
Pinagdamutan Niya ng Kuryente ang Kapitbahay na Gipit; Labis Niya Iyong Pinagsisihan
“Martina! Martina!”
Halos kalampagin ni Letty ang pinto ng kapitbahay. Paano ba naman, isang linggo na itong hindi nagbibigay ng pambayad sa kuryente!
Halos hindi niya na mabilang kung ilang beses niya na pinagbigyan ang kapitbahay.
“Letty!” nanlalaki ang matang bungad ng babae.
“Mabuti naman at natiyempuhan din kita! Para kasing pinagtataguan mo ako noong mga nakaraang araw eh,” nakapamewang na pasaring niya sa babae. Inis na inis siya sa kapitbahay.
“Naku, hindi! May pasok kasi ako sa trabaho kaya hindi tayo nagpapang-abot,” agarang tanggi nito.
“Kukunin ko na kasi ang pambayad sa kuryente. Isang linggo akong naghintay, pero wala akong natanggap na bayad mula sa’yo,” taas kilay na bulalas niya.
Tila napapahiyang nagyuko ito ng paningin.
“Letty, tungkol diyan… baka naman maaari akong makiusap sa’yo. Kapos na kapos kasi talaga kami ngayong buwan at wala kaming ekstra na natira para sa kuryente. Baka naman pwedeng sa susunod na buwan na kami magbayad?” nakikiusap na tugon ng babae.
Tila nagpanting ang tenga niya sa narinig. Ang kapal naman ng mukha nito! Ito na nga lang ang nakikisalo sa kuryente nila, may gana pa itong mangutang?
Bumalatay ang galit sa kaniyang mukha.
“Naku, hindi pwede ‘yan, Martina! Masyado na kayong umaabuso! Kung hindi kayo makakabayad ngayong araw ay wala akong magagawa kung hindi putulan kayo ng kuryente!” matigas na pagdedesisyon niya.
“‘Wag naman, Letty. Mainit ang panahon. Kawawa naman ang mga bata kung wala kaming electric fan man lang. Saka kailangan namin ng telepono kung sakaling may emergency,” muli ay tila nagpapaawang pakiusap nito.
“Hindi ko na problema ‘yun, Martina. Pagkagat ng dilim at wala pa akong natanggap eh puputulin ko na ang kuryente niyo,” masungit na wika niya sa kausap.
“S-sige. Susubukan ko,” tila napipilitang pangangako nito.”
Iyon lang tinalikuran niya na ang kausap.
“Kaya may mga taong umaabuso dahil may mga nagpapaabuso,” sa loob loob niya.
Maghapon niyang hinintay ang pagtawag ng kapitbahay subalit kalat na ang dilim ay hindi siya nakarinig ng kahit na ano mula rito.
Sandali pa siyang naghintay at maya maya ay narinig niya ang boses ni Martina na nagtatawag.
“Pasensiya ka na, Letty. Sinubukan ko naman gawan ng paraan kaso hindi talaga ako nakapangutang. Baka naman pwedeng bigyan mo ako kahit hanggang bukas?”
Matigas ang naging pagtanggi niya. Ang usapan ay usapan. “Hangga’t hindi kayo nakakabayad ay hindi ko ibabalik ‘yan,” babala niya pa.
Bagsak ang balikat nito nang lisanin ang kaniyang bahay.
Pagkaalis na pagkaalis nito ay ginawa niya kung ano ang napag-usapan. Tinaggalan niya ng kuryente ang kapitbahay. Kitang kita niya pa ang pagkamatay ng mga ilaw sa katabing bahay.
Madaling araw nang naalimpungatan si Letty. Tila kasi may narinig siyang ingay mula sa labas ng bahay.
Kumabog ang kaniyang dibdib. Nag-iisa pa naman siya sa bahay dahil sa ibang bansa nagtatrabaho ang asawa niya.
“Baka pusa lang na nakapasok,” sa loob loob niya habang pilit na pinaglalabanan ang nararamdamang takot.
Subalit nang bubuksan niya na ang pinto upang usisain ang ingay na narinig ay may mahihinang tinig siyang naulinigan.
“Anong gagawin natin ‘pag nahuli tayo ng may-ari ng bahay?” wika ng isang tinig.
“Takutin mo! ‘Pag nanlaban, barilin mo!” sagot naman ng isa.
Kinilabutan siya. Napasok ng magnanakaw ang bahay niya!
“Limasin mo lahat!” narinig niya pang wika ng isa.
Siniguro niyang nakakandado ang kaniyang pinto bago niya hinagilap ang kaniyang cellphone upang humingi ng saklolo.
Ngunit ilang minuto na ang lumipas ay hindi niya pa rin nakikita ang hinahanap. Bumagsak ang kaniyang balikat nang maalalang naiwan niya ito sa sala nang manood siya ng TV doon.
Nang ilibot niya ang tingin ay nabuhayan siya ng loob nang makita ang telepono.
Agad siyang tumawag ng pulis.
“Hello? Kailangan ko ng tulong! May magnanakaw sa bahay ko!” tarantang bungad niya sa kausap.
Hiningi nito ang address niya. Ngunit nalaglag ang balikat niya sa sunod nitong sinabi.
“Naku, mukhang matatagalan pa ho ang pagresponde namin. Bigyan niyo ho kami ng trenta minutos,” wika nito.
“Ano? Paano kung saktan nila ako?” galit na tugon niya.
“Magtawag ho muna kayo ng kapitbahay na makakatulong sa inyo,” suhestiyon nito.
Nagliwanag ang kaniyang mata. Bakit nga ba hindi niya naisip iyon?
Agad niyang tinawagan ang kapitbahay na si Martina. Ang numero lamang nito ang naaalala niya dahil ito ang pinakamalapit niyang kapitbahay.
Subalit nakailang subok na siya ay hindi niya ma-contact ang kapitbahay.
Nang sumilip siya sa bintana ay ganun na lamang ang kaniyang pagsisisi at panghihinayang nang makita ang bahay nito na balot ng dilim.
Wala nga palang kuryente ang kapitbahay niya. Tinanggal niya iyon kahit na matindi ang pakikiusap nito.
Nang dumating ang mga pulis halos isang oras ang lumipas ay limas na ang lahat ng gamit sa kanilang bahay. Pinuwersa ng mga ito ang pagbukas sa kaniyang kwarto kaya naman lahat ng alahas, pera, at mga kagamitan ang nakuha ng mga ito.
Wala siyang nagawa kundi ang magtago sa ilalim ng kama habang nanginginig sa takot na saktan siya ng mga ito. Mabuti na lamang at hindi siya nakita ng mga magnanakaw.
Ang kaso ay nauwi lang sa wala ang mga ipinundar nilang mag-asawa.
Labis ang panghihinayang ni Letty. Marahil ay kung pinagbigyan niya ang mga kapitbahay ay naiba ang naging takbo ng mga pangyayari. Marahil ay nakasaklolo pa ang mga ito.
Napagtanto niya na sa sobrang pagdadamot niya ay labis din ang nawala sa kaniya.