Inday TrendingInday Trending
Gamit ang Luma at Mahinang Klase ng Bisikleta’y Sinikap ng Lalaking Ihatid ang Order ng Binata; Napahanga ang Kostumer sa Sipag Nito

Gamit ang Luma at Mahinang Klase ng Bisikleta’y Sinikap ng Lalaking Ihatid ang Order ng Binata; Napahanga ang Kostumer sa Sipag Nito

Alas diyes pa lang nang umaga’y may nag-text na sa kaniya upang ipaalam na paparating na ang kaniyang in-order online. Kaya imbes na papasok siya sa tindahan nila’y napagdesisyunan niyang umabsent na muna. Wala kasing ibang tao sa bahay, dahil nasa tindahan na ang nanay at tatay niya, habang ang bunsong kapatid niya naman ay nasa paaralan na. Kaya siya lang talaga ang tatanggap sa delivery na iyon.

Ngunit ala-una na nang hapon ay wala pa rin ang rider na naghahatid sa kaniyang parsela. Kanina pa siya naghihintay at naiinip na siya sa kakahintay. Naiinis na siya’t balak na sana niyang ikansela ang order nang may mag-doorbell.

Inisip niya agad na baka ito na ang rider na magde-deliver ng kaniyang parsela. Agad niyang hinanda ang sarili at naghanda nang mga litanyang ibabato rito. Handang-handa na siyang pagalitan at pagsabihan nang masasakit na salita ang rider nang sa kaniyang paglabas ay nagulat siya sa lalaking bumungad sa kaniya.

“Hello sir, magandang hapon po,” nakangiting bati ng lalaki.

Naliligo ito sa pawis, hingal na hingal at halatang hapong-hapo sa biyahe. Sakay ng ordinaryong bisikleta nito na may sadyang inilagay na basket sa harapan upang paglagyan nang mga dala nitong parsela na binalot nang maigi upang hindi masira sa mahabang biyahe.

“Ikaw ang may dala ng order ko, kuya?” hindi makapaniwalang tanong ni Albert.

Tumango ang lalaki at manipis na ngumiti. “Opo sir.”

“Iyan lang ang gamit mo? Mula Tondo hanggang dito sa Taytay?”

Muling tumango ang lalaki. “Opo,” sagot nito. “Ang totoo po niyan ay kaninang alas otso pa ako nagsimulang bumiyahe papunta rito. Kaso dahil ordinaryong bike lang ang gamit ko kaya heto inabot ako nang hapon,” anito at bahagyang tumawa. “Lima kayong paghahatiran ko rito, sir,” dugtong nito.

Paano niya paglilitanyahan ang taong ito? Paano niya pa ilalabas ang galit sa taong ito gayong kitang-kita niya ang hirap nito makarating lamang sa malayong lugar na ito?

“Bakit naman kasi kayo pumayag na maghatid sa ganito kalayong lugar?”

Matamis na ngumiti ang mamá saka malamlam na tumingin sa kaniya.

“Laking pasasalamat ko nga po dahil ang may-ari ng tindahang ito’y hindi namimili ng trabahante. Basta kaya mo’y tatanggapin ka niya. Kaysa tumambay lang po ako sa’min sir, yaman na ring maituturing ang magkaroon nang ganitong trabaho. Lahat naman ng trabaho’y mahirap, pero nag-eenjoy naman ako sa trabahong ito, kahit madalas ay naka-assign ako sa malalayong paghahatiran, ayos na. Pagkatapos naman nang paghihirap ko’y may sasahurin naman ako’t may maipambibiling pagkain para sa pamilya ko,” nakangiting wika ng lalaki.

Bigla siyang nakaramdam nang habag at bilib sa taong kausap niya ngayon. Tama! Kaysa tumabay at maging si Juan Tamad, ay mas mabuti na ring magkaroon ng trabaho kahit mahirap basta ang mahalaga’y may sasahurin pagkatapos nang araw.

Kinuha niya ang kaniyang order saka binayaran ito at binigyan nang malaking tip ang mamá na no’ng una’y ayaw pa nitong tanggapin.

“Tanggapin mo na ang tatlong daang piso na iyan kuya, pangkain mo na rin iyan sa daan habang pauwi ka. May apat ka pang parselang dala oh, mamaya niyan magugutom ka,” aniya habang pilit ibinibigay rito ang kaniyang sukling tatlong daan.

“Naku sir! Sobrang laki naman nito,” tanggi nito.

“Hayaan mo na. Isipin mo na lang na pasko ngayon at pamasko ko iyan sa’yo,” biro niya.

Agad na ngumiti ang mamá saka hinugot ang isang daang piso. “Ito na lang, sir. Mura lang naman ang pagkain sa karindeya, ayos na itong isang daan. May kanin at ulam na akong mabibili nito,” sinserong sambit nito.

Mas lalo siyang humanga sa lalaking kausap. Ito ang klase nang taong hindi nananamantala. Nakakabilib lang isipin na sa panahon ngayon ay may tao pa rin pa lang kagaya ng taong ito.

“Salamat rito, sir. Sana huwag kayong magsawang um-order sa tindahan ng amo ko. Malaking tulong na po iyon sa’ming mga trabahante niya,” anito saka pumuwestong aalis na.

“Makakaasa ka, kuya. Sana sa susunod kong order ikaw ulit ang maghahatid ha para kahit papaano’y makabawi naman ako sa’yo,” aniya.

Ngumiti ang lalaking hindi man lang niya nakuha ang pangalan. Kumaway ito saka umarangakadang pumadyak palayo sa pwesto niya. Ang inis na naramdaman niya kanina habang naghihintay sa rider ng kaniyang parsela, ngayon ay tuluyan nang nawala at napalitan ng paghanga para sa taong dedikado sa kaniyang trabaho.

Ito ang mga taong hindi nakakapanghinayang tulungan, dahil hindi sila nanamantala at kahit maliit na bagay lang ang ibigay mo sa kanila’y tila napakalaki na niyon at labis-labis na ang kanilang pasasalamat.

Makakaasa itong hindi lang ito ang una niyang order sa tindahan ng amo nito at ipagsasabi pa niya ang magandang balitang iyon sa iba upang mas lumawak at dumami pa ang bibili sa paninda ng amo nito.

Advertisement