
Nais Bigyan ng Dalaga ng Isa pang Pagkakataon ang Dating Nobyo; Huli na pala ang Lahat para sa Kanilang Dalawa
Hindi magkamayaw sa saya ang damdamin ni Stacey habang tinititigan niya ang kaniyang susuotin na bestida para sa ika-apat na anibersaryo nila ng kasintahang si Francis. Hindi na kasi siya makapaghintay na makita ang reaksyon ng kaniyang nobyo kapag nakita siya nitong suot ang magandang damit na ‘yun.
Ilang sandali lang ay tumunog ang kaniyang telepono. Halata sa kaniya ang pagkasabik nang sagutin n’ya ang tawag ng kaniyang minamahal. Ngunit ang lahat ng kaniyang saya ay napalitan ng lungkot nang marinig ni Stacey ang nais sabihin ni Francis.
“A-anong sinasabi mong ayaw mo na, Francis? Hindi kita maintindihan. Wala naman tayong problema, ‘di ba? Maayos naman tayo?” lubusang pagtataka ni Stacey.
“Ayaw ko na, Stacey. Napagtanto kong hindi pala talaga tayo para sa isa’t isa. Patawarin mo ako kung hindi ko man masabi sa’yo ito nang harapan,” saad naman ng binata.
Hindi pa rin lubusang makapaniwala si Stacey sa pakikipaghiwalay ng matagal nang kasintahan.
“Siguro naman ay karapat-dapat kong malaman man lang kung ano ang dahilan, Francis. May pagkukulang ba ako? May hindi ka ba nagustuhan sa mga pinapakita ko sa’yo? Bakit naman biglaan, Francis? Hindi mo na ba ako mahal?” hindi na napigilan pa ni Stacey ang pag-agos ng kaniyang mga luha.
“Hindi ikaw ang may kasalanan. Ako, Stacey. Ako ang may pagkukulang, ako ang naghanap sa iba. Hindi na ako karapat-dapat pa sa’yo dahil nagtaksil ako. Patawad, Stacey, ngunit may mahal na akong iba. Ito na ang huli nating pag-uusap,” sambit ni Francis sabay baba ng telepono.
Pakiramdam ni Stacey ay para siyang binuhusan ng malamig na tubig. Hindi niya maigalaw man lamang ang kaniyang katawan dahil sa pagkabigla. Ang masakit pa no’n ay tinapos ni Francis ang lahat ng namamagitan sa kanila sa pamamagitan lamang ng isang tawag sa telepono.
Ilang araw ding hindi makakain at palaging umiiyak itong si Stacey. Hindi niya alam paano makakausad ang kaniyang buhay ngayong wala na sa kaniyang piling si Francis. Nasanay na kasi siyang palaging nasa tabi niya ang binata. At hindi niya maitanggi na galit man siya’y mas nangingibabaw pa rin ang pagmamahal niya sa dating kasintahan.
“Isang patawad lang, Francis, ay kakalimutan ko ang lahat. Tatanggapin kitang muli at magbabalik tayo sa dati. Babaguhin ko ang sarili ko para mas magustuhan mo ako. Gagawin ko ang lahat para mahalin mo ulit ako. Parang awa mo na tumawag ka na sa akin dahil ang sakit-sakit na!” pagtangis ni Stacey habang nakatitig sa larawan ng dating nobyo.
Lumipas ang mga araw at wala pa ring natatanggap na tawag mula kay Francis itong si Stacey. Nais na sana niyang tanggapin ang tuluyan nilang paghihiwalay ng landas,
Naisipan ni Stacey na magbalik sa dating lugar kung saan una silang nagkita ni Francis, sa isang malaking puno na nakatayo sa isang parke.
Doon ay sinariwa niya ang lahat ng kanilang alaala. Ito na sana ang huling sandaling iisipin niya si Francis at tuluyan na niya itong kakalimutan.
Ngunit sa kaniyang pagluha ay may isang lalaking tumabi sa kaniya.
“Alam kong dito kita matatagpuan, Stacey,” saad ni Francis sa dalaga.
Nagulat naman si Stacey nang makita ang dating nobyo.
“A-anong ginagawa mo rito?” pagtataka ng dalaga.
“Hinahanap ka,” tugon ng binata.
“Nagkamali ako, Stacey. Mahal pa rin pala kita. Ikaw pa rin ang gusto ng puso ko. Patawarin mo ako kung pinagpalit kita sa iba. Sana ay bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon at papatunayan ko sa’yo ang pagmamahal ko,” saad ng binata.
“Hindi na ako ‘yung tulad ng dati, Francis. Hindi ako ‘yung taong hingan mo lang ng patawad ay patatawarin ka naman! Hindi mo alam kung gaano ako nahirapan nang iwan mo ako nang walang maayos na pamamaalam. Nasaktan ako, Francis. Hindi naging madali ang pinagdaanan ko. Ngayong ayos na ako’y babalik ka na naman? Hindi ko na hahayaan na saktan mo akong muli!” saad pa ni Stacey.
Ngunit iba ang nasa loob ni Stacey. Hindi lang alam ni Francis kung gaano niya kagustong hagkan itong muli.
Subalit kailangan niyang panindigan ang kaniyang mga sinabi. Iniwan ni Stacey si Francis na mag-isa sa ilalim ng punong iyon na lumuluha.
Nagmamaneho pauwi si Stacey habang patuloy ang kaniyang pag-iyak.
Mula sa pagtatagpong iyon ng dalawa ay hindi na nawala sa isip ni Stacey si Francis. Handa na siyang aminin sa kaniyang sarili na ang binata pa rin ang kaniyang minamahal.
Kinuha niya ang kaniyang selpon mula sa kaniyang bag at tinawagan niya ang numero ng binata.
Kinakabahan man ay hindi na umatras pa si Stacey upang sabihin kay Francis ang tunay na nilalaman ng kaniyang puso.
Nang marinig niya ang tinig ni Francis ay agad siyang salita.
“Mahal pa rin kita. Francis. Hindi totoo ang sinabi ko sa’yo noong huling pagkikita natin. Sana ay hindi pa huli ang lahat para sa atin,” sambit ng dalaga na may nanginginig na tinig.
“Alam kong hindi na maibabalik ang dati nating pagsasama nang dahil sa mga ginawa ko pero pipilitin ko, Stacey. Patutunayan ko sa’yong ikaw lang ang nilalaman ng puso ko. Patawarin mo ako sa lahat ng nagawa ko. Masaya akong malaman na mahal mo pa rin ako!” tugon naman ng binata.
“Nais kitang makita ngayon, Francis. Magkita tayo sa dati nating tagpuan. Doon natin pag-usapan ang lahat,” paanyaya ni Stacey.
Dahil sa pagkasabik ay agad na sumakay ng kotse niya ang dalaga. Maging si Francis ay sumakay na rin ng taxi upang magtungo sa lugar kung saan sila unang nagkita.
Habang nagmamaneho si Stacey ay nahulog ang kaniyang selpon at pilit niya itong inaabot. Sa bilis ng andar ng sasakyan ay hindi na niya namalayang may nakabanggaan na pala siyang ibang sasakyan!
Paggising ng dalaga ay nasa Emergency Room na siya ng isang ospital. Nagkakagulo ang lahat dahil sa aksidenteng naganap. Nasa kabilang kama naman ang nakabungguan ni Stacey na pilit na isinasalba ng mga doktor. Imbis na intindihin ang kaniyang kalagayan ay agad niyang hinanap ang kaniyang telepono.
“Miss, huwag ka munang gumalaw at hindi pa ayos ang katawan mo,” saad ng nars.
“Nasaan na ang selpon ko may kailangan akong tawagan. Kailangan kong tawagan ang nobyo ko dahil baka kanina pa siya naghihintay sa akin!” giit ni Stacey.
“Miss, kumalma ka lang at hindi pa ayos ang lagay mo!” pilit na pinipigilan ng nars ang nagwawalang dalaga.
Maya-maya ay narinig na lamang niya na nag-uusap ang mga nars.
“Hindi na naisalba ‘yung pasahero. Maraming nawalang dugo sa kaniya. Masyadong napuruhan ang kaniyang ulo. Nakakahinayang sapagkat ang bata pa niya,” saad ng isang nars.
Nang makuha ni Stacey ang kaniyang selpon ay agad niyang tinawagan si Francis upang sabihin sa nobyo ang nangyari sa kaniya. Ngunit laking pagtataka niya nang biglang marinig ang tunog ng selpon na tulad ng kay Francis sa katabing kama niya. Ang kama kung saan naroroon ang lalaking binawian ng buhay.
Dahan-dahan niyang nilapitan ang kama. Nangangatog siya habang dahan-dahan niyang tinatanggal ang taklob na kumot sa parteng mukha ng sumakabilang buhay na pasyente.
Nanlambot ang kaniyang mga tuhod nang bigla niyang makita si Francis na wala nang buhay. Hindi siya makapaniwala na ito pala ang laman ng sasakyan na kaniyang nakabunggo.
Napasigaw na lamang si Stacey dahil sa lubusang kalungkutan habang hinahagkan niya ang wala nang buhay na katawan ng kaniyang nobyo.
“Akala ko ba hindi pa huli ang lahat para sa atin, Francis? Bakit iniwan mo na ako?” patuloy sa pagtangis ang dalaga.
Nanghihinayang si Stacey sa mga panahon na nag-alinlangan pa siya na patawarin si Francis. Ngayon ay huli na ang lahat dahil hindi na niya muli pang masisilayan ang mga ngiti ng dating nobyo.

Tinulungan ng Matandang Tindero ang Batang Nawawala; Makalipas ang Ilang Taon ay Umuwi na Lang Siyang Ginigiba na ang Kaniyang Barung-Barong
