Isang Sakit ang Sumira ng Kagandahan ng Misis na Ito; Matanggap Pa Kaya Siya ni Mister?
“Mabuhay ang bagong kasal!” sigaw ng marami habang naglalakad palabas ng simbahan ang bagong kasal na sina Edwin at Maricel.
Hangad ng dalawa ang payak at masayang buhay mag-asawa kasama ng magiging anak nila. May kaya sa buhay ang dalawa dahil inuna nilang magkaroon muna ng sariling bahay at negosyo bago sila magpakasal. Buong akala nila’y dito na lamang tatakbo ang kanilang buhay subalit isa palang sakuna ang mangayayari.
Maagang gumising si Maricel upang ipaghanda ng agahan ang kaniyang mister. Sa tuwing umaga ay masaya nilang sinisimulan ang araw na nagdadasal at nagkukwentuhan habang kumakain. Sa tuwing sasapit naman ang hapunan, tinitiyak ng dalawa na may oras pa rin sila para sa isa’t isa.
Habang lumalaki ang tiyan ni Maricel, napapansin niya ang pekas na unti-unting kumakalat sa kaniyang buong katawan maging sa leeg. Kung noon ay maliit na pekas lamang sa leeg, napansin niya ang malaki at maitim na nasa bandang likod niya. Natakot si Maricel nang makita ang sarili sa salamin.
“Mauna ka na at bibisitahin ko si inay sa bahay,” marahang wika niya sa mister.
“Samahan na kita kung bibisita ka kila inay,” tugon naman ni Edwin.
“Aahh… Ehh… Hindi na! Kaya ko na at isa pa, baka walang maiwan sa tindahan,” agad niyang palusot. Hindi na naman na nagpumilit pa si Edwin at nauna nang umalis.
Ilang minuto lamang, nang masigurong wala na ang asawa, agad na nagbihis si Maricel at bumisita sa isang malapit na ospital. Habang hinihintay ang resulta ng kaniyang mga laboratory tests, taimtim ang kaniyang pagdarasal na sana’y hindi iyon malubha at makakasama sa kaniyang anak na nasa sinapupunan pa lamang.
Maya maya lamang ay lumabas na ang doktor. Habang sinasabi ng doktor ang mga tests at ang sakit na dumapo sa kaniya, unti unti namang napuno ng luha ang mata ni Maricel. Isang malubhang sakit sa balat ang kaniyang nakuha at hindi na iyon magagamot pa dahil kumalat na ito sa buong katawan niya. Wari bang tumigil ang mundo ni Maricel. Isang pasasalamat lamang niya ay hindi iyon makakaapekto sa bata na kaniyang isisilang isang buwan na lamang.
Sa tuwing kakain ay halos walang gana si Maricel. Subalit pinili niyang ilihim iyon sa kaniyang asawa. Pinilit niyang maging normal pa rin ang kanilang pagsasama at tiniis ang sakit na nararamdaman kahit na hatinggabi. Hindi na rin halos siya makakain at makatulog. Maski ang pagdarasal ay kinawalan na niya ng gana. Ang tanging tanong sa isip ay ano kaya ang kaniyang malaking kasalanan.
Isang hapon, nakatitig si Maricel sa mga larawan niya nang siya ay dalaga pa. Halos lahat kasi ay naiinggit sa makinis at maputi niyang balat. Ubod naman talaga ng ganda si Maricel kung kaya nga ang sabi sabi ay pinili siya ni Edwin na ubod din ng kagwapuhan. Sa tuwing maiisip na Maricel na itatakwil na siya ng asawa, hindi niya mapigilan ang pag-iyak kasabay ang pagsisi sa Diyos na nagbigay ng kaniyang karamdaman.
Lumipas ang isang buwan at dumating na ang araw na siya ay manganganak na. Sa kabila ng hirap at sakit na naramdaman, nang masulyapan ni Maricel ang mukha ng kaniyang anak, napaluha na lamang siya sa kaligayahan.
Umapaw sa saya ang pagsasama ng mag-asawa. At habang mabilis na dumadaan ang mga araw, patuloy ang pagkalat ng pekas sa katawan ni Maricel. Subalit hindi na niya ito ininda at wari bang tanggap na niya ang kapalaran. Sinusulit ang bawat araw na kasama ang kaniyang mag-ama.
Hanggang isang araw, isang masamang balita ang dumating at muling yumanig sa mundo ni Maricel. Ang kaniyang mister daw ay naaksidente at napuruhan ang mga mata nito. Pasalamat na lamang ay buhay pa subalit hindi na ito muling makakita pa.
Nang gabing umuwi si Edwin sa bahay mula sa pagkakaospital, muli, taimtim na nagdasal ang mag-asawa. Wala man silang makapitan dahil sa bigat ng kanilang mga problema, alam nilang mayroon silang Diyos na siyang magpapagaan nang lahat ng kanilang pinagdadaanan. Iniinda rin ni Maricel na kung sakaling mawala siya, sino na ang mag-aalaga ng kanilang anak? Ngunit hindi naman nagkulang si Edwin kahit na siya ay bulag na. Patuloy pa rin ito sa pagpapaandar ng kanilang negosyo at paghahanapbuhay upang matugunan nang maayos ang kanilang pangangailangan.
Ilang buwan pa ang lumipas at halos nasasanay na ang mag-asawa sa kani-kanilang diperensiya. Pilit nilang itinataguyod nang maayos ang isa’t isa pati na ang kanilang anak. Gayunpaman, pinilit nilang maging masaya sa kung anuman ang mayroon sila. Habang dumaraan ang mga araw at buwan, ang dating makinis at maputing balat ni Maricel, ngayon ay hindi na kaakit-akit na tingnan pa. Buong akala niya’y naitatago niya ito mula sa kaniyang asawa subalit hindi pala.
Isang hatinggabi, nagising si Maricel at hindi napigilan ang pagsigaw dahil sa sakit at hapdi na nararamdaman sa kaniyang buong katawan. Agad na rumesponde nag kaniyang asawa at dinala siya sa ospital. Bago mawalan nang malay, kitang kita ni Maricel ang mga mata ni Edwin na lumuluhang nakatingin sa kaniya. Dito niya napagtanto na hindi naman pala talaga bulag ang asawa!
Kinaumagahan, pagmulat nang mata ni Maricel, naroon ang asawa na nagbabantay sa kaniya. Nagising iyon dahil sa hikbi ni Maricel habang hawak nito ang kaniyang kamay. Doon niya nalaman na nagkunwari lamang na bulag si Edwin upang hindi siya maalangan dito. Simula pa pala nung una ay alam na nito ang kaniyang kalagayan. Humingi nang tawad si Maricel at inilahad ang buong katotohanan sa kaniyang mister. Patawad sa paglilihim at panghuhusga na ganoon kababaw ang pagmamahal nito sa kaniya upang magbase lamang sa kaniyang itsura.
Nangako ang mag-asawa sa isa’t isa na hindi na maglilihim pa at haharapin ang anumang dagok ng buhay nang magkasama pati na ang kanilang anak.