Inday TrendingInday Trending
Muli Niyang Nakita ang Babaeng Dati Niyang Minahal; May Pag-asa pa Kayang Muling Maibalik ang Dati Nilang Pagmamahalan?

Muli Niyang Nakita ang Babaeng Dati Niyang Minahal; May Pag-asa pa Kayang Muling Maibalik ang Dati Nilang Pagmamahalan?

“‘Tol, tama ba ang hinala ko? Nakikita mo rin ba ang nakikita ko?” Nagdadalawang-isip na wika ni Kevin sa kaibigang si Leonel, habang naniningkit ang mga matang nakatingin sa malayo.

“Ano ba iyon?” takang tugon ni Leonel.

“Si Sandra ba talaga iyang nakikita kong papalapit rito?” anito sabay nguso sa direksyong patungo sa pintuan ng kainan.

Agad naman niyang nilingon ang itinuturo ng nguso nito. Kagaya ni Kevin ay tila nanigas si Leonel sa kaniyang kinauupuan nang mapag-sino ang babaeng naglalakad papasok sa naturang restaurant.

Tama ang kaibigan, si Sandra nga ang nakikita nito. Si Sandra ang kaniyang dating nobya. Ilang taon na rin silang hiwalay ng babae at mula noong huli nilang engkwentro’y hindi na niya ito muli pang nakita, ngayon na lamang at ang laki nang ipinagbago nito kaysa sa noong sila pa.

“Hi,” nakangiting bati ni Sandra sa kanila ni Kevin.

Hindi man lang napansin ni Leonel ang paglapit ni Sandra sa pwesto nila, masyadong natuon ang isipan niya sa mga alaalang agad na rumagasa sa kaniyang isipan na tila isang tubig baha.

“Sandra, ikaw na ba talaga iyan?” naninigurong tanong ni Kevin sa dalaga.

Agad namang gumuhit ang ngiti sa labi ni Sandra dahil sa sinabi ni Kevin. “Ako na nga ito,” sagot nito.

“Ang laki nang ipinagbago mo, Sandra. Sa totoo lang ay hindi kita nakilala, kailangan ko pang siguraduhing ikaw nga bago pa ako naniwalang ikaw nga ang Sandra’ng kilala ko,” nakangiting paliwanag ni Kevin.

Nginitian lamang ni Sandra si Kevin saka nilingon ang gawi ni Leonel. “Kumusta?”

“A-ayos lang n-naman,” nauutal niyang sambit. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin, pero sa totoo lang ay masayang-masaya siya ngayong nakita niya ulit si Sandra.

“Long time no see, hindi ko naisip na sa nakalipas na apat na taong hindi ko kayo nakita’y dito pa tayo muling magkikita,” magiliw na wika ni Sandra.

“A-ako rin, hindi ko rin inaasahang makikita kita rito,” aniya.

Kung susundin lamang ni Leonel ang isinisigaw ng puso niya’y nais niyang tumayo at yakapin ito nang mahigpit. Namiss niya si Sandra, tama si Kevin, malayong-malayo na ang itsura nito ngayon kaysa noong sila pang dalawa. Mas gumanda si Sandra ngayon kaysa noon na mukha itong may pasan na daigdig sa likod.

Akmang ibubuka na sana ni Leonel ang kaniyang bibig upang bumulalas ng salita nang biglang may tumawag sa pangalan ni Sandra. Nang kaniyang lingunin ay nakita ang lalaking may matipunong pangangatawan, bagay rito ang suot na amerikana. Matangkad rin ang lalaki at taglay ang gwapong mukha na siyang pinapantasya ng nakakarami.

“Nandito ang table nila mama at papa,” anito. Kitang-kita ang pantay-pantay at ang mapuputing ngipin.

“Yes love, wait lang susunod ako. Kakausapin ko lang muna ang mga kaibigan ko,” ani Sandra sa lalaki.

Pakiramdam ni Leonel ay nanlamig siya sa kaniyang kinauupuan. Bigla’y parang hiniwa-hiwa ang kaniyang puso habang binubudburan ito ng asin. Ang sakit isipin na ang dating babaeng pinakamamahal niya’y may iba nang tinatawag na “love” at hindi na iyon para sa kaniya, kung ‘di para sa lalaking bagong minamahal na nito ngayon.

“Nobyo mo, Sandra?” puno ng kuryusidad na tanong ni Kevin.

Ngumiti si Sandra sabay tango. “Asawa ko, Kevin, at siya rin ang nagmamay-ari ng restaurant na ito. Kaya natutuwa ako na makitang narito kayo, um-order lang kayo ng gusto niyong pagkain at ako na ang bahala.”

Hindi napigilan ni Kevin ang mapasinghap nang malakas sa sinabi ni Sandra. Halata sa mukha at mga mata ni Sandra ang nag-uumapaw na saya, ngayon ay alam na niya ang dahilan. Hindi kagaya noong sila pa na malungkot ang mga nakikita niya sa mga mata nito.

Naghiwalay sila noon ni Sandra dahil sa kaniya. Sa tagal nang naging relasyon nila’y nagsawa siya at naghanap ng ibang babaeng bubuhay ulit ng kaniyang interes. Ilang beses niyang pinagtaksilan noon si Sandra, pero lahat ay tiniis nito huwag lamang siyang mawala.

Akala niya noon ay mas magiging masaya siya kapag tuluyan nang nawala sa buhay niya si Sandra, ngunit nagkamali siya! Naging mas miserable ang buhay niya, hinanap-hanap niya ang presensya ni Sandra, ngunit mula nang ipinagtabuyan niya ito’y hindi na niya ito muli pang nakita— hanggang sa araw na ito.

Gusto niyang humagulhol ng iyak sa pagsisising noon pa man ay dala-dala niya sa puso. Tunay ngang palaging nasa huli ang pagsisisi. Gusto man niyang ibalik ang lahat nang nasayang sa kanila ni Sandra ay hindi na maaari pa. Dahil ang babaeng sinayang niya noon ay pinapahalagahan na ng ibang lalaki ngayon. Ang tang@ niya at ito nga siguro ang nararapat sa kaniya— bilang kabayaran sa mga kasalanang ginawa niya noon kay Sandra.

Advertisement