Inday TrendingInday Trending
Pinag-interesan Niya ang Mamahaling Pulseras ng Kaibigan; Natameme Siya nang Malaman Kung Bakit Nito Binili ang Pulseras

Pinag-interesan Niya ang Mamahaling Pulseras ng Kaibigan; Natameme Siya nang Malaman Kung Bakit Nito Binili ang Pulseras

“Ano ba kasing gusto mong bilhin at ang aga-aga ay hinihila mo ako papunta sa mall?” usisa ni April sa kaibigan na si Jolly.

“Basta… may bibilhin akong maganda!” sabik na tugon nito.

Napapailing na nagpatianod na lamang siya sa gusto ng kaibigan. Simula pagkabata ay ito na ang pinakamalapit niyang kaibigan kaya naman kahit saan ay bitbit nila ang isa’t-isa.

Nakarating sila sa isang bilihan ng alahas. Pamilyar siya sa tindahang iyon dahil sikat ito sa pagbebenta ng naggagandahang alahas.

“Wow!” natutuwang bulalas ni Jolly nang tuluyan silang makapasok sa tindahan. Talaga namang naggagandahan ang mga disenyo ng mga ibinebenta doon.

“Jolly, bibili ka na naman? Kakabili mo lang ng alahas nung nakaraan, ‘di ba? Saka parang ang mahal mahal naman dito,” bulong niya sa kaibigan.

“Ano ka ba, ‘wag kang mag-alala, pinag-ipunan ko talaga ‘to!” katwiran ng kaniyang kaibigan.

Isa isa nitong tiningnan ang mga alahas na nasa estante. Bakas sa mukha nito ang pagkamangha sa bawat pirasong nakikita.

Hindi niya maiwasang pukulin ng naiinggit na tingin ang kaibigan. Balot na ito ng mamahaling alahas, ano pa ba ang kailangan nito?

Samantalang hindi man lang siya nito maisipan na bilihan ng regalo para sa nalalapit niyang kaarawan!

“Eto! Eto ‘yung gusto kong bilhin!” Nagliwanag ang mata nito nang mamataan ang hinahanap nitong pulseras.

Isa iyong gintong pulseras na binuo ng pinagkabit-kabit na puso. Mayroon pang iilang diyamante na nakadikit sa ilang parte nito.

Maging siya ay napanganga sa ganda at pagiging elegante ng pulseras. Muli ay hindi niya napaglabanan ang inggit na ngumatngat sa kaniyang puso.

“Oo nga, Jolly, ang ganda ganda…” wala sa loob na naibulalas niya.

“Buti naman nagustuhan mo, April! Bibilhin ko na ito!” tuwang tuwang sagot nito bago tinawag ang sales lady at binayaran ang binili.

Ilang tindahan pa ang pinasok nila bago nagyayang umuwi ang kaniyang kaibigan. Halos hindi na ito magkandaugaga sa pagbitbit ng mga pinamili nang magyaya itong umuwi na.

“Iba talaga kapag mapera,” sa isip isip niya habang sinasabayan ang kaibigan sa paglalakad.

Sa dami ng bitbit nito ay hindi nito namalayan na nahulog ang isang maliit na paper bag.

Wala sa loob na pinulot niya iyon. Nanlaki ang mata niya nang mapagtanto na ang nahulog ay walang iba kundi ang mamahaling pulseras.

Kaya naman imbes na kunin ang pansin ni Jolly ay nagmamadali niyang isinuksok iyon sa kaniyang bag bago muling sinabayan sa paglalakad ang kaniyang walang kamalay-malay na kaibigan.

Nang makauwi siya ay sabik niyang sinukat ang pulseras.

“Sabi ko na nga ba! Bagay na bagay ito sa akin!” natutuwang sambit niya. Inignora niya ang sundot ng konsensiya. Hindi naman siguro malaking kawalan sa kaibigan niya ang pulseras na iyon, hindi ba? Tutal marami naman itong mamahaling alahas!

Kinabukasan ay sinalubong siya ng nakasimangot na mukha ng kaibigan. Ikinuwento nito na nawala raw ang binili nitong pulseras.

Pilit niyang pinasigla ang tinig para sa malungkot na kaibigan.

“Ano ka ba, ‘wag ka nang malungkot! Madami ka namang alahas sa bahay, hindi ba? Hindi ‘yun kawalan sa’yo!” pagkokonsola niya kay Jolly.

“Sayang pa rin, April. Pinag-ipunan ko ‘yun, eh!” nagmamaktol pa ring wika nito, na tinawanan niya na lang upang hindi na humaba pa ang usapan nila.

“Malapit na birthday mo, hindi ba? Anong plano mo?” maya maya ay untag nito.

Lihim na napangiti si April. Hindi naman pala nalimutan ng kaibigan ang kaarawan niya.

“Kagaya lang ng dati. Maliit na salo-salo sa bahay. Alam mo naman kami, wala kaming maraming pera pang-party,” natatawang sagot niya sa kaibigan.

Sumapit ang araw ng kaniyang kaarawan.

Bukod sa kaniyang pamilya ay si Jolly lamang ang kaniyang bisita. Simple man ang naging pagdiriwang nila ay pinili niya nang hindi magreklamo.

“Happy birthday, April! Sana ay nagustuhan mo!” wika ng kaniyang kaibigan bago nito iniabot ang isang regalo.

Agad niyang binuksan ang regalo ng kaibigan. Nanlaki ang mata niya nang tumambad sa kaniya ang isang pamilyar na pulseras.

“P-paanong? H-hindi ba sabi mo nawala mo ito?” naguguluhang tanong niya sa kaibigan.

“Oo. Nawala ko ‘yun. Pero alam ko kasi na gustong-gusto mo, kaya pinilit kong bilhin talaga ulit para sa’yo. Halos maubos ang ipon ko diyan!” tila proud na tugon ni Jolly.

“I-ibig sabihin, ‘yung unang binili mo, para sa akin talaga dapat ‘yun, hindi para sa’yo?” paninigurado niya.

“Oo! Isang tingin ko pa lang dun, alam ko na magugustuhan mo ‘yun, eh. Ang ganda ‘di ba, isukat mo dali!” excited na sagot nito.

Tila binuhusan ng tubig si April sa matinding pagkapahiya. Hindi siya makapaniwala na pinag-interesan niya ang gamit ng kaibigan dahil lamang sa inggit. Gayong binili naman pala nito iyon para sa kaniya.

“April? Hindi mo ba nagustuhan ang regalo ko?” nag-aaalalang untag nito nang mapansin ang kaniyang reaksyon.

Mas lalo siyang nginatngat ng konsensiya.

Hindi siya nagsalita at tinungo ang kaniyang tokador. Inilabas niya ang pulseras na kinuha niya mula sa kaibigan.

Natigagal ito. “Bakit nasa’yo ‘yan?” usisa nito.

Hiyang hiyang ikinuwento niya sa kaibigan ang nangyari.

Noong una ay labis itong nadismaya sa nagawa niya. Subalit nang lumaon ay napatawad din siya nito sa pangakong hindi na niya muling gagawin ang kumuha ng bagay na hindi sa kaniya.

Malaki ang pasasalamat ni April na hindi naging dahilan iyon upang magkaroon ng lamat ang relasyon nila ng kaibigan na si Jolly.

Muli ay napatunayan niya na ang hindi nagnanais ang siyang binibigyan. Natutunan niya rin na ang inggit ang isang napakapangit na damdamin na walang ibang kayang gawin kundi ang sumira ng magandang samahan.

Advertisement