
Ipinapadala ng OFW ang Lahat ng Sahod Niya sa Pamilya; Ikabibigla Niya ang Tutulong sa Kaniya nang Siya naman ang Mangailangan
“Ate Ynes, baka naman pwede akong makautang ulit sa’yo. Babayaran ko na lang sa katapusan. Kulang na naman daw kasi ang naipadala ko kahapon kay nanay. Humihingi ng kaunting dagdag kasi nga ang daming bayarin. Pasensiya ka na,” wika ni Vangie sa kapwa niya OFW at kasama sa trabaho na si Ynes.
“Parang napapadalas ata ang panghihiram mo, Vangie. Hinay-hinay ka sa pagpapadala sa pamilya mo sa Pilipinas. Dapat ay may natitira ka pa rin para sa sarili mo,” paalala naman ng ginang.
“Alam ko naman ‘yun, Ate Ynes. Pero kahit ikaw man ay hindi ka makakahindi kapag hiningan ka ng tulong ng pamilya mo, ‘di ba? Saka sila naman talaga ang dahilan kaya tayo nagpakalayu-layo at nagpapakapagod dito sa ibang bansa,” muling sambit naman ni Vangie.
“Hindi ko naman sinabi na huwag kang magbigay. Ang sa akin lang ay huwag mong ibigay sa kanila lahat hanggang sa wala nang matira sa iyo tapos nagkakanda utang utang ka pa,” pahayag muli ni Ynes.
“Kung ayaw mo akong pautangin, Ate Ynes, ay ayos lang naman sa akin. Hindi mo na ako kailangan pang sermunan,” wika pa ni Vangie.
“Hindi naman kita sinesermunan, Vangie. Isa lang itong paalala. Nangyari na kasi sa akin ang ganiyang bagay. Tapos nung ako na ang nangailangan ay wala naman akong matakbuhan. Kaya iba pa rin kung may sarili tayong ipon. Hindi naman habang buhay ay malakas tayo at nagtatrabaho. Para na rin kitang nakababatang kapatid, Vangie. Nag-aalala ako para sa kinabukasan mo. Huwag mong masamain ang sinasabi ko. Siya nga pala, magkano ba ang kailangan mo?” sambit pa ng kaibigan.
Matapos ang diskusyon na iyon ay pinautang pa rin naman ni Ynes itong si Vangie.
Nangangamba itong si Ynes sa kasamahan niyang si Vangie. Limang taon na kasi silang magkasama sa trabaho ngunit wala pa ring naipupundar o naiipon itong si Vangie. Imbis kasing magtabi para sa sarili ay ipinapadala ni Vangie ang halos lahat ng kaniyang ipon. Nagtitipid na lang siya sa lahat ng bahay at tinitiis na kumain na lamang ng de lata o noodles may maipadala lang sa pamilya.
Wala pa namang sariling pamilya ang dalagang si Vangie pero ibinigay na sa kaniya ang lahat ng responsibilidad sa pagtaguyod sa kaniyang pamilya. Kahit may mga asawa at anak na ang kaniyang mga kapatid ay nakaasa pa rin ito sa dalaga.
Isang araw ay napansin ni Ynes na nababagabag na naman itong si Vangie.
“Huwag mo sabihin sa aking humihingi na naman ng pera ang pamilya mo?” usisa ni Ynes sa kaibigan.
“Nasira raw kasi ‘yung tricycle na pinapasada ng kuya ko. Kailangan daw maipagawa kasi ‘yung lang ang inaasahan ng mag-iina niya. Hindi naman na ako makapag-advance ng sweldo sa opisina dahil kaka-advance ko lang. Hindi ko na alam kung saan pa ako kukuha ng pera,” tugon naman ni Vangie.
“Bakit hindi mo kasi sila pabayaan na maghanap muna ng paraan, Vangie? Sabihin mo sa kanila na wala ka na ring pera. Matanda na ang kuya mo. Alam na niyang dumiskarte para sa pamilya niya,” payo naman ni Ynes.
“Nahihiya ako. Baka isipin ng pamilya ko ay pinagdadamutan ko sila. Saka ayaw kong may marinig pa sila sa ibang tao dahil sa nangungutang sila. Sasabihin din ng mga ‘yun ay ano ang ginagawa ko dito sa ibang bansa?” depensa naman ng dalaga.
“Huwag mo nang pakinggan pa ang mga sinasabi ng tao, Vangie. Ginagawa mo naman ang lahat ng kaya mo para sa kanila. Ngayon naman ay pagkakataon na nilang gumawa ng paraan para sa kanilang sarili,” bwelta naman ng kaibigan.
Kahit anong payo ni Ynes ay hindi nakikinig sa kaniya si Vangie. Nakuha na naman nitong mangutang sa iba nilang kaibigan.
Dumaan ang mga buwan at patuloy na nabaon itong si Vangie sa utang dahil sa hindi pagtanggi sa tuwing manghihingi ang kaniyang pamilya sa Pilipinas.
Hanggang sa isang araw habang nasa trabaho ay bigla na lamang hinimat@y itong si Vangie. Agad siyang dinala sa klinika ng kumpanya at doon ay nalaman na kulang sa sustansya ang kaniyang katawan. Nagsisimula na ring magkaroon ng pamumuo ng bato sa kaniyang apdo.
“Tignan mo, isinasakripisyo mo ang lahat para sa pamilya mo, kahit na ang kalusugan mo. Unahin mo muna ang sarili mo, Vangie. Kapag nagkasakit ka nang tuluyan ay lalo kang mahihirapan at ang pamilya mo. Baka mapaalis ka pa sa trabaho,” saad pa ni Ynes.
Muli ay hindi nakinig si Vangie sa mga sinasabi ng kaniyang kaibigan. Patuloy na ginigipit ng dalaga ang kaniyang sarili upang may maipadala sa walang habas na paghingi ng kaniyang pamilya.
Hanggang sa tuluyan na ngang naapektuhan ang bato ni Vangie. Tulad ng sinabi ni Ynes ay napaalis nga sa trabaho ang dalaga dahil sa pagkakasakit nito. Napilitan na itong bumalik sa Pilipinas.
Sa kaniyang pagbabalik, imbis na maawa ang kaniyang pamilya sa kaniyang kalagayan ay mas inalala pa ng mga ito kung saan kukuha ng panggastos.
“Paano na tayo ngayon niyan? Bakit kasi hindi mo inalagaan ang sarili mo? Imbis na makatulong ka sa pamilyang ito ay naging pasanin ka pa! Siguro naman ay may ipon ka, ano?” saad ng ina ni Vangie.
Napayuko na lamang at kusang tumulo ang mga luha ng dalaga. Naisip niya ang lahat ng paalala sa kaniya ng kaibigang si Ynes. Labis ang kaniyang pagsisisi.
“Wala akong naipon dahil lagi kong ipinapadala sa inyo dito sa Pilipinas. Hindi ko akalain na tama pala ang sinasabi ng kaibigan ko. Dapat nga ay inuna ko muna ang sarili ko,” lumuluhang sambit ni Vangie.
Nang malaman ni Ynes ang nangyaring ito sa kaibigan ay kaagad itong nagbigay ng tulong para sa pagpapagamot nito. Humingi rin ng tulong ang ginang sa mga kasamahan niya upang makatulong sa gamutang kailangan ni Vangie.
Kung maibabalik lang ni Vangie ang nakaraan ay makikinig na siya sa mga paalala ng kaniyang kaibigang si Ynes. Sa ngayon ay kailangan na muna niyang umasa sa mga tulong ng mga kaibigan at ilang kamag-anak para sa patuloy niyang gamutan.