
Ayaw nang Mag-asawang Muli ng Babaeng Ito, Ikakagulat Niya ang Maririnig Mula sa Sariling Anak Ukol sa Kaniyang Pag-aasawang Muli
“Maricar! Ano na, ikaw na lang ang walang asawa sa atin? Kailan ka ba magjo-jowa? Gusto mo bang ipakilala kita sa mga barkada ng asawa ko? Marami akong kilalang single at may mga anak din,” wika ni Trina, katrabaho ng babae.
“Naku, masaya na ako sa anak ko at saka wala pa akong makitang lalaki na tatanggap sa amin at hindi ‘yung ako lang,” sagot ni Maricar sa babae habang nagbibilang sila ng barya sa kanilang kaha.
“Hay naku, sayang ‘yang ganda mo! Isa pa, malaki naman na ‘yang junakis mo at lalaki pa, maiintindihan na niya ang mga bagay-bagay kung magkaroon ka man ng bagong asawa. Kumbaga mas maliit ang tiyansa na maghimutok ‘yun kasi lalaki naman nga hindi katulad ng mga babaeng anak na naririnig ko. Dali na, subukan mo na! Ang dami mong nakapilang manliligaw oh!” pilit muli ni Trina sa kaniya.
“Hayaan mo na ako, ayaw ko nga sa mga ganiyan,” natatawa na lamang na sabi ni Maricar sa katrabaho.
“Hay naku, maiba tayo, nabalitaan mo ba si Michelle, ‘yung umalis na kahera nung nakaraang buwan lang? ‘Di ba kasintahan ‘yun nung guwardiya rin dito? Ayon, naghiwalay kasi nahuli raw nung lalaki na may kas*ping na iba ‘yung nobya niya! Ang masakit pa, babae raw ‘yung nasa kama! Nakakasuka!” sabi ni Trina at bigla siyang napahawak sa kaniyang bibig upang pigilan ang kunwaring pagsuka nito.
“Mas okay pa raw sana sa lalaki na lalaki rin ‘yung makita niyang kasama nung nobya niya kaya lang nandiri raw siya kaya ayon, sa kahihiyan ay umalis na lang ‘yung kahera! Grabe no? Totoong nangyayari pala talaga ‘yung mga ganung kwento, nakakapangilabot,” dagdag pa ni Trina.
“Anong nakakapangilabot dun? Hindi ba dapat mas maawa ka sa kahera kasi nawalan siya ng trabaho at bukod pa roon ay pinuputakte siya ng chismis? Kasalanan ang magkaroon ng iba, oo, pero para sa akin hindi kasalanan kung parehas sila ng kasarian!” baling ni Maricar sa katrabaho.
“Hala, seryoso ka ba? Okay sa’yo ‘yang mga babae na nagsasama? Anong masaya sa daliri?!” malakas na tawa ni Trina sa kaniya. Hindi naman na nagsalita pa si Maricar at napailing na lamang siya lalo na nang makita niyang papalapit na naman ang isa niyang katrabaho na pumuporma sa kaniya.
“Mauna na ako,” mabilis na paalam ng babae at dali-dali na siyang umuwi.
“Ma, bakit nakasimangot ka?” tanong ni Jacob ang dose anyos na anak ni Maricar sa pagkadalaga.
“Wala naman, anak, kinukulit na naman kasi ako ng mga manliligaw ko. Alam mo na, napakaganda kasi ng nanay mo,” birong sagot niya sa bata.
“Sige na, ‘ma, mag-asawa ka na ulit. Ayos lang sa akin kahit magkaroon pa ako ng kapatid,” sabi ni Jacob sa kaniya habang abala ang bata sa paglalaro sa kaniyang telepono.
“Naku, pati ba naman ikaw, pagtutulakan akong mag-asawa! Makapag-asawa na nga!” birong sigaw muli ng babae rito saka napabuntong hininga.
“Anak, kung alam mo lang, gustong-gusto ko nang mag-asawa pero mahirap. Mahirap para sa akin at mas magiging mahirap para sa’yo,” biglang seryosong sinabi iyon ni Maricar sa kaniyang anak at napaupo na lamang siya.
Saglit naman na hindi sumagot si Jacob at tinignan lamang siya nito.
“Ma, ayos lang sa akin kahit si Tita Jun ‘yung maging bagong tatay ko,” ngiting sabi ni Jacob sa kaniya.
Mabilis na namutla at pinagpawisan si Maricar nang marinig iyon. Gusto niyang magsalita kaagad ngunit pakiramdam niya’y nanunuyo ang kaniyang bibig at ayaw lumabas ng mga salita sa kaniyang labi.
“Matagal ko naman na pong alam,” dagdag pa ni Jacob sa kaniya.
“Anong ibig mong sabihin, anak?” nanginginig na tanong ng babae rito.
“Matagal ko naman na alam, ‘ma, na magkarelasyon kayo ni Tita Jun. Naghihintay lang naman ako sabihin mo sa akin,” ngiting sagot ng kaniyang anak.
Hindi sumagot si Maricar at mas nauna ang pagbagsak ng kaniyang mga luha.
“Patawarin mo ako, anak, patawarin mo ako!” paulit-ulit na sabi ng babae kay Jacob.
“Ma, hindi mo kailangan mag sorry, mahal kita kahit sino pa ang maging tatay ko na gusto mo basta ba hindi mo ako ipagpapalit sa kanila,” birong sabi pa ng kaniyang anak. Napatitig na lamang si Maricar dito at hindi makapaniwala na dose anyos lamang ito ngunit tanggap na niya ang mundong napakagulo.
Resulta ng isang malagim na kaharasan si Jacob sa buhay ni Maricar noon ngunit mas pinili niyang kalimutan ang sarili at mas pinili niya ang maging isang mabuting ina. Kaya naman tinago-tago talaga niya ang totoong pagkatao dahil bukod sa marahas ang mundo ay mas masakit para sa kaniya kung aapihin ang bata nng dahil lamang sa lihim niyang ito. Pero ngayon na tanggap siya ng anak ay wala na siyang mahihiling pa. Handa na siyang harapin ang mapanghusgang mundo.