Inday TrendingInday Trending
Nilait-lait Niya ang Pinsan na Isang “Tindera”; Isang Pangyayari ang Nagsadlak sa Kaniya sa Matinding Kahihiyan

Nilait-lait Niya ang Pinsan na Isang “Tindera”; Isang Pangyayari ang Nagsadlak sa Kaniya sa Matinding Kahihiyan

Pinigilan ni Chelsea na mapaismid nang makita ang pinsan niyang si Lorraine. May malaking ngiti ito habang papalapit sa kaniya.

Kahit kailan ay hindi niya naging kasundo ang pinsan. Magkaibang magkaiba kasi ang mga personalidad nila.

Siya ay matalino at elegante simula pa noong mga bata pa sila. Habang ito naman ay party at puro pagpapaganda lamang ang alam sa buhay noon pa man.

Kaya naman magkaibang magkaiba na rin ang pamumuhay nila. Siya, bilang isang big boss ng isang malaking kompanya, habang ito naman, nabuntis nang maaga kaya nagkasya na lamang sa pag-aalaga ng mga anak nito sa bahay.

“Insan, nagbe-bake ako ng iba’t-ibang klase ng cake. Meron ding iba’t-ibang klase ng pagkain. Baka may mga kakilala kang interesado. Pwede sa mga kasal, binyag, birthday, kahit na anong okasyon,” bungad nito.

Ikinagulat niya iyon. Hindi niya alam na mayroon pala itong negosyo. Isang pilit na ngiti ang isinukli niya sa pinsan.

“Sure. Saan ba ang store mo? Para mai-rekomenda kita,” sagot niya sa babae.

“Wala akong store talaga, eh. Pero pwede ako ma-contact online,” tila nahihiyang sagot nito.

Tumaas ang kilay niya sa narinig. “Ah, online store? Naku, sangkatutak na talaga ang online store, ngayon ano? Feeling ng mga tao, kahit sino, pwedeng mag-business,” natatawang may halong pasaring na komento niya.

Isang alanganing ngiti ang isinukli nito. Tila napahiya. “Pwede naman siguro basta pinag-aralan nang mabuti. Lahat naman ay maaaring sumubok,” depensa ni Lorraine.

“Isa pa, kumikita naman ako. May matatawag pa akong sariling negosyo. Malaking kabawasan na rin sa panggastos namin sa bahay,” kwento pa nito.

“Kasi naman, Lorraine, kung nakinig ka noon sa amin na bawas-bawasan mo ang pagbubulakbol mo noon, eh ‘di sana hindi ka nabuntis nang maaga, eh ‘di sana mas maayos ang buhay mo ngayon. Kahit pa sabihin mo na may negosyo ka, isa ka pa ring tindera na nagbebenta ng kung ano-ano para mabuhay,” prangkang sermon niya sa pinsan.

“Masaya naman ako sa takbo ng buhay ko, Chelsea. At ‘wag mong maliitin ang mga tindera na may maliliit na negosyo, kagaya ko. Lahat naman ng malalaking negosyo ay sa maliit nagsimula,” payo nito bago ito nagpaalam na aalis na.

Naiwan na lamang si Chelsea na nakataas ang kilay. Kahit ano pang sabihin nito ay hindi na magbabago ang pananaw niya!

Ngunit makalipas ang ilang buwan ay isang hindi inaasahang pangyayari ang nangyari at gumulat sa lahat.

Idineklara ng gobyerno ang pagkakaroon ng isang malawakang pandemya dahil sa mabilis na pagkalat ng isang nakahahawang sakit na walang lunas.

Pinayuhan ang mga tao na manatili sa loob ng bahay.

Halos lahat ay apektado, maliit man o malaking mga establisyemento ay nabawasan upang hindi kumalat ang nakahahawang sakit. Dahil dito ay sangkatutak na negosyo, maliit man o malaki, ang napilitang magsara.

Sa kasamaang palad ay isa ang kumpanya ni Chelsea sa mga huminto ang takbo. Sa isang iglap ay nawala ang mataas na posisyon na mayroon siya sa isang malaking kompanya.

“Diyos ko, saan naman ako hahanap ng trabaho sa panahong ito?” problemadong anas niya. Isang buwan na rin kasi ang lumipas ay hindi pa rin siya nakakatanggap ng tawag mula sa mga kompanyang inapplyan niya.

Mula sa paghahanap ng trabaho ay naagaw ang kaniyang atensyon nang makita sa social media ang post ng pinsan niyang si Lorraine.

Mukhang imbes na malugmok ang online store nito ay mas lalong dumami ang mga customer nito. Patok na patok sa madla ang mga pagkaing itinitinda nito.

Dahil kasi sa takot ng mga tao na lumabas ng bahay ay puro online na lamang ang bawat transaksyon.

Napabuntong hininga si Chelsea. Hindi man niya aminin ay nakararamdam siya ng inggit sa pinsan. Hindi niya akalain na mararamdaman niya iyon lalo pa’t lamang na lamang siya rito sa maraming aspeto.

Minaliit niya pa ito at hinamak noong huli silang nagkita! Ngayon ay tila wala siyang mukhang maihaharap dito.

Dalawang buwan pa ang lumipas at bigo pa rin si Chelsea na makahanap ng trabaho. Kinakabahan na siya lalo pa’t paubos na rin ang pera na naipon niya mula sa pagtatrabaho.

Tumunog ang kaniyang cellphone, hudyat na may nagpadala ng mensahe sa kaniya.

Nakita niya ang pangalan ng pinsan na si Lorraine. Hindi niya maiwasang mapahiya nang mabasa ang mensahe nito.

“Insan, nalaman ko kay Tita na isa ka pala sa mga nawalan ng trabaho noong pumutok ang pandemya. Gusto ko lang sabihin na kung sakaling kailanganin mo ng tulong, ‘wag ka mag-aatubiling lumapit sa akin.”

Napapailing na nagtipa siya ng mensahe para sa pinsan.

“Maraming salamat, Lorraine. Pasensiya ka na sa mga nasabi ko noon. Nagkamali ako. Ngayon ay mga kagaya mong online sellers ang namamayagpag. Ang galing ng naisip mong negosyo!”

Ang pangyayaring iyon ay tinuruan siyang magpakumbaba. Natutunan niya na hindi siya laging nasa taas, gaano man kataas ang pinag-aralan niya, o ang posisyon niya sa trabaho. Walang taong nasa ibaba kung walang taong nagmamataas.

Advertisement