
Ayaw Niyang Pirmahan ang mga Papeles na Magpapawalang-Bisa sa Kasal Nila ng Asawa; Ito Pala ang Kaniyang Dahilan
Umagang-umaga pa lang ay narito na si Henry kasama ang pamilya nito sa bahay ng kaniyang mga magulang, kung saan siya ngayon nakikituloy. Anim na taon rin siyang nagtrabaho sa ibang bansa bilang sales lady. Kada-dalawang taon ay umuuwi siya upang makasama ang kaniyang mga mahal sa buhay dito sa ‘Pinas. Masaya naman silang lahat noon, ngunit hindi na ngayon.
Narito si Henry at ang buong pamilya nito para pakiusapan siyang pirmahan na ang annulment papers na inihain ng asawa upang mapa-walang bisa ang kanilang kasal.
“H-hindi ko kayang pirmahan iyan, Henry,” mahinang sambit ni Elodia sa asawa habang ang buong tingin ay nasa hawak nitong papeles.
“Hindi na kita mahal, Elodia,” anito.
Animo’y may patalim na hawak si Henry at dahan-dahang sinasaks*k sa kaniya sa pamamagitan nang salita nito. Hindi niya alam kung kailan nagsimulang magkagulo ang lahat. Noong huling uwi niya’y masaya pa naman sila, bakit bigla na lang nanlabo ang lahat at ngayon ay sinasalubong siya nito ng annulment papers?
Nasa Japan pa lang siya’y alam niyang may ibang babae na ang asawa at nang huli niya itong nakausap at awayin ay ito pa ang mas nagalit at sinabing handa na itong makipaghiwalay sa kaniya na para bang siya pa ang nagkasala rito. Ang tanging kasalanan lang naman niya’y palagi siyang wala sa tabi ng asawa dahil sa trabaho niyang nasa malayong lugar.
Hindi pa siya nakakauwi ng Pinas ay nakipaghiwalay na sa kaniya si Henry, kaya noong umuwi siya’y dumeretso siya sa bahay ng kaniyang mga magulang. Tatlong araw pa lang siyang nakakauwi ay heto na ang asawa kasama ang pamilya nito, nakikiusap na piramahan niya ang pagpapawalang bisa sa kasal nila.
“Patawarin mo ako kung hindi ko na matutupad ang ipinangako natin noon sa isa’t-isa. Pero talagang wala na sa’yo ang puso ko, Elodia. Si Sanya na ang mahal ko at ayokong ang kasal natin ang maging dahilan kung bakit iiwanan niya ako,” puno nang pait na wika ni Henry.
“Minahal naman kita, Elodia, alam mo ‘yan. Sa’yo umikot ang buong mundo ko noon. Hindi ko rin alam kung bakit bigla na lang nawala ang pagmamahal ko sa’yo, siguro kasi hindi kita palaging nakakasama. Sa mga panahong kailangan kita’y nasa malayo ka… pero hindi ko ibinibintang sa’yo ang lahat, Elodia. Kasalanan ko kasi hindi ko nakayanan ang distansya natin, kaya nagmahal ng iba ang puso ko. Palayain na lang natin ang isa’t-isa sa pamamagitan nang pagpapawalang bisa sa kasal natin,” mahabang sambit ni Henry.
Agad namang nag-unahan ang luha sa mga mata ni Elodia dahil sa sinabi ni Henry. “Nangulila rin naman ako sa’yo noon, Henry, pero ni minsan hindi ko inisip na palitan ka dito sa puso ko,” punong-puno ng sakit niyang sambit. “Kinailangan kong lumayo para tuparin ang pangarap nating mag-asawa. Ibinigay ko sa’yo ang buo kong pagtitiwala, kaso naging marupok ka lang kaya nakuha mong magmahal ng iba,” humahagulhol niyang dugtong.
Agad naman siyang nilapitan nang kaniyang ina upang patahanin.
“Pababayaan kita sa gusto mong mangyari. Hindi ko kayo guguluhin ni Sanya, ipapaubaya kita sa kaniya at hahayaan kayong maging masaya kahit na sobra akong masasaktan,” tumatangis niyang sambit.
“Pero nakikiusap ako, Henry, na sana huwag mo akong piliting pirmahan ang annulment na iyan. Kasi hindi ko pa kaya sa ngayong isipin na mapapawalang bisa ang kasal nating dalawa. Matagal kong pinangarap noon na sana makasal ako sa taong mahal na mahal ko at ikaw ‘yon. Nangako akong mamahalin kita hanggang sa huling hininga ko. Ang kasal natin noon ang nagpapatatag sa’kin para magpatuloy sa buhay kahit nahihirapan na ako sa ibang bansa. Hindi ito ang pinangarap kong mangyari noong pumayag akong pakasalan ka,” aniya at mas lalong umiyak kaya ang mga magulang ni Henry naman ang umalo sa kaniya.
“Tahan na, Elodia, sana mapatawad mo pa kami ng anak ko,” nahihirapang sambit ng ina ni Henry habang panay ang himas sa kaniyang likod upang siya’y pakalmahin.
“Pinapalaya na kita, Henry, pero sana maintindihan mong hindi ko pa kayang pirmahan ang bagay na iyan. Hindi ito ang ipinangako natin noon… hayaan mo muna akong dalhin ang apelyido mo, kahit iyon na lang. Kahit alam kong hindi ko na kayang dalhin ulit ang pagmamahal mo. Pangako, hindi ako manggugulo,” ani Elodia.
Dala nang awa ay hindi napigilan ni Henry ang yakapin si Elodia. “Patawarin mo ako, Elodia. Patawarin mo ako kung nasaktan kita.”
Siguro nga’y sadyang may mga taong ipinagtagpo pero hindi itinadhana at isa sila ni Henry sa mga taong iyon. Napakasakit lang dahil hindi ito ang pinangarap niyang mangyayari sa relasyon nila, pero kahit labanan man niya ang tadhana’y wala na siyang magagawa pa. Itinadhana si Henry sa iba at hindi sa kaniya.
Mahirap mang maging masaya, pero pipilitin niyang magpatuloy sa buhay na hindi na kasama si Henry. Darating din siguro ang araw na makakaya na niyang pirmahan ang annulment papers na iyon, pero sa ngayon ay gusto niya pang manatiling si Mrs. Dela Fuente, kahit na hindi na siya ang mahal nito. Handa siyang ipaubaya ito sa taong bagong mahal nito, kahit alam niyang sobra siyang masasaktan.