Inday TrendingInday Trending
Marami ang Nainis na Pasahero sa Matandang Tsuper na Mabagal Magmaneho; May Bitbit Pala Itong Karunungang Maibabahagi sa Dalagita

Marami ang Nainis na Pasahero sa Matandang Tsuper na Mabagal Magmaneho; May Bitbit Pala Itong Karunungang Maibabahagi sa Dalagita

Agad na nakasakay ang estudyanteng si Gertrude sa pampasaherong dyip na huminto sa kaniyang harapan. Mapalad siyang may bumaba kasi, kaya nagkaroon ng isang espasyo para sa kaniya. Pinagkasya niya ang kaniyang sarili upang makaupo na at makauwi na. Marami pa siyang gagawin kaya nagmamadali siya.

Sa totoo lang, tinatamad na siyang mag-aral. Dahil may online business naman siya na pagbebenta ng mga accessories at kumikita naman siya roon, palagay niya ay sapat na iyon upang mabuhay sa daigdig.

“Manong, pakibilisan naman po… wala na pong espasyo baka magpasakay pa kayo,” saad ng isang pasaherong ginang sa tsuper ng dyip.

Sinulyapan ni Gertrude ang tsuper sa unahan. Matandang lalaking halos puro uban na ang buhok. Nang magmaneho na ito, napakabagal. Napansin ni Gertrude na nagtitinginan na ang ilang mga pasaherong naunang sumakay sa kaniya.

“Bagal talaga… male-late na ako eh…” bulong ng katabi ni Gertrude na palagay niya ay nagtatrabaho naman sa call center dahil sa tatak ng kompanya na nasa uniporme nito.

Kung tutuusin at pakasusuriin, mabagal nga ang pagpapatakbo ng tsuper. Napabuntung-hininga na lamang si Gertrude.

Maya-maya, may pumara. Hindi yata narinig ng tsuper dahil patuloy lamang ito sa pagpapatakbo. Pumara ulit. Subalit patuloy lamang ito sa pagpapatakbo.

“Hoy huklubang tsuper! Sabi ko, para!!!” gigil na gigil na sigaw nito.

Saka naman narinig ng matandang tsuper at bumiglang preno ito. Muntik nang mapasubsob ang babaeng pumara.

“Lintik ka talaga! Kanina ka pa. Ang bagal-bagal mong magmaneho. Tapos bingi ka pa! Huwag ka nang bumiyahe manong, magpahinga ka na lang sa bahay!” pagalit na sabi ng babaeng pumara sabay baba ng sasakyan. Gulat na gulat naman ang lahat sa nasaksihan, ngunit nang makababa na ang babaeng pasahero, muling bumalik sa normal ang mga pasahero.

May nakadukmo sa kaniyang cellphone, may nakatanaw sa labas at tila naglalakbay ang isip, may nakapikit at umiidlip habang nakikinig sa musika.

Maya-maya, hindi na napigilan ng masungit na pasaherong ginang ang kaniyang bibig. Nainip na yata sa mabagal na pagmamaneho ng tsuper.

“Manong pakibilis-bilisan naman ho! Mas mabilis pa yatang tumakbo ang kuneho sa paraan ng pagpapatakbo ninyo eh. Kanina pa ho ang bagal ninyo. Bilis-bilisan na po natin kasi…”

At hindi na natapos ng ginang ang kaniyang sasabihin. Isang kakaibang tunog mula sa tiyan ang kaniyang pinakawalan. Pagkatapos, isang amoy na tila nabubulok ang pumailanlang. Hindi napigilan ng lahat na magtakip ng kanilang mga ilong. Pahiyang-pahiya ang ginang dahil hindi na niya napigilan ang pagpapakawala ng sama ng loob.

“Para! Para! Bababa na ang ako! Doon ako sa mabilis magmaneho!” galit na sabi ng ginang. Ibinato nito sa matandang tsuper ang kinuyom na bente pesos. Huminto ang tsuper at bumaba na ang ginang. Nagtawanan naman ang mga pasahero.

Nang unti-unting maubos ang mga pasahero, bahagyang lumapit si Gertrude sa kinaroroonan ng tsuper upang i-abot ang kaniyang bayad. Napansin niyang may benda ang kaliwang paa nito, na nakasuot lamang ng tsinelas. Ang kanang paa naman ay nakasuot ng sapatos.

Hindi na napigilan ni Gertrude na usisain ang tsuper.

“Manong, anong nangyari sa paa mo?”

Sumagot naman ang mabait na tsuper.

“Kuwan, inatake ako ng gout. Ngayon na lang kasi nakapamasada. Matagal na akong nahinto sa pamamasada, kaya pasensya na kayo kung mabagal na ako magmaneho. Hindi ako makagalaw masyado dahil masakit ang paa ko. Wala akong ibang mapamimilian. May sakit kasi ang anak ko, nakaratay siya. Siya talaga ang nagmamaneho nito.”

“Ganoon po ba, manong? Wala po ba kayong ibang kaanak na puwede ninyo munang mahingan ng tulong?”

“Wala, anak. Ito lang naman ang alam naming trabaho. Hindi naman kami nakapag-aral eh. Kailangang kumilos para mabuhay. Kaya ikaw ineng, mag-aral kang mabuti. Ang edukasyon ay pamana ng mga magulang sa mga anak nila na hinding-hindi mawawala sa iyo. Ang pera, mabilis maubos. Ang negosyo, puwedeng malugi o magsara. Pero ang edukasyong matatamo mo, kahit saan ka magpunta, iyan ang magiging bala mo. Kaya mong mapaganda ang buhay mo dahil sa mga darating na oportunidad.”

Pumara na si Gertrude ngunit pakiramdam niya ay nanatili sa dyip na kaniyang sinakyan ang kaniyang diwa. Paulit-ulit na naririnig ni Gertrude ang mga sinabi ng matandang tsuper, na huwag sayangin ang edukasyon, na huwag sayangin ang pagkakataong makapag-aral, dahil ito ay magiging bala saanman makarating ang kaniyang mga paa.

Kaya kinabukasan, masigla nang bumangon si Gertrude patungo sa paaralan upang mag-aral. Alam niyang mahirap ang kaniyang pinagdaraanan ngayon dahil sa mga requirements na kailangan niyang ipasa, ngunit mas magiging mahirap ang kaniyang buhay kung hindi niya pagpupursigihan ang pagtatamo ng kayamanang hindi mananakaw o makukuha ninuman.

Advertisement