Inday TrendingInday Trending
Sabik ang Magkakapatid sa Pagkawala ng Ama Dahil sa Mana; Subalit Isang Rebelasyon ang Magpapabago sa Kanila

Sabik ang Magkakapatid sa Pagkawala ng Ama Dahil sa Mana; Subalit Isang Rebelasyon ang Magpapabago sa Kanila

Madaling madali si Arlene upang maunang lumuwas pa-Maynila para lang maabutan pa ang kanilang ama sa mga huling sandali raw nito. Lahat kasi silang apat na magkakapatid ay pupunta sa kanilang dating bahay para magkasama sama dahil iyon daw ang nais ng kanilang ama. Subalit, lingid sa kaalaman ng lahat, mayroon palang hindi inaasahang mangyayari.

Pagbungad pa lamang sa pinto, sabay sabay na nakarating ang magkakapatid sa kanilang mansiyon. Ngunit sa labas pa lamang, kani-kaniya ng pagmamayabang ang magkakapatid mula sa kanilang suot, sasakyan at pagmamay-ari. Walang sinuman ang nagpapatalo hanggang sa salubungin sila ng tagapangalaga ng kanilang ama na may matamis na ngiti na nasa pintuan.

Nang makita ang ngiti na iyon, nagpeke ng kilos at ugali ang magkakapatid. Bigla na lamang silang nagyakapan at nagbatian at nakangiting nagtungo sa kinaroroonan ng ginoo.

“Oh, manong, kumusta naman ang lagay ni papa?”

“Manong, super namiss ko kayo!”

“Manong, natanggap ba ni papa iyong mga padala kong mga prutas? Galing sa farm ko iyon!”

“Nong, hindi ba’t kakabisita ko lang dito kailan lang? Pero mukhang mas malusog kayo ngayon ah?”

Kani-kaniyang bati ang mga ito habang patuloy na nag-iilagan ng tingin at nagpapataasan ng kanilang mga ugali. Pinaghandaan sila ng isang magarbong pagkain sa may mesa at doon ay salo-salong kumain. Sa labas ng kanilang kusina, naroon ang malaking larawan ng kanilang buong pamilya kasama ng kanilang yumaong ina. Kuha iyon noong sila’y huling magkasama sama bilang isang buong pamilya at wala pang alitan.

Ang mga pagkain na nasa hapag ay mga pagkain na kanilang kinakain noong sila’y bata pa. Ang lasa at bawat subo ay nagpapabalik ng kanilang alaala. Nagsimula ang kwentuhan nang simulan ng kanilang panganay ang isang kwento nang araw na nagpunta sila sa dagat at napaso ng apoy ang kanilang bunso. Lahat ay nagtatawanan habang nagsasalo-salo.

Nagpatuloy pa ang kwentuhan ng mga magkakapatid hanggang sa tanungin nila ang ginoo na nag-aalaga sa kanilang ama.

“Mas magiging masaya ang kwentuhan kung nandito ang papa,” wika ng isa.

“Oo nga, manong. Ilabas mo muna si papa. Nandito lang naman tayo sa kusina, tiyak akong magiging masaya siya,” pagsang-ayon naman ng kanilang panganay.

“Eh… Kakainom lang kasi ng gamot ng papa niyo. Baka mamaya gigising na rin iyon o kaya bukas ng umaga ay madatnan niyo na siya dito sa kusina na kumakain,” tumango lamang ang ginoo at nagbalik lamang ito ng ngiti sa magkakapatid habang inilalahad ito.

Nang matapos na ang salu-salo, nagtulong tulong naman ang magkakapatid sa paglilinis ng hapag. Subalit isang problema ang kanilang nakita, lahat ng silid ay marumi at isa lamang ang maaari nilang gamitin. Nagpasya silang lahat na sama-samang matulog sa iisang kwarto dahil wala naman talaga silang pagpipilian.

Sa kalagitnaan ng gabi na iyon, kahit na pagod, may nakita ang kanilang bunso sa ilalim ng kama na mga laruan na noon ay palagi nilang nilalaro na magkakapatid. Dahil putol ang internet at wala na rin namang magawa, sumang-ayon ang lahat na laruin ulit iyon. Ang buong gabi ay napuno ng kulitan at tawanan ng apat na magkakapatid. Pakiramdam nila ay bumalik sila sa pagkabata nang gabing iyon. Walang trabaho, walang mamahaling kasuotan kundi pantulog lamang at mga sarili na naglalaro ng isang pambatang laruan.

Maagang nagising ang magkakapatid dahil sabik na sila muling makita ang kanilang ama. Sa pagkakataong ito, tila ba nabura ang galit at poot ng isa’t isa sa bawat isa. Muli nilang tiningnan ang isa’t isa bilang kanilang kapatid, kadugo, at kapamilya. Kakain na sana sila nang umagang iyon habang masaya pa ring nagkukwentuhan. Subalit nalimutan ata nila, na kaya lang naman sila pumunta ay para kuhanin ang kanilang pamana sa amang malapit nang pumanaw.

Mailang ulit nilang tinanong at pinilit na pumasok sa silid ng kanilang ama subalit hindi sila pinayagan nito. Halos magalit na nga sila ngunit ipinaliwanag lamang na maselan daw ang kondisyon at sa tanghalian na lamang sasama sa kanila. Kung kaya naman, nagpasya ang magkakapatid na mamalengke at sila na mismo ang magluto para sa tanghalian.

Habang abala, masaya naman ang bawat isa na nagtutulong tulong upang makapaghanda ng isang simple ngunit masarap na tanghalian para sa kanilang ama. Nang maluto at maihanda na pagkatapos ng ilang oras, masaya silang naghanda upang batiin ang ama.

Una nilang nakita ang wheel chair ng ama na tulak-tulak ng ginoo na siyang nag-aalaga rito. Subalit natulala ang magkakapatid nang makita ang magarbong garapon na nakasakay sa wheel chair. Nagtinginan sila habang maraming itinatanong sa kanilang isipan. Dito na sinimulan ng manong ang kaniyang kwento at huling habilin ng kanilang ama.

“Isang buwan na mula nang yumao ang ama niyo. Subalit ayaw na niyang ipaalam sa inyo dahil lahat kayo ay abala sa kani-kaniyang mga negosyo at trabaho. Isa lamang ang habilin ng ama ninyo sa akin, na tiyakin na magsasama-sama kayo at muling magkabati-bati. Dahil kung siya’y papanaw, mahihiya raw siyang harapin ang inyong ina dahil bigo siyang maging ama sa inyong apat… lahat ng ari-arian ay hinati sa inyong apat na pantay, ang sobra ay mapupunta sa mga ampunan… Iyon lamang… Mahal na mahal kayo ng inyong ama…” banggit ng manong sa magkakapatid na lumuluha.

Bumuhos ang emosyon ng magkakapatid at sinisisi ang kanilang mga sarili dahil hindi man lang nila nasilayan ang ama bago ito pumanaw. Nang dahil dito rin ay muling nagkabati-bati ang magkakapatid at nangakong magtutulungan sa lahat ng kanilang problema na darating pa.

Advertisement