ‘yun!” pagtangis pa ng matanda.
Isang lalaki ang lumapit sa kaniya upang siya ay kausapin. May bitbit itong kahon. Nangingilid ang luha nito ngunit mababanaag mo sa kaniya ang saya nang makita niya ang matanda.
“Hindi n’yo na po kailangan ang bahay na ‘yan, Ka Abe! Narito na po sa mga kahon ang lahat ng gamit n’yo kabilang na rin ang mga gamit ni Manang Flor. Sumama po kayo sa akin at ililipat ko na po kayo sa mas maayos at mas magandang tirahan,” wika ng lalaki.
Tiningnan niya ang kahon at nang makita niyang naroon ang lahat ng iniingatan niyang alaala ng asawa ay saka siya huminahon. Lubos ang kaniyang pagtataka sa ginawang ito ng lalaki kaya pinakatitigan niya ito.
“Magkakilala ba tayo, iho? Pagpasensiyahan mo na itong matandang ito dahil malabo na ang aking paningin at hindi na rin matalas ang aking memorya,” wika ni Ka Abe.
“Ka Abe, ako po si Nico. Ako po ‘yung batang tinulungan n’yo noon. Pasensiya na po kung ngayon lang ako ulit nagpakita. Marami na rin pong nangyari pero hindi pa rin nalilimutan ang ipinakita niyong kabutihan sa akin noon. Malungkot lang at wala na pala si Manang Flor. Pero nais ko po kayong tulungan. Sumama na po kayo sa akin sa bago n’yong tahanan. Ako na rin po ang bahala sa pagpapagamot sa inyo at sa inyong pangangailangan. Gusto ko pong makabawi sa lahat ng kabutihan n’yo sa akin noon. Kahit hindi n’yo ako kaano-ano ay kinupkop n’yo ako at pinakitaan ng mabuti,” pahayag ng binata.
Napayakap na lamang sa tuwa itong si Ka Abe nang malaman niyang ang nasa harap pala niya ay ang batang kaniyang tinulungan noon. Hindi siya makapaniwala na sa tagal ng panahon ay hindi pa pala siya nito nakakalimutan.
Tuluyan na ngang nilisan ni Ka Abe ang dati niyang tinitirhan. Sa kaniyang bagong tahanan ay muli siyang magsisimula ng panibagong buhay. Maiksi man ang nalalabing panahon ng matanda ay handa siyang harapin iyon dahil sa pag-asang hatid sa kaniya ng binatang si Nico.