
Tinalikuran ng Doktor ang Propesyon dahil sa Isang Matinding Pangyayari; Dahil sa Asawa ay Muli Siyang Magbabalik sa Larangan ng Medisina
“Samuel, hanggang kailan mo ba balak na magmukmok diyan? Hindi lang sa gano’n matatapos ang lahat. Kailangan mong ipagpatuloy ang buhay mo!” sambit ni Grace sa kaniyang asawa.
“Anong gusto mo? Bumalik pa ako sa pagdodoktor ko? Hindi ko na kaya, Grace! Hindi ako ‘yung tulad ng dati! Hindi ko na alam ngayon kung ano pa ang gagawin ko sa buhay ko!” tugon naman ni Samuel.
“Hindi mo kasalanan ang lahat, Samuel. Huwag mong ilagay sa balikat mo ang lahat ng sisi. Baka oras na talaga ‘yun ng papa mo. Isa pa, wala namang sumisisi sa’yo sa nangyari,” wika muli ng ginang.
“Wala nga akong naririnig na paninisi pero sa mga tingin nila sa akin ay ramdam kong ako ang may kasalanan sa pagkawala ng papa ko. Hindi mo maiaalis sa akin na makaramdam ng ganito dahil sa sarili kong kamay mismo nawalan ng buhay ang sarili kong ama,” sambit muli ni Samuel.
“Hindi ka Diyos, Samuel! Hindi ikaw ang magdidikta kung mabubuhay o mawawala na ang isang tao!” hindi na naiwasan pa ni Grace na magtaas ng kaniyang boses.
“Pero isa akong doktor, Grace! At tungkulin kong pahabain ang buhay ng taong nangangailangan ng tulong ko! Ako ang kailangang magdugtong ng buhay nila pero iba ang naging sitwasyon sa papa ko!” napaluha na si Samuel sa kaniyang itinugon.
Isang taon na ang nakakalipas nang pangunahan ni Samuel ang pag-opera sa puso ng kaniyang ama. Bukod kasi sa may sakit ito sa puso ay marami na rin itong iniinda. Nais sana niyang dugtungan pa ang buhay ng ama ngunit habang inooperahan niya ito ay bigla na naman itong inatake sanhi ng tuluyan nitong pagkawala.
Ang masakit pa roon ay tiwala ang kaniyang ama na tuluyan nang aayos ang puso nito pagkatapos ng operasyon. Higit sa lahat ay hindi na nakapagpaalam pa ang kaniyang ina at mga kapatid sa ama.
Kahit na sabihin ni Grace na maluwag sa kalooban ng lahat ang pagkawalang ito ng kaniyang ama ay labis pa rin ang pighati na dala nito kay Samuel.
Mula noon ay tuluyan na niyang tinalikuran ang kaniyang propesyon sa takot na maulit muli ang ganitong pangyayari.
“Magaling kang doktor, Samuel. Kailangan ka ng maraming tao. Ipagpasa-Diyos mo na ang lungkot na nararamdaman mo. Kailangan kita at kailangan ka rin ng mga anak mo,” pakiusap pa ni Grace.
Ngunit kahit anong sabihin ng misis ay wala nang pinakikinggan itong si Samuel. Hinayaan na lamang ng ginoo na kainin siya ng lungkot at pagkabigo.
Hindi naging dahilan ang pagiging matigas ni Samuel upang magsikap si Grace na ibalik ang dating asawa. Sa totoo lang kasi ay miss na miss na ni Grace at ng kaniyang mga anak ang dating ugali na masayahin at palabirong si Samuel.
“Gusto mo ba ay magbakasyon tayo, Samuel? Iwan muna natin ang lugar na ito nang sa gayon ay makalimot ka sa lahat ng nangyari kahit sandali lang,” lambing ni Grace sa asawa.
“Kahit saan mo ako dalhin, Grace, maaalala at maaalala ko pa rin ang lahat ng nangyari. Sasayangin mo lang ang mga araw sa bakasyon dahil wala rin naman akong gana!” naiinis na sambit ni Samuel.
“Kung gusto mo ay –” may nais pa sanang sabihin si Grace ngunit agad na siyang pinigilan ni Samuel.
“Tama na, Grace! Walang maitutulong ang lahat ng ‘yan sa akin! Hindi maibabalik ng mga sinasabi mo ang buhay ng papa ko!” sigaw pa ng mister.
“Baka kasi nakakalimutan mo lang, Samuel, na narito pa kami ng mga anak mo! Kailangan ka namin! Simula nang nawala ang papa mo ay parang nawala ka na rin sa amin! Sana maisip mong narito lang naman ako dahil nais kitang tulungan. Nag-aalala ako para sa’yo dahil mahal kita!” pagtataas na rin ng boses ni Grace.
Kahit na anong tindi ng sabihin ni Grace ay wala itong talab kay Samuel. Patuloy pa rin itong nalulugmok sa kaniyang kalungkutan.
Ngunit ang hindi alam ni Samuel ay may itinatagong sakit si Grace. May iniinda rin ito sa kaniyang puso at nangangamba ang ginang na kung siya ay mawawala ay wala nang magiging magulang para sa kaniyang mga anak. Kaya nais niyang ibalik ang dating sigla ni Samuel.
Hanggang sa isang araw, matapos hatiran ni Grace ng pagkain si Samuel sa silid ay bigla na lamang itong nahilo at sumakit ang dibdib. Hanggang sa tuluyan na itong bumulagta sa harapan ng kaniyang asawa.
Agad na dinala ni Samuel ang asawa sa dating pinagtatrabahuhang ospital at doon nga ay nalaman niya ang lahat tungkol sa karamdaman ng misis.
“Kailangan niya agad ng operasyon. Ilipat n’yo na lang siya ng ibang ospital dahil walang doktor na mag-oopera sa kaniya dito,” saad ng isang doktor.
Sa labis na pangamba ni Samuel na tuluyang mawala ang asawa ay iprinisinta niya ang kaniyang sarili.
“Ako na ang gagawa! Doktor pa rin naman ako dito, ‘di ba? Doktor pa rin naman ako, ‘di ba?” kinakabahang tanong ni Samuel.
Nilakasan niya ang loob upang gawin ang operasyon sa puso ng kaniyang asawa. Habang nasa operating room siya ay iniisip niya ang lahat ng suporta at pagmamahal sa kaniya ni Grace.
“Hindi ka mawawala sa mga kamay ko, Grace. Lumaban ka! Pangako ko sa’yo na lalaban din ako para sa inyo ng mga anak natin!” sambit ni Samuel sa asawa.
Hindi makapaniwala si Samuel na natapos niya nang matagumpay ang operasyon. Ilang oras lamang pagkatapos maoperahan ang puso ni Grace ay gumising na ito.
Napaluha na lamang siya nang makita si Samuel na nakasuot muli ng kaniyang puting uniporme.
“Lumaban ako dahil sa pangako mo, mahal. Maraming salamat sa pagliligtas ng buhay ko,” tanging nasambit ni Grace sa asawang doktor.
Hinawakan ni Samuel ang kamay ng misis at saka niya ito hinalikan.
“Ikaw ang dahilan ko upang labanan ang lahat ng lungkot sa isip ko. Ikaw ang dahilan kung bakit nakabangon akong muli. Maraming salamat sa’yo, Grace! Ikaw ang lakas ko!” naluluhang sambit ni Samuel sa asawa.
Tuluyang bumuti ang kalagayan ni Grace sa pangangalaga ng kaniyang asawang doktor. Muli ay bumalik sa serbisyo si Samuel. Tuluyan na niyang tinanggap ang pagkawala ng kaniyang ama at matapang na niyang hinarap ang mga hamon ng buhay sa tulong ng asawang si Grace.