Inday TrendingInday Trending
Pilit na Kinukumbinsi ng Bata ang Ina na Iwan na Nito ang Amain; Magsisisi ang Ginang sa Bandang Huli

Pilit na Kinukumbinsi ng Bata ang Ina na Iwan na Nito ang Amain; Magsisisi ang Ginang sa Bandang Huli

“Tonton! Tonton! ‘Yung nanay at tiyuhin mo na naman, nag-aaway! Sinasaktan na naman ng tito mo ‘yung nanay mo! Umuwi ka na, bilis!” sambit ng kalaro sa batang si Tonton.

Kumaripas ng takbo si Tonton pauwi. Halos matanggal na ang kaniyang mga tsinelas sa pagmamadali. Kinakabahan siya sapagkat natitiyak niyang sinaktan na naman ng kaniyang amain ang kaniyang inang si Belen.

Nang makarating sa bahay ay hindi na naabutan pa ni Tonton ang nasabing pag-aaway. Agad siyang pumasok sa loob ng bahay at doon ay nakita niya ang kaniyang ina na puno ng pasa at umiiyak.

“‘Nay, ano pong nangyari? Bakit na naman kayo sinaktan ni Tsong Dindo?” pag-aalala ni Tonton sa ina.

“Wala ito, anak. Hindi naman talaga ako sinaktan ng tiyo mo. Ako rin naman kasi ang may kasalanan dahil kinukulit ko siya. Nanghihingi kasi ako ng pambili ng makakain natin para sa hapunan. Hindi ko naisip na baka wala siyang pera,” paliwanag naman ng inang si Belen.

“Kayo na nga ang nasaktan, ipinagtatanggol n’yo pa rin si Tiyo Dindo. Sabi ko na kasi sa inyo, matagal na kayong dapat kumalas sa lalaking iyan!” naiiyak na sambit ng bata.

“Hindi tayo pwedeng umalis dito, Tonton. Wala tayong matutuluyan. Saka mabait naman talaga ang Tiyo Dindo mo. Ako lang itong mabunganga at makulit. Siyempre kahit sinong mabait ay talagang maririndi sa akin,” pilit na pinapaunawa ni Belen ang sitwasyon.

“Sampung taong gulang na po ako, ‘nay. Hindi n’yo na po ako maloloko dahil naiintindihan ko na po ang lahat ng nangyayari. Hindi n’yo na maitatanggi sa akin na lagi kayong sinasaktan ni Tiyo Dindo dahil lang sa gusto n’ya! Hanggang kailan po ba kayo magtitiis? Kaya naman nating dalawa, ‘nay. Mas magiging maayos ang buhay natin kung tayong dalawa na lang ulit!” pagmamakaawa ni Tonton.

“Mahal tayo ng Tiyo Dindo mo, anak. Mainit lang talaga ang ulo niya. Pagpasensiyahan mo na s’ya. Sa susunod ay hindi na rin ako mangungulit para hindi na rin ako nasasaktan. Sige na, anak, lumabas ka na at maglaro. Huwag mo na akong alalahanin pa. Hindi naman ito masakit,” saad pa ng ina.

Nagsisilakbo na ang damdamin ni Tonton sa inis sa kaniyang amain. Simula kasi nang magsama ang kaniyang ina at ang bago nitong asawa ay hindi na niya nakita pa ang dating maaliwalas na mukha ni Belen. Lagi na lang itong may pasa at laging mugto ang mga mata sa kakaiyak.

Masakit sa damdamin ni Tonton na makita ang ganung kalagayan ng kaniyang ina. Alam niyang tinitiis lamang ito ng kaniyang Nanay Belen upang kahit paano ay may sumuporta sa kanilang mag-ina. Ngunit labis na ang pagmamaltrat0 na ginagawa ni Dindo. Masakit para kay Tonton dahil kahit kailan ay hindi niya nakita o narinig man lamang ang tunay niyang ama na pagbuhatan o pagtaasan man lamang ng boses ang kaniyang ina.

Nabubuhay na lamang ang magandang alaala ng kanilang masayang pamilya sa alaala ni Tonton dahil matagal nang yumao ang kaniyang ama.

Lumipas ang ilang araw at wala pa ring tigil ang pag-aaway ni Belen at ni Dindo na nauuwi sa sakitan. Walang kalaban-laban itong si Belen sa laki ng katawan ng kinakasama. Pilit na lamang tinatakpan ni Tonton ang kaniyang mga tenga upang hindi na marinig pa ang mga sigawang ito.

Batid niyang kinabukasan ay makikita na naman niya ang kaniyang ina na puno ng sugat at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Nang matapos ang pag-aaway ay agad na pinuntahan ni Tonton ang ina.

“‘Nay, tara na po at umalis na tayo dito. Hindi ko na po kaya pang makitang sinasaktan niya kayo!” pagmamakaawa muli ng anak.

“Lasing lang ang Tiyo Dindo mo, anak. Hindi niya alam ang kaniyang ginagawa. Kawawa naman siya kapag iniwan natin,” saad pa ng ina.

“Kawawa? Hindi po ba n’yo nakikita ang sarili n’yo? Tingnan mo sa salamin, ‘nay, para makita n’yo kung sino ang tunay na kawawa! Hindi ko na po kaya ang ganitong buhay. Kahit na sa lansangan ay kaya kong tumira basta makatakas lamang sa pagmamaltrat0 ni Tiyo Dindo! Umalis na po tayo, ‘nay, bago pa mas malala ang gawin n’ya sa inyo!” giit ni Tonton.

Ngunit hindi nagpatinag si Aling Belen. Desidido siya na ‘wag iwan ang kinakasama.

Hanggang sa isang araw habang naglalaba si Aling Belen ay nakakita niya sa bulsa ni Dindo ng isang kapirasong papel at may nakasulat na numero. Bukod pa roon ay nakakita rrin siya sa gamit nito ng ilang kagamitan para sa ipinagbab@wal na g@mot.

Nangangatog niyang kinuha ang selpon ni Dindo at tinawagan ang numero na nakasulat sa papel. Isang tinig ng babae ang sumagot.

“Pupunta ka ba mamaya dito, Dindo? Miss na miss na kita. Sabik na sabik na ako sa’yo!” saad ng babae.

Napaluha na lamang si Aling Belen at saka niya ibinaba ang telepono. Hindi siya makapaniwala na gumagamit na nga ng drog@ si Dindo ay nambababae pa ito.

Nang makalabas si Dindo mula sa silid ay hindi nakapagpigil pa si Belen at kinompronta ang kinakasama.

“Walang hiya ka! Ginagawa ko na nga ang lahat para sa iyo’y ito pa ang igaganti mo sa akin. Halos ipagpalit ko na ang anak ko para lang makasama ka! Tapos ay nambabae ka lang pala!” bulyaw ni Belen kay Dindo.

“Masisisi mo ba ako, Belen? Tingnan mo nga ang itsura mo! Losyang ka na at bilasa. Hindi katulad ni Joana, batang bata at sariwang-sariwa! Siya ang nakakapagbigay sa akin ng tunay na kaligayahan na hinahanap ko! Wala ka kasing silbi!” sigaw naman ni Dindo.

“Hayop ka! Walang hiya ka!” patuloy na pinagpapapalo ni Belen sa katawan si Dindo.

Sa pikon ng lalaki ay sinampal niya si Belen. Lalong gumanti naman ang ginang. Napuno na ang bahay ng sigawan ng dalawa.

Nang marinig ni Tonton na nag-aaway ang nanay niya at amain ay dali-dali siyang umuwi sa bahay. Nadatnan na lamang niya ang ina na tinulak ni Dindo at nakahandusay sa sahig.

Patuloy ang pag-iyak ni Belen hanggang sa nakita ni Tonton na may hawak na kutsilyo ang amain. Agad na tumakbo si Dindo patungo sa kaniyang ina upang salagin ang pananaksak ng kaniyang Tiyo Dindo.

Sa kasamaang palad ay ang batang si Tonton ang napuruhan ng mga saksak na para sana kay Belen.

Natauhan si Dindo sa kaniyang ginawa habang nagsisisigaw naman si Belen nang makita niya ang pag-agos ng dugo ng anak na wala nang malay.

“Anak ko! Anak ko! Gumising ka! Tonton! Gumising ka, anak!” halos malagutan na ng ugat sa kakasigaw itong si Aling Belen habang tangan ang anak.

Sa takot ay tumakbo naman si Dindo upang makatakas sa kaniyang ginawa.

Dinala sa ospital si Tonton at doon na binawian ng buhay.

Labis ang pagdadalamhati ni Belen. Lubos ang kaniyang pagsisisi dahil kung nakinig lamang siya sa kaniyang anak noon ay hindi sana ganito ang sinapit ng bata. Dapat ay kapiling pa rin niya si Tonton.

Samantala, tinugis naman ng awtoridad si Dindo at ikinulong.

Sa libing ng kaniyang anak ay walang patid ang pag-iyak ni Aling Belen. Labis siyang nanghihinayang sa buhay ng kaniyang anak. Hindi pa rin siya makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari.

“Patawarin mo ako, Tonton! Patawarin mo si nanay! Ako ang may kasalanan ng lahat ng ito! Naging masama akong ina sa’yo at marahil ay naging masama din akong asawa kaya parehas na kayo ng tatay mo na kinuha sa akin! Kung p’wede lang isama n’yo na rin ako upang hindi na ako mahirapan pa sa kalungkutang ito, anak! Anak! Anak ko!” pagtangis ni Aling Belen sa kabaong ng anak.

Ngunit kahit ano pang pagsisisi at iyak ang gawin ni Aling Belen ay hindi na maibabalik pa nito ang nasayang na buhay ng kaniyang nag-iisang anak na si Tonton.

Advertisement